Chapter 11

640 41 4
                                    

MABILIS na kumuha si Nathan ng kamiseta ni Kyte at ibinigay rito. "Eto, magsuot ka ng damit."

Agad namang sumunod ang bata sa utos ng tiyuhin.

"Anong kaliskis? Nasaan? Wala naman akong nakikitang kaliskis sa dibdib niya." Puno ng pagtataka sa mukha ni Iska.

Nagkatinginan sina Helen at Nathan. Si Helen ang unang nakabawi. "Epekto 'yan ng sumpa ng rosaryo. May mga bagay siyang nakikita na hindi nakikita ng iba. Kaya sana matulungan n'yo kami..."

"Paano ko ba kayo matutulungan? Kinakabahan na ako." Halata ang takot sa boses ni Iska.

"Sino iyong sinasabi n'yong daga na kilala rito sa lugar ninyo?" tanong ni Helen.

"Si Didong Daga," agad nitong sagot. "Madalas siya sa poblasyon, nangangaral ng salita ng Diyos."

Napamulagat si Helen. "Siya ba iyong payat na lalaki na mahaba ang buhok at medyo nakalabas ang dalawang ngipin sa itaas?"

"Siya nga! Pumupunta lang siya sa poblasyon para maghayag ng salita ng Diyos. Pagkatapos ay uuwi na siya sa Kadawagan."

"Nathan! Siya iyong nadaanan natin sa poblasyon kanina at 'yung lalaking nakasalubong natin na nakatalukbong noong pauwi na tayo."

"Oo, naaalala ko. Sinong mag-aakalang siya ang dagang hinahanap natin?" hindi makapaniwalang sabi ni Nathan. Kahit paano ay may linaw na ang misteryo ng hooded rat na nakikita nilang lumilitaw sa kanilang isip kasama ng iba pang mga imahe.

Hindi pala domestic rat ang hooded rat sa kanilang pangitain. Hindi rin tao na mahilig sa daga o nag-aalaga ng daga, kundi isang tao na binansagang daga dahil sa pisikal na anyo nito.

At eksakto si Didong Daga sa deskripsyon sa kanilang pangitain. Isang hooded rat na nagbubunganga ng pananampalataya. Hindi ba't si Didong Daga ay nagbubunganga sa poblasyon ng mga salita ng Diyos? Idagdag pang ang ulo niya ay may talukbong nang makasalubong nila ito sa daang pauwi dahil sa suot nitong hoodie.

"Saan ang Kadawagan?" interesadong tanong ni Nathan.

"Sa gubat! Ang Kadawagan ay sa gubat pag-akyat ng bundok." Pinipilit maging mahinahon ni Iska pero 'di niya magawa.

Biglang pumutok ang bumbilyang nagbibigay liwanag sa silid. Maging ang fluorescent bulb sa salas ay pumutok rin kaya napuno ng kadiliman ang buong bahay. Nagpalinga-linga sa paligid sina Helen at Nathan.

Takot na takot si Iskang Isda. "Anong nangyayari? Helen! Nathan!"

"Aaaahhhhh!!!" sigaw ni Kyte. "Tito Nathan, ang sakit ng tiyan ko!!!" Humagulgol siya na parang wala nang bukas. Namilipit siya sa nararamdamang pananakit ng tiyan.

Binuksan ni Nathan ang flashlight ng kanyang cellphone para magkaroon sila ng kahit konting liwanag.

"Teka, kukuha ako ng bagong bumbilya sa bahay. Hintayin n'yo ako rito!" Nagmamadaling lumabas ng silid si Iska at nagtungo sa pintuan ng bahay. Ngunit pagbukas niya ng pinto ay sinalubong siya ng isang malakas na hangin na tumangay sa kanya papasok sa loob ng bahay. "Aaahhhhh!!!" Para siyang hinipang papel na tumilapon pabalik sa loob ng bahay. Ang malakas niyang sigaw ang huling narinig sa kanya dahil bumagok ang kanyang ulo sa dingding na naging sanhi ng pagkawala ng kanyang malay.

Patuloy sa pamimilipit sa sakit ng tiyan si Kyte. Nakahiga na ito sa sahig at naghuhumiyaw na sa hindi makayanang sakit na nararamdaman. "Tulungan mo ako, Tito Nathan! Mamamatay na po ba ako?" umiiyak na panaghoy niya.

Bigla ay nanginig ang katawan ni Kyte at pagkatapos ay tumirik ang mga mata. Ibinuka nito ang bibig na para bang nasusuka.

"Buwaaarrkkk!!!" Bumuhos papalabas sa bibig ni Kyte ang kulay berdeng likido na halos parang apdo ang itsura.

Curse of the Wooden RosaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon