NAIWAN sa loob ng kubo ang naghihingalong si Carmen at ang umiiyak na si Didong.
"Nanay... Nanay, 'wag kang mamamatay..." Walang humpay sa pag-iyak si Didong.
Dahan-dahang umangat ang kamay ni Carmen na may hawak na rosaryo at hinaplos ang pisngi ng anak niya. Ilang saglit lang iyon. Pagkatapos ay mapait siyang ngumiti at tuluyan nang hinigit ang huli niyang hininga.
"Nanay!!!" Halos kapusin ng hininga si Didong sa nadaramang paghihinagpis sanhi ng pagyao ng mahal niyang ina. "Nanay! Nanay, gumising ka!"
Nalaglag ang kamay ni Carmen na nakadampi sa pisngi ni Didong. Kasabay na nahulog sa lupa ang rosaryo eksakto sa bahaging may patak ng dugo na nanggaling sa saksak ni Carmen.
Sa isang gilid na bahagi ng kubo ay isang malaking sawa ang gumagapang. Paikot-ikot ito sa loob ng kubo na para bang sinusuri ang mga nasa loob nito. Maya-maya pa ay gumapang ito papalapit kina Carmen at Didong.
Nahintakutan si Didong nang makita ang malaking sawa na dilaw na dilaw ang mga mata at mahahaba ang mga pangil kaya bigla siyang napatayo at napatakbo papalayo sa bangkay ng ina. Kitang-kita niya ang dahan-dahang paglapit ng ahas sa kanyang ina. Nakakatakot din ang mahaba at sanga-sanga nitong dila na labas-pasok sa bibig nito.
Dinila-dilaan ng ahas ang mukha ni Carmen. Kasunod nito ay dinilaan din ang mga braso at binti. Gumapang ang ahas sa buong katawan ng babae at unti-unti ay nagkaroon ng tila kaliskis na balat ng ahas ang mukha, braso at binti nito at lahat ng bahaging nadaanan at nadilaan ng ahas. Ilang sandali lang at nabalot ng tila kaliskis na balat ng ahas ang buong katawan ng kanyang ina. Binalot ng sindak si Didong sa kanyang nasaksihan at napako na siya sa kanyang kinatatayuan.
Mas lalo siyang kinilabutan nang dahan-dahang bumuka ang bibig ng ahas hanggang sa lumaki nang husto ang bibig nito. Kitang-kita rin niya nang lumapit ang nakabukang bibig ng ahas at sinakmal ang bangkay ng kanyang ina.
Hindi na mawawala sa kanyang gunita kung paanong kinain ng ahas na iyon nang buo ang kanyang mahal na ina! Sa paningin niya'y nagmistulang isang buong taong ahas ang kanyang ina habang unti-unti itong nilulunok ng malaking ahas.
Halos hindi na gumagalaw si Didong sa kanyang kinatatayuan sa pangambang siya naman ang isunod na lunukin ng malaking sawa. Pati ang kanyang pag-iyak ay pilit niyang pinigilan. Ayaw naman niyang mapunta sa loob ng tiyan ng ahas. Sa kanyang murang isipan ay hindi na maaalis ang nakakakilabot na eksenang kanyang nasaksihan.
Ilang sandali ring namalagi roon ang sawa. Labas-masok ang dila nito na tila ba naghahanap pa ng makakain. Nang makita nito ang rosaryong puno ng dugo ni Carmen ay inikutan nito ang rosaryo at saka dinilaan nang paulit-ulit. Pagkatapos ay tila ba may buhay na biglang gumalaw ang rosaryo. Gumalaw ito na para bang gustong kumawala sa lupa at lumutang sa hangin. Ilang saglit din itong kumiwal-kiwal hanggang sa tuluyan na itong umangat at lumutang. Dahan-dahan itong nagpaikot-ikot sa loob ng bahay, naghahanap ng malulusutan. At nang matiyempuhan ang daan papalabas ay para itong bulalakaw na sumibad papalayo hanggang sa tuluyan na itong nawala sa kadiliman ng gabi.
Nanatiling hindi kumikilos si Didong sa kinatatayuan niya. Panay lang ang lunok niya ng laway. Balot na balot ng takot ang kanyang itsura. Sobra-sobrang sindak na ang nasaksihan niya ngayon simula kanina sa pagdating ng mga buhong na kalalakihan.
Muli niyang tiningnan ang malaking ahas. Nasa harap pa rin niya ito at hindi pa rin umaalis. Ano pa kaya ang gagawin nito? Ang katawan nito ay maumbok pa rin at mahahalatang katatapos lang nitong lumunok ng isang malaking pagkain. Patuloy na naglalabas-pasok sa bibig nito ang mahaba at sang-sangang dila nito. Mamaya pa ay muli na itong gumapang papalabas ng kubo at ilang saglit lang ay wala na ito sa paningin ni Didong.
BINABASA MO ANG
Curse of the Wooden Rosary
HororWhile investigating the death of a local resident, Police Investigator Helen Domingo uncovers a legend about a supernaturally-cursed, wooden rosary circulating throughout the province. As soon as anyone touches or owns the rosary, he or she will die...