PUMARADA ang owner-type jeepney na minamaneho ni Police Investigator Helen Domingo sa tapat ng isang bahay. Halos mapuno ng mga tao sa lugar na iyon ang labas ng bahay dahil bawat isa ay gustong makiusyoso sa babaing natagpuang patay sa salas ng bahay nito.
"Paraan! Makikiraan po..." Sinagasa ni Helen ang mga tao para makasingit siya papunta sa loob ng bahay. Naabutan niya roon ang kapitan ng barangay at ilang mga kagawad nito.
"Sino ang unang nakakita sa bangkay? Anong pangalan niya?" tanong ni Helen kay Kapitan.
"Marissa Andres ang pangalan ng namatay. Ang nakababata niyang kapatid na si Rona ang nakakita na nakabulagta si Marissa dito sa salas at wala nang buhay pagkauwi niya ngayong umaga," paliwanag ng kapitan. "Hindi pa namin ginagalaw ang bangkay."
Pinagmasdan ni Helen ang walang buhay na babae na nakahandusay sa salas. Sinuri niya ito sa posibleng dahilan ng pagkamatay. Tiningnan kung may sugat o pasa man lang ang bangkay. Wala naman siyang makitang kakaiba sa itsura nito. Parang namatay lang ito sa natural na paraan. Puwedeng inatake sa puso at sa salas na inabutan.
Isa ang tumawag sa kanyang atensyon, ang rosaryong hawak nito.
Dinampot ni Helen ang rosaryo. Nagdadasal ba ang babae nang abutan ng kamatayan?
"May ipapakita sana ako sa'yo," biglang sabi ni Kapitan.
"Ano po 'yon?"
Lumapit kay Helen ang matandang lalaki hawak ang cellphone nito.
"Kinunan namin ng litrato ang bangkay kanina bago ka pa dumating. Eto, tingnan mo..." Ipinakita ni Kapitan kay Helen ang mga litraro at anong gulat niya sa natunghayan. Ang bangkay na nasa mga litrato ay ibang-iba sa bangkay na nasa kanilang harapan. Ang mukha, braso, kamay, binti at mga paa nito ay nababalutan ng tila balat ng ahas.
Nilingon ni Helen ang bangkay. Bakit wala namang balat ng ahas sa bangkay na nasa kanyang harapan? Ang nakikita niya ay isang normal na bangkay. Ang nasa mga larawan ay tila isang freak na nilalang!
"Bakit ganito?" hindi makapaniwalang tanong ni Helen. May problema ba sa mga mata niya? "Siya ba ito, Kapitan? Totoo ba 'to?" sunod-sunod niyang tanong sa labis na pagtataka.
Mabilis niyang dinukot sa bulsa ang sariling cellphone at agad na kinunan ng litrato ang bangkay sa iba't-ibang anggulo. Pagkatapos ay kanya rin itong tiningnan.
Nanlaki ang mga mata ni Helen sa natunghayang mga larawan. Katulad ng mga larawang ipinakita ni Kapitan ang bumulaga sa kanya. Paanong nangyaring iba ang lumalabas na imahe sa mga larawan kung ikukumpara sa itsura ng bangkay na kanyang nilitratuhan?
Ibinalik niya sa bulsa ang cellphone kasama ang rosaryong nakuha niya sa kamay ng bangkay.
"Kapitan, nandiyan na ang ambulansya!" malakas na sabi ng isang tanod na natanawan mula sa bintana ang pagdating ng sasakyan.
"Nasaan si Rona?" tanong ni Helen kay Kapitan.
"Nandito po ako." Mula sa likuran ay narinig ni ang boses ng babae.
Hinarap niya ang babae. "Rona, puwede ka bang pumunta mamaya sa presinto? May ilang mga bagay lang akong itatanong sa'yo tungkol sa ate mo."
Tumango ang babae.
"Takpan mo na ng kumot ang kapatid mo. Kailangang dalhin sa ospital ang bangkay para ma-awtopsiya.
Kaagad na kumilos si Rona para kumuha ng kumot at nang bumalik ay nasa loob na rin ng bahay ang mga tauhan ng ospital na magdadala sa bangkay ng kanyang kapatid.
Tinakpan ni Rona ng dalang kumot ang walang buhay niyang kapatid bago ito inilabas ng bahay ng mga tauhan ng ospital.
"Kapitan, mag-usap tayo sa ibang araw tungkol diyan sa mga larawang hawak mo. Hanggang ngayon ay hindi ko maisip kung bakit nagkaganoon ang mga litrato."
BINABASA MO ANG
Curse of the Wooden Rosary
TerrorWhile investigating the death of a local resident, Police Investigator Helen Domingo uncovers a legend about a supernaturally-cursed, wooden rosary circulating throughout the province. As soon as anyone touches or owns the rosary, he or she will die...