Chapter 2

880 56 6
                                    

INABOT din ng isang oras bago narating ni Helen ang bayan ng Burgos. Sa pagtatanong-tanong sa mga tagaroon ay napuntahan niya ang Barangay Balimbing kung saan nakatira si Cristy Baltazar na nabanggit sa kanya ni Rona kahapon.

Ipinarada ni Helen ang sinasakyang owner type jeepney sa gilid ng kalsada. Pagkatapos ay bumaba siya ng kanyang sasakyan at naglakad patungo sa diumano'y bahay ni Cristy. Palinga-linga pa sa paligid si Helen habang naglalakad, nagmamasid sa anumang puwedeng mapansin sa paligid.

Pagtapat niya sa bahay ni Cristy ay magalang siyang tumawag, "Tao po! Tao po!" Ang lakas ng boses niya ay sapat para marinig ng kung sino mang tao ang nasa loob ng bahay.

Isang babaeng siguro'y mahigit beinte ang edad ang lumabas at lumapit kay Helen. Nasa mukha nito ang pagtataka nang makita si Helen na nakauniporme ng pulis. "Sino pong hinahanap n'yo?"

"Ikaw ba si Cristy Baltazar?"

Marahang tumango ang babae. "Opo, bakit po?"

"Ako si Police Investigator Helen Domingo, sa bayan ng Sta. Cruz. Maaari ba kitang makausap tungkol dito?" Inilabas niya ang rosaryo at ipinakita kay Cristy.

Halatang nagulat ang babae nang makita ang rosaryong dala ni Helen. "Bakit nasa 'yo 'yan?"

"Sa'yo ba ito?" nagtatakang tanong niya.

Sunod-sunod na pag-iling ang naging tugon ng babae, naging mailap ang mga mata nito. "Hindi po sa akin 'yan. Pumasok ka po, dito tayo mag-usap sa loob."

Lumingon pa sa likuran niya si Helen bago sumunod kay Cristy na nauna nang naglakad papasok sa loob ng bahay.

"Maupo ka," alok ni Cristy nang makapasok na sila.

Umupo si Helen sa mahabang sofa. Si Cristy naman ay umupo sa sofa na pang-isahang tao lang na nasa bandang gilid ng sofa kung saan nakaupo ang kanyang bisita. Sa harapan nila ay may isang center table na may nakapatong na isang cellphone.

"Kilala mo ang may-ari ng rosaryong ito?" tanong ni Helen.

Tumango si Cristy. "Sa tatay ko 'yan. Pero itinapon na niya 'yan isang araw bago siya mamatay."

"Anong pangalan ng tatay mo?"

"Sgt. Romulo Baltazar," sagot ni Cristy. "Paanong napunta sa'yo 'yan?" Halata ang pagkabalisa sa mukha niya.

"Nakuha ko ito sa isang bangkay na iniimbestigahan ko ang pagkamatay. Katrabaho mo yata ang namatay."

"Sinong katrabaho?" Kinabahan si Cristy. Ang alam niyang katrabaho na tagaroon sa bayan ng Sta. Cruz ay si Marissa Andres.

"Si Marissa Andres," pagkumpirma ni Helen sa hinala ni Cristy.

"Patay na si Marissa? Anong nangyari sa kanya?" hindi makapaniwalang tanong ni Cristy. Noong isang araw lang ay magkasabay pa silang lumabas ng opisina.

"Natagpuan na lang sa bahay niya ang bangkay pero wala naman akong makitang kakaiba sa katawan niya. Wala akong makitang anumang tanda ng foul play sa pagkamatay niya. Pero---"

"Pero iba ang itsura niya sa litrato," bulalas ni Cristy.

Tinitigan ni Helen ang kausap. "Alam mo?" tanong niya rito. "Anong ikinamatay ng tatay mo?"

"Namatay siya habang natutulog. Kaya akala ko, normal lang ang lahat. Hanggang sa maisipan ko siyang kunan ng litrato bago ilagay sa kabaong." Dinampot ni Cristy ang cellphone na nasa mesita. May hinanap siya sa telepono at saka ipinakita ka Helen. "Eto, tingnan mo ang larawang nakunan ko..."

Hindi na nagulat si Helen dahil inaasahan na niya ang makikita sa litrato. Nagtatanong ang mga matang napatingin na lang siya kay Cristy.

"Hindi ko rin alam kung paanong nangyari 'yan." Tila nahulaan ng babae ang gustong itanong ni Helen.

"Bakit itinapon ng tatay mo ang rosaryong ito? Saan niya ba ito nabili?"

Saglit na nag-isip si Cristy bago ito nagkuwento, "Dating sundalo ang tatay ko at nadestino siya sa Isla Maranlig. Minsan sa isang buwan lang kung siya'y umuwi rito. Pero nitong huling uwi niya, hindi na siya babalik doon dahil retired na siya. Dala na niya pag-uwi rito ang rosaryong 'yan, ibinigay raw sa kanya ng isang matandang babae tanda ng pasasalamat sa isang pabor na nagawa ni tatay. Pero wala pang isang linggo mula nang umuwi siya rito ay may napansin akong kakaiba kay tatay. Parang lagi siyang balisa, minsan naman ay tulala at parang malalim ang iniisip."

"Hindi ba siya nagkuwento sa'yo kung ano ang problema niya o kung ano ang bumabagabag sa kanya?"

"Noong nakita ko siyang itinapon ang rosaryong 'yan, nagtanong ako kung bakit? Sabi niya, may sumpa raw ang rosaryo at kung totoo raw ang sumpa, mamamatay siya sa loob ng labintatlong araw."

Napanganga si Helen.

"Iyon raw ang sabi sa kanya ng mga kasamahan niya sa kampo na mga lehitimong residente ng Isla Maranlig. Matagal na raw umiikot sa lugar na iyon ang rosaryong iyan, at lahat ng nagmamay-ari o humahawak diyan ay namamatay sa loob ng labintatlong araw. Kaya ayaw na ayaw ni tatay na hawakan ko 'yan." Gumaralgal ang boses ni Cristy. "Hindi kasi naniniwala si tatay sa mga sumpa, lalo na at relihiyosong bagay naman ang rosaryo. Kaya kinuha pa rin niya at iniuwi pa rito ang rosaryong 'yan."

"Mamamatay sa loob ng labintatlong araw ang sinumang magmamay-ari o hahawak man lang sa rosaryo. Kung ganoon, may pitong araw na lang ako para mabuhay?" tanong ni Helen. "Hindi! Hindi totoo ang mga sumpa. Hindi rin ako naniniwala," deklara pa niya.

"Hindi rin naniniwala si tatay sa sumpa. Pero tingnan mo, wala na siya..."

"Alam mo ba ang pangalan ng matandang babaeng nagbigay sa tatay mo ng rosaryong ito?"

"Hindi. Pero sabi ni tatay, namatay na ang babaeng iyon noong araw mismo na ibinigay niya kay tatay ang rosaryo. Natuklaw siya ng ahas habang naglalakad papauwi sa kanyang bahay na nasa medyo magubat na bahagi ng isla. Patay na nang makita siya ng iba pang mga residente roon."

"Pero kung alam ng mga tagaroon na may sumpa ang rosaryo, bakit iyan pa ang ibinigay noong matandang babae sa tatay mo?"

"Posibleng hindi alam noong matanda ang tungkol sa sumpa. Puwede ring katulad ni tatay ay hindi rin naniniwala sa sumpa iyong matandang babae."

"May naikuwento pa ba sa'yo ang tatay mo tungkol sa mga nararamdaman niya mula nang mapasakanya ang rosaryo?" Gustong makumpirma ni Helen kung tama ang hinala niyang may kaugnayan sa rosaryo ang mga imaheng nakita niya sa kanyang isipan.

"Ang natatandaan ko lang na sinabi ni tatay, madalas raw na may nakikita siyang mga imahe na biglang lumilitaw sa kanyang isip."

"Katulad ng?"

"Hindi na niya dinetalye, pero may sinabi siyang diyaryo na may balita tungkol sa aksidente sa kotse. Hindi ko na alam 'yong iba pa."

Napatango-tango si Helen. "Maraming salamat sa mga impormasyong ibinigay mo, Cristy."

"Kung may maitutulong pa ako, tawagan mo lang ako."

"Paki-save mo rito ang number mo..." Iniabot niya kay Cristy ang kanyang cellphone. Inilagay roon ng babae ang kanyang phone number at ibinalik kay Helen ang telepono.

"Aalis na ako."

"Sana nga hindi totoo ang sumpa. At kung totoo man, sana ay magawan mo ng paraan para hindi magkatotoo sa'yo ang sumpa na iyon," nag-aalalang sabi ni Cristy.

"May alam ka kung paano mawawala ang sumpa?"

Umiling ang babae. "Wala, eh. Sana nga alam ko, para nailigtas ko ang tatay ko."

Napabuntong-hininga si Helen. Buo talaga ang paniniwala ni Cristy na sumpa ng rosaryong hawak niya ang pumatay sa ama nito.

Pero kung totoo, eh 'di sumpa rin ng rosaryong dala niya ang pumatay kay Marissa Andres?

At maaaring siya na ang susunod na mamamatay!

Curse of the Wooden RosaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon