"TAMI, holdap 'to! Taas ang kamay!"
Nanginig ang buong kalamnan ko at wari'y nanigas ako sa kinatatayuan ko. Pigil-hiningang humakbang ako paatras habang nakatuon lamang sa laruang kutsilyo ang paningin ko.
"Holdap 'to! Ilabas mo na ang pera mo," tatawa-tawang sambit ng kaklase kong si Leticia habang itinututok sa akin ang laruang kutsilyo.
"Bilisan mong ibigay sa 'kin ang pera mo kung ayaw mong itusok ko 'to sa 'yo!"
Akmang isasaksak na niya sa 'kin ang kanyang patalim nang mapatid ako sa sarili kong paa at mapaupo sa sahig.
Nagtawanan ang mga kaibigan ni Leticia na nakatayo sa likuran niya habang pinanonood ang pambu-bully sa 'kin.
Inda-inda ang nasaktan na pwetan ay kinuha ko sa bulsa ko ang pitaka ko at iniabot ito kay Leticia.
Agad niyang kinuha ang tatlong daang pisong natatanging laman ng pitaka ko at saka ibinato sa 'kin ito pabalik.
"Sabi ko sa inyo, loser ang isang iyan!" tatawa-tawang sabi ni Leticia at iniwan na nila akong nakasalampak sa sahig.
Isang taon na nang magsimula ang sakit ko. Mula nang mamatay si Papa ay hindi na ako kailanman nakahawak pa ng kutsilyo, ni mapatingin dito'y hindi ko na magawa. Sa isang sulyap lamang sa kutsilyo ay nagbibigay na ito ng matinding takot sa buo kong pagkatao.
"Lola, nandito na po ako," anunsyo ko pagkarating ko sa bahay.
"Apo, pwede bang bago ka magbihis ay ibili mo muna ako ng suka kay Aling Flora? Magbababad kasi ako ng daing na bangus para baunin mo bukas," utos sa 'kin ni Lola.
"Sige po."
Ibinaba ko lang saglit ang mga gamit ko sa sala at saka ako nagtungo sa tindahan.
"Siya ba 'yung sinasabi mo? 'Yung batang kriminal?"
Saglit na napatigil ako nang marinig ko ang dalawang kapitbahay naming sina Aling Marcia at Aling Berta na nagbubulungan.
"Oo. Noong nakaraang buwan ko lang nalaman ang tungkol doon. Kaya naman pala iniwanan ng nanay," ani Aling Berta.
Hindi ko magawang magalit sa kanila, o kahit makatingin man lamang sa kanila. Totoo naman kasi ang ipinaparatang nila-na isa akong kriminal... isang mamamatay tao.
Napatingin nang masama sa 'kin ang dalawa naming kapitbahay nang mapansin ako.
Napayuko ako at agad na lumapit sa tindahan.
"A-Aling Flora, p-pabili po ng isang bote ng suka," mahinang sabi ko sa tindera na narinig naman ako.
"Hay naku! Bakit ba kasi rito pa sa barangay natin iniwan ang batang 'yan? Anong malay ba natin kung anong iniisip niyan? Baka mamaya, magulat na lang tayo na may sinaksak na naman siya," malakas na turan ni Aling Berta habang ipinapaypay ang kanyang abaniko.
"Tami, ito na 'yung suka mo," anang tindera at iniabot sa 'kin ang pinamili ko.
"S-Salamat po, A-Aling Flora. A-Alis na po ako."
BINABASA MO ANG
Heart-Pounding Scary Stories
HorrorA collection of short scary stories that include both FICTIONAL and REAL-LIFE stories of horror (the author and her friends'/acquaintances' true-to-life ghost stories).