Ikaanim na Kabanata

311 66 81
                                    

Mission

Naunang umalis si Ama nang biglaan siyang nakatanggap ng tawag. Nag-aalala man ay pilit ko ulit na inalis iyon. Panigurado'y hindi naman ganoon kalaki ang problema. Baka sa negosyo lang o may ipapapirma. Nawala rin naman agad sa isip ko iyon dahil sa lakas ng tawanan at kuwentuhan nila. Nakapag-relax na rin ang lahat pati ang mga bodyguard ko, maliban kay Francis.

Nanatili siyang tahimik sa tabi ko at parang may malalim na iniisip. Magsasalita na sana ako para tawagin ang pansin niya, pero bigla siyang nagpaalam na pupunta sa kusina. Hindi naman nakaramdam ng pagtataka ang mga kasama namin kaya't dire-diretso siyang naglakad. Wala sa isip kong kinagat ang aking labi. Ano ba ang problema niya? Ngayon ko lang napansin, pero sa itsura niya ay parang matagal na siyang problemado. Hindi ko rin alam kung bakit iyon kaagad ang naisip ko, pero may hindi kasi tama sa mga ikinikilos niya.

'Di ko na rin napigilan ang sarili at tumayo na ako. Sabay na nagsilingunan ang mga ulo nila nang bigla akong napatayo. "CR lang ako," maagap kong saad bago pa man sila magtanong. Sabay pa na tumayo ang apat kong tagasilbi, ngunit mabilis ko silang pinigilan sa pagsunod sa akin. Kailangan ko lang naman kausapin si Francis tungkol dito. Nagdadalawang-isip pa sila bago umupo. Dumiretso ako sa daanan papuntang kusina. Mayroon din namang CR doon kaya mukhang hindi naman sila nagtataka.

Huminto ako sa harap ng kusina. Hindi naman ganoon kalaki ang lugar kaya madali ko ring nahanap si Francis. Nakatalikod siya sa banda ko at mukhang umiinom ng tubig. Agad kong binuksan ang pinto at gulat pa siyang napalingon sa akin. "Y...Y-sa!"

Tinaasan ko siya ng kilay. Nakatayo lang siya at hindi gumagalaw nang maglakad ako palapit sa kaniya, pero ramdam kong tensyonado siya sa nakikita.

Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa. "May hindi ka ba sinasabi sa akin?" Nilagay ko sa baywang ang magkabilang kamay habang nakatitig sa kaniya.

Nawala ang gulat sa mukha niya at napalitan iyon ng pag-aalala. Ilang beses niyang binuka ang bibig, pero isasara ulit bago pa man siya makapagsalita.

Umabot dito sa kusina ang tunog ng musika at iyon ang bumalot sa tahimik na silid. Nanatili ang mga mata ko sa kaniya habang naghihintay kung kailan siya magsasalita. Alam na alam niyang hindi ako magpapatinag at susuko kaya wala akong balak pagbigyan siya.

Pero paano kaya kung . . . wala naman akong kinalaman sa problema niya? May karapatan pa rin ba akong pilitin siya na magsalita? Masyado yata akong nanghihimasok? Paano kung may kasintahan pala siya tapos nag-away sila? Ano namang kinalaman ko ro'n? Siyempre, may kinalaman pa rin ako dahil tutulungan ko siya!

Pero paano nga kung hindi naman niya kailangan ng tulong ko?

Napaigting ako ng bagang. Gusto ko siyang hampasin, pero wala naman akong karapatang saktan siya. At saka ayaw kong maying bayolente. Lalo na sa kaniya.

Tumalikod na lang ako at nagsimula nang maglakad.

"Kilala mo si Elena, 'di ba?"

Napahinto ako sa tanong niya. Si Elena? Ano naman ang kinalaman niya rito?

Nang lingunin ko siya ay kitang-kita ko ang kaba at pag-aalala sa mukha niya. "Narinig ko kay Papa na . . . may lead na raw sila sa kaniya."

Bumilis ang paghinga ko at lumakas ang pagtibok ng puso ko. Si Elena, buhay? At may lead na sila kung nasaan siya? Matapos ang labing-anim na taon? Magbabalik siya?

"Gusto mo bang . . . ako mismo maghanap sa kaniya? May kilala ako na p'wedeng gagawa at . . . ilayo sila sa mata ng mga galamay ni Papa," aniya habang maingat na lumalapit sa akin. Nang makarating siya sa harap ko ay napatingala ako at tiningnan ang mga mata niya. "Sabihin mo lang, Ysabelle. Ano, hahanapin ko ba?"

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon