After 5 years
***********************************************************************************************************
Kumakalam na ang simkmura ko. Di ko namalayan 1:30pm na pala sa aking orasan. Di pa ako nakakapag tanghalian.
Halo-halong amoy na ang nasa loob ng LRT1. Sa sobrang siksikan ng mga tao, di ko maiiwasang maamoy ang mga katabi ko.Sa kanan ko ay may matangkad na naka pulang jersey na lalaki tila galing pa sa training ng basketball. Sa harapan at likuran ko naman, babaeng estudyanteng naka puti na papauwi na sa kani-kanilang tirahan. At ako dito, nag mamadali papunta sa bahay ni Karla, ang matalik kong kaibigan. First birthday kasi ng panganay nyang anak.
"January 15, 2017. Ano nga bang meron pa sa araw na ito. Tama.. Ngayon nga pala ang 25th birthday nya, ni Carlos."
hindi ko napigilang ngumiti nang maalala ko si Carlos.
Tumigil na ang LRT1, sa Gil puyat. Ang lalaking naka jersey, ang mga estudyanteng babae na nakaputi, lahat sila nag mamadaling lumabas sa pintuan. Sumunod na rin ako sa kanila, baka kasi mapagsaraduhan pa ako at maisama sa susunod na station.
Habang nag lalakad, ginugunita ko ang nakaraan namin ni Carlos. Tuwing sumasapit ang kanyang kaarawan, halip na ako ang mag surprise sa kanya, sya ang pumupunta sa condo ko at ako pa ang sosopresahin. Baliktad diba? Palagi nya akong dinadala sa Tagaytay tuwing sasapit ang kaarawan nya. Sa tagaytay, pakiramdam ko malaya kami at tila malayo sa mundong aming kinatatayuan. Malamig, presko ang hangin, tila langit pag nandun ka.
Tuloy tuloy ako sa aking paglalakad. Sa tabi ng kalsada, naka helera ang mga batang pulubing natutulog sa tabi ng daan. Nasaan kaya ang kanilang mga magulang. Di ba sila nakokonsensya sa kanilang pag papabaya sa mga batang kanilang isinilang?
Sumakay ako ng bus sa terminal. Byahe papuntang Batangas. Taga batangas si Karla. Kababayan nya si Carlos. Puno na ang bus kaya napilitan akong umupo sa pinaka likuran, katabi ang isang nursing student, dun ako umupo malapit sa bintana.
Kapag kasama ko si Carlos Kadalasan sa simpleng pag-upo namin sa bus, ito ang madalas naming pinag-aawayan. Ayaw nya na umuupo ako malapit sa bintana. Dahil sabi nya kapag nagkataon na mabangga ang bus na aming sinasakyan, kadalasan ng mga namamatay ay mga taong malapit sa bintana. Nakakainis minsan, pero kung iisipin, sweet, dahil iniisip nya lang ang aking kaligtasan. Kapag nag tatampo na ako sa kanya, palagi nya akong inaakbayan, papasandalin sa malapad nyang balikat at saka sasabihing
"Sam, wag ka na mag tampo oh. Ito na si gwapitong Kaloy, yakap na si baby sasam. Yiiieeee ngingiti na yan"
Si Carlos, kayumanggi, matangakad, kulay brown at singkitin ang mga mata. May matangos na ilong at mapupula ang labi. Masayahin at malambing. Ang unang lalaki na aking minahal ng buong-buo. Pero, kasabihan nga. Sa simula lang malalambing at ma effort ang mga lalaki. Pero pag nagtagal na kayo, nawawala na ang pag ka sweet nila.Siguro, mabilis lang silang mag sawa talaga. Sa mga unang taon lang ng aming pagsasama, dun ko lang naramdaman ang pagiging sincere nya. Pero nung nagtagal, nagbago na sya. Di ko alam kung bakit. Di ko maiwasan itanong sa sarili ko, san ba ako nag kulang at bakit nagbago sya. Yung masayahin, malambing, at palabirong si Carlos, nawala na.
Umaandar na ang bus na aking sinasakyan. Papalabas na ng terminal at di ko mapigilan ang unti-unting pagpikit ng aking mga mata. Sa aking pag pikit, nakikita ko si Carlos at ang kanyang matamis na labi na nakangiti sakin...
"Asan ka na nga ba kaloy...?"
BINABASA MO ANG
My Diary: First Love
RomansaMay mga panahon na gusto nating ibalik ang oras para baguhin at itama ang isang pagkakamali ng ating nakaraan. Kung titingnan natin, time machine ata ang kailangan para matupad ang inaasam. Pero, pano kung may iba pa palang paraan. Pero sa pag kakat...