Silent Night (Taglish)

44 1 28
                                    


"ADVANCE merry Christmas, Tina!" masiglang bati sa 'kin ng mag-asawang kapitbahay namin.

Naglalagay ng mga maleta ang mag-asawa sa likuran ng kotse nila nang mapadaan ako sa tapat ng kanilang bakuran.

"Advance merry Christmas din po, Mr. and Mrs. Lomblon. Magbabakasyon po ba kayo?" tanong ko sa kanila.

"Oo. Pupunta kami sa kapatid ko sa Tagaytay," sabi ni Mrs. Lomblon.

"Ang balita ko nga'y halos lahat ng kapitbahay natin ay magsisipagbakasyunan," dagdag niya.

"Kayo ba? Hindi ba kayo aalis ng bahay?" tanong ni Mr. Lomblon.

"Magpupunta rin po kami mamaya sa mga kamag-anak po namin sa Pampanga-... Achoo! E-Excuse me po," paumanhin ko habang takip-takip ang bibig.

"Naku! Mukhang magkakasipon ka! Namumula na 'yang ilong mo," puna ni Mrs. Lomblon.

Pinunasan ko ang ilong ko gamit ang dulo ng sleeve ng sweater ko.

"Oo nga po, eh. Kanina pa po ako bahing nang bahing. Sige po, Mr. and Mrs. Lomblon. Hindi ko na po kayo aabalahin. Mauuna na po ako."

"O sige, hija. Magpagaling ka. Advance merry Christmas ulit," ani Mr. Lomblon at kumaway na ako palayo sa kanilang dalawa.


Pagdating ko sa bahay ay abala pa si Mama sa pagluluto ng espesyal niyang ube-halayan.

"Achoo!"

"Tina, ikaw na ba 'yan?" tanong ni Mama mula sa kusina.

"Opo, Ma. Kararating ko lang po galing kayla Becky."

Si Becky ay kaklase ko sa review center na pinapasukan ko kaya sa kanya ako nanghiram ng mga notes na hindi ko nakuha bago magbakasyon.

Inilapag ko muna sa sala ang bag ko at saka nagtungo sa kusina. Itinaas ko ang manggas ng sweater ko sa magkabilang braso.

"Lalagyan ko na po ba ito ng keso, Ma?" tanong ko nang makita ko ang mga liyanera ng ube-halayan.

Umuusok pa ang mga ito at halatang kalalagay lamang nito ni Mama sa liyanera. Halos maglaway ako sa tamis ng amoy ng nilutong ube. Nai-imagine ko na ang matamis na lasa nito na swak lang sa panlasa ko; hindi matabang pero hindi rin ganoon katamis. Samahan mo pa ng mga maliliit na buo-buong ube na madudurog at kakalat sa dila mo. Heaven!

"Ako na diyan at magpalit ka na ng damit. Maya-maya lang ay darating na ang Papa't kapatid mo," sabi ni Mama.

Sinamahan ni Papa si Tino na mamasko muna sa mga ninong at ninang niya. Maya-mayang alas-singko pa naman kasi kami aalis kaya pwede pa siyang mangolekta ng mga aguinaldo niya.

"Sige po. Aakyat na po a-... A-Achoo!"

"Okay ka lang ba? Parang kanina pa kitang naririnig na bumabahing? Uminom ka na ba ng gamot para sa sipon?" alalang tanong sa 'kin ni Mama.

"Iinom pa lang po," ngiting sabi ko sabay peace-sign.

Umiling si Mama. Kinuha niya ang gamot sa cupboard at iniabot iyon sa akin. Agad ko itong ininom at nagtungo na sa kwarto ko upang magpalit ng damit.

Heart-Pounding Scary StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon