Ikaapatnapung Kabanata

291 19 6
                                    

Fall

Diniin ko lalo ang pagkakayuko nang sa gayon ay makapagtago ako, pero walang nangyari.

Maingat kong inangat ang ulo ko para silipin si Criselda. Pero hindi iyon natuloy nang agad kong naramdaman ang kamay nina Tatay at Lia. Tinayo nila ako, at saka ko nakita si Criselda na nakabulagta na sa sahig at dumudugo ang dibdib. Lumipat ang mata ko kay Bruce na hinihingal, naluluha ang mga mata niya at ang baril na hawak ay umuusok.

"Umalis na kayo," aniya, ang tingin ay nakapako sa kung nasaan ang kaniyang ina. "Umalis na kayo bago magbago ang isip ko."

Agad akong hinila ni Tatay kahit gusto kong magpaiwan para tulungan si Bruce. Galit na galit pa rin ako sa ginawa niyang pagtatraydor, oo. Pero hindi ibig sabihin no'n ay hindi ko na kayang magpatawad. Kaibigan pa rin ang turing ko sa kaniya, lalo na ngayon at sinubukan niyang bumawi.

"Halika na, 'nak," mahinang bulong ni Tatay at tuluyan na kaming umalis sa abandunadong lugar.

Mariin kong pinikit ang mga mata sa lakas ng liwanag dito sa labas. Saka ko napagtantong nasa dulo na pala kami ng palasyo, at mukhang dating imbakan ang lugar na iyon. Muli kong sinulyapan ang aking likuran, kung saan naiwan sina Bruce at Criselda.

Parang kidlat namang nagsidatingan ang mga royal guard at agad pumaikot sa aming tatlo. May inabot na baril si Tito Carlos kay Tatay. "Nakahanda na ang sasakyan sa south wing. Doon na tayo didiretso dahil pinakamalapit." Tumango si Tatay at lumipat sa harap naming dalawa ni Lia.

Mahigpit kong hinawakan ang kapatid ko habang sinasabayan ang mabilis na paglakad ng lahat. Marahan kong hinahaplos ang likod niya para tumahan. Para na rin hindi ako mawalan ng lakas ng loob.

"Sir!"

Nagsiyukuan kaming lahat nang biglang sumabog ang gate ng south wing at nagsidatingan ang mga armadong lalaki.

"Atras!"

May dalawang guwardiyang humila sa amin palayo sa gate habang ang iba ay nagpaiwan, kasama sina Tatay at Tito Carlos.

"Tatay!" sigaw ko ngunit hindi niya marinig iyon. Patuloy siya sa pakikipagpalitan ng bala sa mga paparating. "'Tay!" sigaw ko ulit, pero hindi na siya nakalingon hanggang sa nakahanap kami ng mapapagtaguan.

Si Lia ay lalong naiyak. Gusto ko na rin magwala at balikan si Tatay, pero alam kong mapapahamak ko lang siya lalo kapag nagpumilit ako. Kaya sumunod kami sa dalawang guwardiya.

Nanlaki ang mga mata ko nang sabay silang tumayo at itinutok ang hawak na baril sa aming dalawa ni Lia. "A...a-no'ng ginagawa n'yo?" mahina kong tanong, habang hinihila si Lia papunta sa likod ko. Pero bago pa man sila makasagot ay tinamaan ang mga ulo nila ng bala at bumulagta sa sahig. Lumingon ako sa pinanggagalingan ng bala at doon ko nakita sina Francis at Janus.

Mahigpit kong niyakap si Francis, pero hindi nagtagal iyon dahil kailangan naming lumayo rito.

"Sina Anya at Eli?" tanong ko sa kaniya habang papasok kami sa isa sa mga passage.

Nag-abot siya sa akin ng baril bago bumulong, "Pupuntahan natin sila."

Tumango ako at inayos ang pagkakahawak ng baril. Sa sobrang tahimik ng buong lugar ay halos naririnig ko ang malakas na pagtibok ng puso ko. Rinig ko rin ang tahimik na pagbabangayan ng dalawang nasa likod namin.

"Ano ka ba? Hindi ka ba nakikinig sa training mo? Ano 'yon, natutulog ka lang?" Si Janus na pinipilit si Lia na humawak ng dalawang baril. Ayaw niya kasing magdala.

"Hello? Matagal na ba ako rito at nag-e-expect kang asintado na ako?"

Umiling ako at humabol na kay Francis. Hindi ko pa masyadong nasasaulo ang lahat ng daanan dito sa passage, kaya hindi ko alam kung saan ang punta namin. Ang alam ko lang ay ang diretsong daanan mula sa silid ko, patungo sa west wing.

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon