Chapter 17

2.9K 121 3
                                    

"INIMBITAHAN KO si Congressman ngayong gabi. Maya-maya ay narito na iyon para sa dinner. Mag-ayos ka at harapin mo siya," anang ina ni Trixie matapos nitong pumasok sa kwarto.

Kararating lang niya noon galing sa dry run ng coronation night ng Binibining Laguna. Hindi pa nga halos nag-iinit ang likod niya sa kama ay muling napabalikwas ng bangon si Trixie.

"Bakit ako ang haharap? Kayo ang nag-imbita sa kanya, hindi ba?" hindi niya maitago ang disgusto maging sa mukha. Kanina ay inis na inis na siya dahil hindi na siya halos hiwalayan ng congressman na iyon noong nasa convention center sila. Tapos ngayon, pupunta pa ito sa bahay nila?

Hindi nito inintindi ang tanong niya, sa halip ay lumapit ito sa nakabukas na maleta sa paanan ng kama at hinalungkat iyon.

"Wear this!" ihinagis nito sa kanya ang itim na wrap around dress.  "At wag mo akong kwestiyunin, Trixie. Mas makabubuting sumunod ka sa lahat ng sinasabi ko."

"I don't like him, Mama," ani Trixie, naglapat nang mariin ang kanyang mga labi at ikinuyom ang mga kamay.

"What is there not to like about him? Mayaman, gwapo, inirerespeto ng mga tao. Sundin mo ako. Magugustuhan mo rin siya later. Wala ka pang alam sa pagmamahal, Trixie. At sa totoo lang, walang mabuting maitutulong sa iyo ang pagmamahal na iyan. Masasaktan ka lang at mapapariwara," biglang dumilim ang mukha nito.

"Hindi porke't nangyari sa inyo ay mangyayari sa akin, Ma."

"Gagamitin ka lang ng mga lalaki, Trixie."

"Hindi ba't iyan din mismo ang ginagawa mo, Mama? Hindi ba't ginagamit mo rin ako? Ako ang tumupad sa mga pangarap na hindi mo naabot noon. Nalampasan ko na ang pangarap mo, Mama. Maging sa ibang bansa, kilala ako. Hindi pa ba sapat iyon? Kailangan ko pa rin bang gawin ito? Gawin lahat ng gusto mo para lang sa isang provincial crown?"

"Wag mong maliitin ang Binibining Laguna! Hinawakan ko ang titulong iyon! Hindi lang basta provincial crown ang ipinaglalaban natin dito! Nakuha ko iyon dati at dapat makuha mo rin ngayon. A mother and daughter Binibining Laguna! Wala pang nakakagawa noon sa history ng pageant na ito. Kaya dapat magawa mo! Kung kinakailangang lapitan ko lahat ng dapat lapitan ay gagawin ko, Trixie. At kapag sinabi kong dapat mong pakisama ang isang tao ay pakisamahan mo!"

Napatitig si Trixie sa ina. "Gano'n ka kadesperada, Mama? Gano'n ka kauhaw sa rekognisyon na hindi mo na naisip kung gusto ko ba ang ipinagagawa mo? Kung makabubuti ba sa akin ito?"

"Hindi ako desperada! At ako ang ina mo, alam ko ang makabubuti sa iyo!"

"Makabubuti ba sa akin na halos i-alay mo na ako sa congressman na iyon?"

"Mas nanaisin ko pang i-alay ka kay Congressman Carlson kaysa mapunta ka sa musikerong iyon!"

Napaawang ang mga labi ni Trixie.

"Akala mo ba'y hindi ko malalaman iyon?! Wala kang maililihim sa akin, Trixie. Mailihim mo man sa umpisa, malalaman ko rin sa huli. At walang maidudulot na mabuti ang kabaliwan mo sa musikerong iyon!"

Naikuyom ni Trixie ang mga kamao, "Hindi siya basta lang musikero, Mama...."

"Wala akong pakialam kung sino man siya. Basta layuan mo ang lalaking iyon! Sisirain lang n'ya ang mga pangarap natin!"

Unti-unting napuno ng luha ang mga mata ni Trixie. Narealize niya na wala siyang pangarap sa buhay. Na buong buhay niya'y tinatanggap lang niya ang mga bagay na sinasabi nitong dapat niyang gawin. At dumating na siya sa hangganan. "Pangarap mo, Mama. Hindi ito ang pangarap ko."

"Pangarap natin ito, Trixie! Bata ka pa lang ay sinanay na kita sa mga contest dahil alam ko ang potential mo. You can bring the Ms. Universe crown to our country. You can make our countrymen proud. Ang modeling career mo, ang pagsali mo sa mga pageant, stepping stone mo lang 'yan, preparation mo para sa iyong pagsikat."

Stepping stones.

Sa kabila ng lahat, para sa ina ay stepping stones pa lang ang lahat ng nagawa at narating na niya.

Malinaw na sa kanya ang lahat. Kahit anong gawin niya, kalianman ang hindi magiging sapat para tuluyang lumigaya ang ina.

"Our countrymen or you? Pagod na ako, Ma. Hindi ito ang tunay na makapagpapasaya sa akin," tinalikuran niya ang ina at lumakad palabas ng kwarto. 

"At sino ang makakapagpasaya sa iyo? Ang lalaking iyon? Anong ipapakain niya sa'yo? Mag-isip ka nga, Trixie!" hinagip nito ang braso niya at humarap sa kanya, namumula na ang mukha nito.

"Iyon mismo ang ginagawa ko ngayon, Mama. Kaya ko nasasabi sa'yo na ayaw ko na. Na hindi ito ang pangarap ko. Pagod na akong humarap sa camera at magkunwaring masaya, Ma."

"Don't you dare back out now, Trixie. Itatakwil kita! At kapag itinakwil kita, kanino ka pupunta, ha?  Sa ama mo na ikinahihiya ka? Na kinatatakutang malaman ng iba ang tungkol sa'yo? I am your only parent, Trixie! And being your only parent, I order you to follow me!"

"Hindi na ako takot matakwil at hindi kilalanin, Ma."

"At bakit? Akala mo ba talaga'y mahal ka ng lalaking 'yon? Pare-parehas ang mga lalaki, Trixie. Gagamitin ka lang niya. Katawan mo lang ang habol niya, at kapag nagsawa na siya, iiwan ka rin niya!"

"Alam kong mahal ako ni Macoy, Ma. At magkaiba sila ni Daddy. Unang-una, wala siyang asawa."

Halos mabingi si Trixie at hindi siya magtataka kung bumakat ang kamay ng Mama niya sa lakas ng pagkakasampal nito sa kanyang pisngi. Hindi nagawang sumagot ni Trixie. Hinawakan na lang niya ang namamanhid na pisngi. Hindi niya inaasahan na magagawa ng Mama niya iyon. Ni minsan ay hindi siya nito sinaktan physically.

Pero ito rin naman ang kauna-unahang pagkakataon na sinalungat niya ang ina.

"Really? Let's wait and see. At kapag nagkatotoo ang lahat ng sinabi ko, wag na wag kang hihingi ng tulong sa akin," anang ina niya habang sunod-sunod na huminga nang malalim. Namumula ang mukha nito nang tumalikod sa kanya at humakbang palabas ng kwarto.

"Hindi ako sasaktan ni Macoy, Ma. Alam kong mahal niya ako. At mahal ko rin siya."

Tumigil ito sa paghakbang pero hindi lumingon sa kanya, "Ang lintik na pagmamahal na 'yan ang dahilan kaya gan'to ang buhay natin, Trixie. Kaya nga inilalayo kita sa katulad na kapalarang dinanas ko."

"Really, Ma?" Ibinaba ni Trixie ang mga kamay. Bigla ay hindi na ang namamanhid na pisngi ang iniinda niya, ang antak sa puso niya ang higit na mas masakit at mahirap damhin kaysa sa sampal nito sa kanya kanina.

"Nagbubulag-bulagan lang ako pero alam nating parehas ang totoo. Ginagamit mo ako, Mama. At ngayon, pati si Congressman Carlson plano mo ring gamitin sa pansariling agenda mo. Gusto mong pamukhaan si Daddy. Kapalit ko, Ma. Kapalit ng kaligayahan ko. Anak mo ba talaga ako, o tau-tauhan lang para sa'yo?" hindi niya napigilan ang magtulo ng luha sa kanyang mga mata.

"Sinasabi mong ayaw mong maging parehas tayo ng kapalaran, pero doon mo mismo ako itinutulak, Ma. Pagod na ako. Ayaw ko nang maghangad ng mga bagay na kalianman ay hindi naman magiging akin. Ayoko na, Ma," pinunasan ni Trixie ang mga luha sa pisngi ngunit patuloy iyon sa pagpatak, "Ayaw kong matulad sa iyo, Ma. Hindi ko tatahakin ang landas na ayaw mong iwan. Ayaw kong mabuhay na puno ng galit at lungkot. Gusto kong maging masaya."

Ilang sandali itong nanatili sa silid pero nakatalikod pa rin sa kanya. Makalipas ang ilang sandali ay humakbang ito palabas ng kwarto na hindi pa rin nagsasalita.

Perfectly Imperfect (PUBLISHED @EBookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon