Chapter 14

605 37 5
                                    

"DIDONG!" Ang pagtawag sa kanya ni Romano ang tila nagpabalik sa kanyang katinuan.

Nilingon niya ito at kinausap, "Ano ang gusto n'yong malaman?" Wala na ang angas sa boses nito. Napalitan na ng tinig ng isang lalaking handang sagutin ang lahat ng kanilang mga katanungan.

Hindi na pinalampas ni Helen ang pagkakataon. "Bakit namamatay ang lahat ng humawak o magmay-ari sa rosaryong dala namin?"

"May sumpa ang rosaryong 'yan," walang gatol na sagot ni Didong. "Isinumpa 'yan para mabigyan ng katarungan ang isang kalapastanganan!" dagdag pa niya.

"Kalapastanganan kanino? At sino ang dapat magbayad? Dahil sa sumpang 'yan, maraming inosenteng tao ang nadadamay. Marami na ang namamatay," pagsali ni Nathan sa usapan.

Nagtungo ng ulo si Didong, tapos ay umiling-iling. "Wala akong alam. Hindi ko alam."

"Sigurado kang wala ka nang alam?" tanong ni Romano. "Nagbuwis din ng buhay ang ama ko nang dahil sa sumpang 'yan. Wala kaming kaalam-alam na may dalang sumpa ang rosaryo nang mapulot niya iyon sa gubat. Pagkalipas ng ilang araw, bigla na lang siyang namatay."

Patuloy sa pag-iling si Didong. "H-hindi ko alam. Wala akong alam. Umalis na kayo, hanggang doon lang ang alam ko. Wala na akong maitutulong sa inyo." Tinalikuran na niya ang mga bisita at nagmamadaling pumasok sa loob ng kanyang kubo.

"Didong!" pasigaw na tawag ni Helen.

"Umalis na kayo!!!" narinig nilang sigaw nito mula sa loob ng kubo. "At huwag na kayong babalik!" Bumalik ang dating angas nito.

Bigong nagkatinginan ang tatlo.

"Uuwi na po ba tayo?" tanong ni Kyte. "Paano na po 'yan, Tito Nathan? Hindi niya tayo tinulungan. Mamamatay na po ba tayong tatlo?"

"Hindi, Kyte. Hindi tayo mamamatay," tiim-bagang na sagot ni Nathan sa kanyang pamangkin.

"Walang mamamatay sa ating tatlo, Kyte. Lalabanan natin ang sino mang demonyong nakapaloob sa sumpa ng rosaryo," buo ang loob na sabi ni Helen.

"Bumalik na tayo, gagabihin na tayo rito. Mahihirapan tayong bumaba ng bundok kapag inabutan tayo ng dilim," paalala ni Romano.

Wala nang nagawa sina Nathan at Helen kung hindi sundin ang sinabi ni Romano. Nagsimula na silang maglakad pabalik sa paanan ng bundok. Tahimik ang bawat isa. Walang gustong magsalita. Bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang iniisip. Mabilis na lumilipas ang mga araw. Paano na lang kung sumapit ang ika-labintatlong araw na wala pa rin silang nagagawa para pigilan ang sumpa? Mapipigilan ba nila ang kanilang kamatayan?

Gutom at pagod na pagod silang apat nang makarating sa bahay ni Romano. Nagluto si Romano ng nilagang kamote at inihain niya iyon para maging hapunan nila.

"Dito na kayo magpalipas ng gabi. Puwede ninyong abangan bukas si Didong para muling kausapin. Dito siya dumadaan araw-araw kapag pumupunta siya sa poblasyon," pahayag ni Romano habang pinagsasaluhan nila ang nilagang kamote. "Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Habang humihinga pa kayo, may magagawa pa para putulin ang sumpa ng rosaryo."

"Naalala ko lang iyong sinabi ni Didong, na isinumpa ang rosaryo para bigyang katarungan ang isang kalapastangan. Sino nga kaya ang humihingi ng katarungan?" tanong ni Nathan.

Biglang may naisip si Helen. "Nathan, hindi ba may imahe rin tayong nakikita tungkol sa isang lumang diyaryong naglalaman ng balita tungkol sa isang aksidente sa kotse? Sa tingin ko, may kaugnayan iyon sa sinasabi ni Didong. Posibleng ang mga sakay ng kotseng iyon ay biktima, hindi ng sakuna kundi ng isang pinlanong aksidente. At kung sinadya nga ang aksidenteng iyon, kailangan nga ng katarungan ng mga biktima. Ano sa tingin mo?"

