Simula

1K 83 114
                                    

Simula

May 23, 2003
07:55 PM

Hindi matanggal ang ngiti ko habang pinapanood ang dalawang pinakamamahal kong tao sa buong mundo. Magdadalawang taon na si Tala at sa malaking pagtitipon para sa kaniyang kaarawan ay plano ng hari na ipakilala na siya bilang anak— isang dugong bughaw, ang panganay na prinsesa. Kaya ganito na lang ang tuwa ni Josiah, excited siguro.

Bigla akong napaatras sa kinatatayuan nang bigla akong nilingon ni Josiah na may malaking ngiti. "Oh, bakit ka nakatayo riyan, Luna?" aniya habang yakap-yakap ang anak namin. Ginantihan ko naman siya ng ngiti para ipahiwatig na ayos lang ako. Sumimangot naman siya at nagdadalawang-isip kung iiwanan ba sa kaniyang kama ang bata at lapitan ako, o bibitbitin na lang niya. Sa huli ay hiniga niya si Tala sa kama at hinalikan sa pisngi, hindi naman umalma ang anak dahil sa pagkakahumaling niya sa necktie ng ama.

Lumapit siya sa akin at hinaplos ang aking braso. "Hindi ba't napag-usapan na natin 'to? Iiwan mo na ang trabahong 'to para maging asawa ko."

Hindi ko sinasadyang matawa nang bahagya. "Kamamatay lang ng reyna, pinapaalala ko lang at baka nakakalimutan mo. Saka ayos na ako na ituring nilang prinsesa ang anak natin, Josiah. Hindi mo na ako kailangan pang bigyan ng kung anong titulo sa pangalan ko."

Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi at marahang hinaplos ito. Mahal kita, pero ayaw ko nang masira pa lalo ang reputasyon mo sa publiko ngayong may plano ka nang kumpirmahin ang haka-haka na may anak ka sa ibang babae. Kahit hindi nila alam ang buong kuwento, hindi natin mapipigilan ang impluwensya ng mga mapanghusgang tao na handang gawin ang lahat matanggal ka lang sa inuupuan mo. Hindi ko masabi sa kaniya ito, ngunit ilang beses ko nang pinaalala ang sitwasyon niya kaya't sa tingin ko'y naiintindihan niya ang panig ko.

"Hindi ko naman minahal si Celestine. Ikaw ang mahal ko, Luna."

"Alam ko iyon. At mahal na mahal din kita. Pero sapat na sa akin na minahal mo ako nang sampung taon. Ang anak natin, kakailanganin pa rin niya ang pagtanggap ng lahat paglaki niya. Ayaw kong lumaki si Tala na kinaaayawan ng maraming tao, Josiah. Iyon lang, wala na akong mahihiling pa."

Bago pa siya umalma ay umatras na ako at nagpaalam na babalik sa aking silid. Sa dami ng kailangan kong gawin ngayong araw ay medyo nakararamdam na rin ako ng matinding pagod.

Nagising ako sa tunog ng security alarm at nagmamadaling kinuha ang wallet at cellphone. Mabilis kong binuksan ang malaking aparador at itinabi ang mga damit. Rinig ko mula sa labas ang mga sigawan at ang nagmamadaling yapak na lalong nagpaalarma sa akin. Matapos kong mahanap ang nakatagong scanner sa loob ay tinapat ko na kaagad ang aking ID card at bumukas na ang pinto. Hindi na rin ako naghintay na lumaki pa ang daanan at pumasok na ako kaagad, inayos ang mga nakabitin na damit, at sinarado ang pinto ng aparador.

Sa loob nito ay may maliit na daanan patungo sa iba't ibang lugar sa palasyo at may daanan na rin palabas. Mula nang pinagbuntis ko si Tala ay inilipat ako ni Josiah sa dating silid ng kaniyang lola. Ang lahat ng kuwarto ng pamilya niya ay may ganitong secret passage. Na kung sakaling may mga rebeldeng mag-aaklas ay may mapagtataguan silang safe room na hindi matutunton o mabubuksan ng mga rebelde, o 'di kaya'y para mabilis na matungo ang daan palabas ng palasyo. At kung totoo nga ang hinala ko na rebelde ang sumubok na pasukin ang palasyo ay kailangan kong magmadali.

Ginamit ko na rin ang oportunidad ng kuwartong ito upang itago ang mga mahahalagang dokumento ko at ng kay Tala. Pati na rin ang mga sulat na natanggap ko kay Josiah, lahat ng sulat ko para kay Tala at ang regalo ko sa kaniyang kuwintas na may hugis bituin. Iyon agad ang una kong sinilip na nasa dingding na dati kong ginawan ng butas para doon ipasok ang kahon ng mga sulat. Inayos ko ang pagkakapuwesto ng kahon, ibinalik sa dati ang bloke ng dingding at umalis na patungong maid's quarter.

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon