Chapter 22

669 44 26
                                    

"OKAY ka lang ba, Kyte?" tanong ni Helen sa bata nang tuluyan nang makaahon sa batis ang magtiyuhin.

"Opo," sagot nito na nanginginig pa rin ang katawan.

"Halina kayo, ituloy na natin ang paglalakad," yaya sa kanila ni Nathan.

Nagpatuloy silang tahakin ang daan patungo sa tinitirhan ni Didong Daga. Nang sa wakas ay makita nila ang kubo nito ay mas binilisan pa nila ang paghakbang.

Nang marating nila ang kubo ay tumawag si Nathan.

"Didong Daga, lumabas ka! Kausapin mo kami! Alam naming may alam ka tungkol sa pinagmulan ng sumpa sa rosaryo. Kailangang sabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo."

Walang Didong Daga na lumabas o kaya naman ay sumilip man lang sa bintana.

"Wala yata siya rito, Nathan," obserba ni Helen. "Baka nasa poblasyon siya at nagkasalisi lang tayo."

"Nandito lang ako!" Narinig nilang tinig mula sa likuran.

Sabay-sabay silang napalingon sa kanilang likuran at nakita nila si Didong Daga na may pasang mga kahoy na panggatong.

Ibinaba ni Didong ang mga kahoy at hinarap ang tatlo.

"Ano ba talaga ang kailangan ninyo sa akin?" buo ang kumpiyansa sa sariling tanong nito.

Sumugod si Nathan at mabilis na dinakma ang kamisetang suot ng lalaki. "Sasabihin mo sa amin ang nalalaman mo tungkol sa isinumpang rosaryo, sa ayaw at sa gusto mo!"

Matapang na nagsalita si Didong Daga, "Hindi mo kailangang gumamit ng dahas para pagsalitain ako." Hinawakan niya ang kamay ni Nathan na nakahawak sa kanyang kamiseta at dahan-dahan itong ibinaba. "Halikayo sa loob ng kubo ko, doon tayo mag-usap."

Nauna nang naglakad si Didong Daga. Nag-aalangang sumunod sina Nathan at Helen, pero nanatili silang alerto sa anumang puwedeng mangyari. Si Kyte ay naman ay nakahawak sa braso ni Helen.

"Maupo kayo," sabi ni Didong na ang tinutukoy ay ang mahabang upuang gawa sa kawayan na naroon sa pinakabukana ng kubo na siyang nagsisilbing salas ng munting bahay na iyon.

"Basang-basa ang mga suot n'yo. Anong nangyari?"

"Nahirapan lang kaming tumawid sa ilog. Malalim kasi at malakas ang agos." Hindi na sinabi ni Helen ang totoong nangyari.

Pumasok sa loob si Didong ang nang lumabas ay may dala na itong tatlong basong may lamang kape.

"Magkape muna kayo para mawala ang lamig na nararamdaman n'yo. Nilagang sinangag na bigas lang iyan, pero kasingsarap naman ng mga ordinaryong kape." Iniabot niya sa tatlong bisita ang kape na tinanggap naman ng mga ito.

Si Kyte ang naunang uminom ng kape. Sumunod din namang tumikim sina Nathan at Helen.

"Ano ang gusto ninyong malaman tungkol sa rosaryo?" tanong ni Didong Daga.

"Namamatay ang sinumang humawak o magmay-ari sa rosaryo. Paano namin mapuputol ang sumpa?" tanong ni Helen.

"Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryo at bakit niya ginawa iyon?" susog na tanong naman ni Nathan.

Nanatiling nakatingin lang sa kanila si Didong Daga. Nangingislap ang mga mata nito na para bang tuwang-tuwa.

Nagulat sina Helen at Nathan nang mula sa pagkakaupo ay biglang bumagsak sa lupa si Kyte. Walang malay!

Nanlaki ang mga mata ni Nathan. "Anong ginawa mo sa pamangkin ko?" galit niyang tanong.

"Katulad din ng ginawa ko sa inyong dalawa," nakangising sagot ni Didong Daga at saka humalakhak tanda ng kanyang tagumpay.

Curse of the Wooden RosaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon