NINE: Her Boyfriend?

481 86 3
                                    

Nakaupo ako ngayon sa damuhan, sa ilalim ng puno ng acacia, habang nilalasap ang sariwang hangin na tumatama sa aking mukha. Walang ibang tao sa paligid at ako lang ang bukod tanging nakaupo rito. Walang masyadong estudyante ang napapadpad sa lugar na'to dahil nasa likuran ito ng school. Iba ang itsura ng lugar na ito ngayon kesa noong huling araw na napadpad ako rito, noong araw na pinagdamutan ako ng mundo na maging masaya, noong panahon na hagkan ko ang aking mga binti at hindi mapigilan ang aking sarili sa pag-iyak. Pero, sa araw rin na iyon, duon ko nakilala ang isang lalaking nagngangalang 'Marcus'. Ang lalaking minsan na akong pinatahan sa pag-iyak, hindi lang pala minsan- kundi ilang beses. Ilang beses niya na rin akong pinagtanggol sa mga nang-aapi sa akin at dinamayan sa mabibigat kong mga araw.

Pagkatapos ng ginawa sa akin ni Marcus kanina ay dinala niya ako dito. Hindi naman na ako nagpumiglas dahil wala akong lakas na tumanggi at hindi parin ako makapaniwala sa nangyari. Paulit-ulit kong hinahawakan ang labi ko at sa tuwing nilalasahan ko ito ay nalalasap ko parin ang sariwang halik ni Marcus.

"Kunin mo 'to. Alam kong hindi ka pa kumakain," sabi ni Marcus. Nasa harapan ko na siya ngayon habang inaabot niya ang isang plastic container at bottled water. Kinuha ko ang container sa kaniyang kamay at maging ang inumin.

"Salamat," sabi ko at nginitian siya. Umupo siya sa tabi ko at sumandal sa puno ng acacia.

"K-kumain ka na ba Marcus?" tanong ko sa kaniya.

Tumango siya at nagsalita,  " 'Wag mo akong alalahanin, kainin mo na 'yang pagkain mo para makapasok ka na sa klase."

Inilagay niya ang kaniyang kamay sa kaniyang ulo at sumandal. Ipinikit niya ang kaniyang mata at natulog. Habang kumakain, hindi ko maiwasang pagmasdan ang maamong mukha ni Marcus. Napakaperpekto ng hubog ng kaniyang mukha at pinakinang ito ng sinag ng araw na bahagyang tumatama sa mukha niya. Ginamit ko ang aking kamay para takpan ang kaniyang mukha at harangang ang mumunting sinag ng araw na tumatama rito. Pinagmasdan ko rin ang kaniyang buhok na nakikisabay sa ihip ng hangin. Napangiti naman ako ng bahagya habang pinagmamasdan ang magandang tanawin sa harapan ko, ang mukha ni Marcus.

"Tapos ka na bang kumain, Riley?" wika ni Marcus.
Tumango ako at kinuha ang tubig para uminom. Ang tingin ni Marcus ay dumako sa akin at pinagmamasdan akong lagukin ang tubig na iniinom ko. 'Pag kababa ng bote sa bibig ko ay nginitian ko si Marcus. Kinuha niya ang bote mula sa aking kamay at pinunasan ang butil ng tubig sa aking bibig.
Nagulat ako sa sunod niyang ginawa, inilagay niya sa kaniyang labi ang boteng ininuman ko at inubos ang laman nito. 

Napalunok nalamang ako habang pinagmamasdan ang kaniyang lalamunan na nagtataas baba habang iniinom ang lamang tubig ng bote.

"B-bakit mo ininom 'yan?" Tanong ko sa kaniya. Ibinaba niya ang bote at humarap sa akin.

"What's wrong? Nauuhaw ako eh," sagot niya.

Habang nakatingin siya sa akin ay hindi ko siya matignan ng diretso sa kaniyang mata dahil nahihiya parin akong harapin siya. Tuwing nadadako ang mata ko sa kaniyang labi ay bumabalik sa aking ala-ala ang unang halik niya sa akin at pati na rin ang nangyari kanina.

"Marcus," pagtawag ko sa kaniya.

"Why?"  Hinarap niya ako at tumingin sa aking mata. Hinarap ko rin siya ngunit hindi ko parin magawang tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

"T-tungkol nga pala sa nangyari kanina. B-bakit mo ako h-hinalikan? Pati nung araw na gumawa tayo ng project."

Hinawakan niya ang aking baba at iniangat ito para pagtagpuin ang aming mga mukha. Tinignan ko siya ng diretso sa kaniyang bughaw na mata.

Believing Lies Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon