Chapter 27

674 46 13
                                    

Pagkalipas ng tatlong araw ay saka lang nakita ni Didong ang ate niya na isa ng malamig na bangkay. Inihulog ito ng mga kriminal sa balon na nasa gitna ng kagubatan kung saan sila sumasalok ng tubig. Sa tulong ng mga tagaroon sa isla ay naipalibing ang ate niya pero wala siyang sinabing ano man tungkol sa naging dahilan kung bakit nasa loob ng balon ang kapatid niya. Siguro ay may haka-haka rin ang iba pero walang nagtangkang maghalungkat pa ng totoong nangyari dahil wala na rin namang magagawa pa para ibalik ang buhay ng isang namatay. Pero pagkalipas ng ilang buwan, kumalat sa isla ang balita na namatay ang isang lalaki ilang araw pagkatapos nitong mapulot ang isang rosaryo sa gubat. Nasundan pa iyon ng pagkamatay rin ng iba pang mga tagaroon sa isla na pawang naging may-ari ng parehong rosaryo at maging ang mga humawak lang dito ay namamatay rin kaya kumalat sa isla ang kuwentong may sumpa ang rosaryo. Kaya dumating ang panahon na walang taga-Isla Maranlig ang humahawak sa kahit ano pa mang klase ng rosaryo sa takot na baka iyon ang isinumpang rosaryo. Dahil doon ay naputol nang panandalian ang mga namamatay dahil sa isinumpang rosaryo. Hanggang sa tila nakalimutan na ng mga tao ang tungkol dito at kailan lang ulit nanariwa sa kanilang mga isipan nang may mamatay na namang muli dahilan sa paghawak o pagmamay-ari sa isinumpang rosaryo.

Alam ni Didong na hindi hihinto ang isinumpang rosaryo sa pagkuha ng mga kaluluwa hanggang may natitira pang buhay sa mga kriminal na lumapastangan sa kanyang ina at kapatid.

NANG mga oras na iyon ay nilulukuban ng kakaibang takot si Iskang Isda. Ano itong nakikita niyang kaliskis na parang balat ng ahas na tumutubo sa kanyang braso? Ganito ba 'yong sinasabi dati ni Helen na tumubo raw sa dibdib ni Kyte? Kinilabutan ang matandang babae nang maalala ang nangyari sa bata nang gabing iyon. Isa pang ikinababahala niya ay ang mga pangitaing nakita niya kahapon. May nakita siyang dagang nangangaral ng salita ng Diyos. Hindi ba at naghahanap sa kanya ng daga sina Helen at Nathan para raw maputol ang sumpa? Kung ganoon, napunta na rin ba sa kanya ang sumpa dahil sa paghawak niya sa isinumpang rosaryo noong sinaniban siya ng isang masamamng espiritu?

Mamamatay na rin ba siya gaya ng iba pang humawak sa isinumpang rosaryo?

Napaantanda siya at lumuhod sa sahog at saka idinipa ang dalawang braso. "Diyos ko! Ayoko pang mamatay. Huwag mong hayaang kumapit sa akin ang sumpa. Wala akong ginawang kasalanan sa sinuman. Maawa ka sa akin, Panginoong Diyos!" umiiyak niyang panalangin.

Sa labas ay malakas ang buhos ng ulan na tila ba nakikiiyak sa kanya ang langit.

Biglang namatay ang ilaw sa loob ng bahay ni Iska. Sumabog pa ang mga bumbilya. Napatili siya sa takot at pagkagulat. Hangos siyang napatayo at tumakbo sa hindi maintindihang direksyon.

"Saklolo! Tulungan ninyo ako, mga kapitbahay! Tulungan ninyo ako!" sigaw niya pero ang lakas ng kanyang boses ay nilamon lang ng malakas na buhos ng ulan.

Sa katatakbo niya ay natapilok siya sa isang matabang bagay na nakaharang sa sahig na 'di niya nakita dahil sa dilim ng kabahayan. Natumba si Iska. Bumagsak siya sa bagay na naging dahilan ng kanyang pagkakatumba.

Tinangka niyang bumangon pero hindi siya agad nakakilos nang Makita niya ang tila dalawang umiilaw na bagay sa dilim. Kasunod niyon ay nakarinig siya ng isang pamilyar na tunog. Parang huni ng isang uri ng hayop. Parang... huni ng...

Ahas?

Napabalikwas siya ng bangon at agad na lumayo sa inaakala niyang ahas. Nakita niyang gumalaw ang dalawang madilaw na bagay na umiilaw sa dilim. Lalo na siyang nanginig sa matinding takot.

Papalapit ang mga ito sa kanya kasabay ang patuloy na paghuni na sa dinig niya ay mas lumalakas!

Pinanindigan siya ng balahibo nang maisip kung ano ang dalawang madilaw na bagay na iyon.

Mata! Mata ng ahas!

Tatakbo sana siya pero bigla niyang naramdaman na may pumulupot sa kanyang mga binti na naging dahilan para siya ay matumbang muli. Nakumpirma niya ang kanyang hinala. Ahas nga ang ngayon ay nakapulupot sa mga binti niya!

"Tulong! Tulooooonggg!!!" Naramdaman niyang humihigpit ang pagkakapulupot sa kanya ng ahas. Umakyat pa ang pulupot nito sa kanyang katawan hanggang halos hindi na siya makagalaw. Halos panawan na siya ng ulirat nang makita niyang sobrang lapit na sa kanyang mukha ng dalawang mata ng ahas. Nadilaan na rin nito ang kanyang pisngi na lalo pang nagpatindi sa kilabot na gumapang sa kanyang katawan. Hindi na nagawa pang sumigaw ni Iskang Isda nang may maramdaman siyang tila karayom na bumaon sa gilid ng kanyang leeg. Kasunod niyon ay bigla siyang nangisay at lumungayngay ang katawan niyang wala nang buhay.

MALAKAS pa rin ang buhos ng ulan. Hindi pa rin umaalis sina Helen sa punong kanilang pinagkukublihan.

"Wala na akong pag-asa," malungkot na sabi ni Helen. Ilang oras na lang, ika-labintatlong araw na mula nang mahawakan ko ang rosaryo. Dito na ako mamamatay sa gubat na ito."

"Huwag mong sabihin 'yan. Nalagpasan mo nga ang labingdalawang araw. Isa na lang at ligtas ka na sa sumpa. At kung hindi ka man makaligtas, sigurado na ring susunod kami sa'yo ni Kyte pagkalipas ng ilan pang araw. Magsasama-sama pa rin tayo sa kabilang buhay." Niyakap ni Nathan ang nobya. Alam niyang matapang si Helen at hindi ito basta-basta susuko.

"Tita Helen, I love you po..." Napangiti si Helen sa sinabi ni Kyte. Kinabig niya ang ulo ng bata at niyakap din ito.

"Lumabas na kayo! Wala na kayong pagtataguan. Hindi ninyo ako matatakasan!" Umalingawngaw sa gubat ang sigaw ni Didong Daga.

"Huwag tayong maingay," bulong ni Helen.

Nagsimula na namang umusal si Didong Daga ng panalangin. "Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing..."

Nararamdaman nilang tatlo na papalapit na sa kanila si Didong Daga.

"Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay..."

Biglang itong humalakhak. Malakas na malakas. "Inilibing! Dito ko kayo ililibing!" Hindi matapos-tapos ang paghalakhak ni Didong Daga. "Sumasampalataya ako!!!"

Pagkatapos ay biglang hindi na naman ito nagsalita. Nasaan na siya? Kailangang maging mas matalas ang pakiramdam nilang tatlo. Teritoryo ni Didong Daga ang gubat. Kabisado nito ang lugar gaano man kadilim ang gabi.

Halos magsiksikan silang tatlo sa pagkakaupo nila sa gilid ng malaking punong iyon. Kung puwede lang nilang tiklup-tiklupin ang kanilang mga katawan ay ginawa na sana nila para siguruhing hindi sila makikita ni Didong Daga na nagtatago sa likod ng punong ito.

"Heto na ako! Malapit na ako... Alam ko na kung nasaan kayo... Nandiyan na ako!"

Pigil ang hininga ni Helen. Papalapit nang papalapit ang boses ni Didong Daga. Alam niyang malapit na silang makita nito sa pinagtataguan nila.

Malapit na talaga ang kanilang katapusan!

UMAAKYAT na sa bundok sina Carlos, Master Jaime at Nicandro. Hawak ni Carlos ang isang flashlight. Madulas at madilim na kaya hindi naging madali sa kanila ang pag-akyat. Lalo pa at kasama nila si Nicandro na sitenta na ang edad. Sinabihan nga nila ito na maiwan na lang sa paanan ng bundok at bantayan ang motorsiklo, pero nagpumilit pa rin itong sumama sa kanila sa pagpunta sa kubo ni Didong Daga sa Kadawagan. Wala silang kamalay-malay sa aabutan nila sa kagubatan.

Nang sapitin nila ang batis ay mas malaking problema ang kinaharap nila. Dahil umuulan ay mas malakas ang agos nito at mas malalim na ang tubig.

"Kakayanin natin, 'Tay!" sigaw ni Carlos sa ama. "Lolo, ako ang hahawak sa'yo. "Tay, dito ka sa kaliwa ko, ako rin ang hahawak sa'yo. Ikaw ang magdala nitong flashlight. Tibayan n'yo ang mga tuhod n'yo. Dahan-dahan lang sa paghakbang. Malakas ang agos at madulas ang mga bato. Kailangan nating mag-ingat."

Nagsimula silang tumawid sa batis na hanggang baywang nila ang tubig. Ang matinding determinasyon nila ang nangibabaw sa ganoon kadelikadong sitwasyon. Nakatawid sila sa batis nang ligtas at walang anumang balakid.

Dalawang chapters na lang!

Curse of the Wooden RosaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon