BINALOT ng takot ang mukha ni Didong Daga.
"Huwag mong ilapit sa akin 'yan! Ayokong hawakan 'yan! Ilayo mo sa akin 'yan!" nanginginig nitong sigaw.
"Madali akong kausap, Didong Daga. Tutulungan mo ako o pareho tayong mamamatay. Mamili ka." Mahina pero may diin ang bawat salitang binitiwan niya.
"Oo, magsasalita na ako. Magsasalita na ako! Alisin mo na sa harap ko ang rosaryong 'yan." Kita ni Helen na totoo ang nararamdamang takot nito. Ibig sabihin, alam talaga nito ang panganib na dala ng rosaryo.
Ibinalik niya sa bulsa ang rosaryo pero hindi niya inaalis ang pagkakahawak sa kuwelyo ni Didong Daga. Mas matangkad siya rito kaya hindi siya nahirapang hilahin ito papunta sa isang sulok para kausapin.
"Marunong akong gumalang sa matanda pero pasensyahan muna tayo. Ngayon, sabihin mo lahat ng nalalaman mo. Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryo at bakit?"
"Eh--- si..."
"Ma'am Helen!"
Napatingin siya sa pinagmulan ng tinig. Nakita niya si Carlos, sakay ng motorsiklo nito. Iyon ang sinamantala ni Didong Daga. Malakas niyang itinulak si Helen at saka tumakbo nang mabilis. Pumasok siya sa malilit na pasilyo sa paligid ng talipapa at agad na nawala sa paningin ni Helen.
Hindi na siya nagawang habulin ng imbestigador.
"Carlos, bakit?"
"Nakita kasi kita rito. Akala ko napagtripan ka ni Didong Daga kaya lumapit ako. May problema ba?"
"Si Didong Daga. Siya ang susi sa lihim ng isinumpang rosaryo."
"Ha? Paanong---?"
"Alam niya kung paanong nagkaroon ng sumpa ang rosaryo at ang dahilan ng paglalagay ng sumpa rito. Magsasalita na siya kanina nang tawagin mo ako kaya nagkaroon siya ng pagkakataong takasan ako. Dahil ayaw na ayaw niya talagang magsalita. Tinakot ko lang siya. Kaso, natakasan na naman niya ako."
Nanlumo si Carlos. "Sorry, kasalanan ko pala. Hindi ko alam, pasensya na," paghingi niya ng paumanhin.
"Hindi bale. Hindi naman basta makakaalis ng isla si Didong Daga. Pupuntahan ko na lang siya ulit sa bahay niya."
"Kung may maitutulong ako, sabihan mo ako. Hayaan mo, kapag nakita ko siya rito bukas, aanyayahan ko siya sa kampo. Para doon kayo mag-usap."
Matipid na ngiti ang isinagot niya sa sundalo. "Saan pala ang punta mo?" tanong niya rito.
"Pauwi na. Doon lang kami nakatira, malapit lang dito." Itinuro pa ni Carlos ang direksyon patungo sa bahay nila.
"Ahh," sabi niya sabay tumango-tango. "Sige, may bibilhin lang ako, tapos babalik na rin ako sa tinutuluyan namin. Baka hinihintay na ako ng mga kasama ko."
"Ingat..."
Tumango siya at iniwan na ang kausap.
Nagtungo siya sa isang tindahan upang bumili ng bumbilya ngunit wala siyang nabili.
"Saan pa kaya ako puwedeng bumili?" tanong niya sa tindera.
"Dito sa katabing tindahan, kaso sarado na sila. Balik ka na lang bukas," suhestiyon ng tindera.
Walang nagawa si Helen kundi ang umuwi na lang. Ganito ba talaga kahirap ang pamumuhay sa lugar na ito?
Pagdating niya sa nirerentahang bahay ay napansin niyang sarado pa rin ang bahay ni Iskang Isda. Ano bang nangyari sa matandang iyon at hindi na niya nakikita?
Dumiretso na siya sa tinutuluyan nila. Kumatok siya sa pinto at nang bumukas iyon ay nakita niya si Kyte.
"Asan ang Tito Nathan mo?"
BINABASA MO ANG
Curse of the Wooden Rosary
HorrorWhile investigating the death of a local resident, Police Investigator Helen Domingo uncovers a legend about a supernaturally-cursed, wooden rosary circulating throughout the province. As soon as anyone touches or owns the rosary, he or she will die...