"Tama! Siguradong may koneksyon sa sumpa ang lahat ng mga imaheng lumilitaw sa ating isip. Kailangan lang nating matuklasan kung ano ang kaugnayan ng mga imahe sa sumpa ng rosaryo," pagsang-ayon ng binata.

"Anong aksidente sa kotse ang sinasabi n'yo?" nagtatakang tanong ni Romano.

"May mga imaheng lumalabas sa isipan namin mula nang mahawakan namin ang rosaryo. May dagang naka-hood na nagbubunganga ng pananampalataya, si Didong Daga nga iyon. Mayroon ding lumang diyaryo na naglalaman ng balita tungkol sa isang aksidente sa kotse, isang tuta na nagbabalanse sa isang beach ball, at isang balon ng malinis na tubig sa gitna ng isang nakapangingilabot na gubat," pagkukuwento pa ni Helen.

"Naniniwala kami na lahat ng imaheng iyon ay makakatulong sa amin para maputol ang sumpa ng rosaryo. Kailangan lang na matuklasan namin ang kahulugan ng mga ito," susog pa ni Nathan.

"Mayroon na lang akong apat na araw, Romano. Kailangang magawa namin ang mga dapat gawin. Matuklasan ang mga kailangang tuklasin, para maputol na ang sumpa ng rosaryo at wala nang mapahamak na mga inosenteng tao." Wala nang bakas ng takot ang mukha ni Helen. Ang tanging naroon na lang ay ang masidhing pagnanais na magkaroon ng magandang resulta ang pagsisikap nilang mapatid ang sumpang dala ng rosaryong kahoy!

"Kung aksidente sa kotse, hindi 'yan dito nangyari dahil wala namang sasakyan dito sa isla. Mahihirapan kayong hanapin 'yan dahil napakalaki ng Pilipinas," opinyon ni Romano.

"Saan ba dito sa isla malakas ang signal ng cellphone?" tanong ni Nathan. "Puwede tayong magsimulang maghanap sa internet," suhestiyon pa niya.

"May signal ang cellphone sa poblasyon. Maging sa tabing dagat. Doon madalas na malakas ang signal ng telepono," sabi ni Romano.

"Iniisip ko lang kung nasa internet nga ba ang balitang iyan. Kung nangyari 'yan nang matagal na panahon na, at hindi naman kilalang mga tao ang sangkot malamang na wala 'yan sa internet," paniniguro ni Helen.

"Walang mawawala kung susubukan ko." Si Nathan ang tipong hindi agad sumusuko.

"Tatawagan ko si Cristy bukas," sabi ni Helen. "Pakikiusapan ko siyang maghanap sa museum sa Burgos. Baka may mga lumang kopya ng diyaryo doon at makita niya ang diyaryong hinahanap natin."

"Sana ay magkaroon ng magandang resulta ang mga plano natin, Helen."

"Sabihan n'yo lang ako kung may maitutulong ako sa inyo," giit naman ni Romano. "Gusto ko ring maputol na ang nakakabit na sumpa sa rosaryo."

Nginitian ni Helen ang bagong kakilala.

HATINGGABI nang biglang magising si Nathan mula sa mahimbing na pagkakatulog. Bahagya niyang iniangat ang kanyang leeg. Pakiramdam niya ay may sumasakal sa kanya. Tinangka niyang bumangon ngunit hindi niya magawa. Ang tanging kaya niya lang gawin ay labanan ang hindi niya nakikitang puwersa na nagtatangkang putulin ang kanyang hininga!

Sinikap ni Nathan na igalaw ang kanyang mga kamay at paa para makagawa ng ingay o kaluskos upang magising sina Kyte at Helen na katabi niya sa kama pero tila siya ay naparalisa na. Walang lakas ang kanyang katawan upang kumilos lalo na at unti-unti na siyang nangangapos ang hininga.

Halos sumabog na ang kanyang ulo sa tindi ng pagpipigil niyang huwag malagutan ng hininga. Butil-butil na ang pawis sa kanyang mukha. Hindi pa rin niya maikilos ang kahit na anong bahagi ng kanyang katawan.

Curse of the Wooden RosaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon