Ikadalawampung Kabanata

244 54 68
                                    

Box

Mukha na akong taong grasa.

May mga dumi sa buong katawan ko at nagkasugat-sugat pa ang mga braso at paa ko dahil nababangga sa mga katabing sako, pero hindi ko inalintana iyon. Maliit na sakripisyo lang ito kumpara sa mga gusto akong ihatid pauwi na buhay pa ang isasaalang-alang nila masiguro lang na ligtas ako.

Nilingon ko sina Janus na dalawang metro lamang ang layo mula sa akin. Ang gate naman ng palasyo ay malapit na rin. Malaki ang ngiti ko nang hinarap si lolo na tumatango. "Marumi ho ako—"

Hindi pa ako tapos sa pagsasalita ay mahigpit na niya akong niyakap. "Mag-iingat ka, Apo. Kapag may kailangan ka, sabihan mo lang si Mylene o si Janus. Huwag kang magdalawang-isip na humingi ng tulong sa amin."

Tumango ako at hinigpitan pa lalo ang yakap sa kaniya. Nang makabitiw na ay nagsalita si Lolo sa radyo niya. "On your stations, now."

Nakita kong nawala si Janus sa kakahuyan kaya unti-unti akong humakbang. Naluluha kong nilingon si Lolo na tumatango lang sa akin na parang sinasabing ayos lang na bilisan ko, kaya minabuti kong tumakbo para makauwi na silang lahat nang hindi nasasaktan.

Halos mahilo na ako sa bilis ng pagkakatakbo ko nang biglang nagpaputok sina Janus para maalerto ang mga guwardiya. "Tulong!" Inubos ko na ang natitira kong lakas sa pagsigaw at tumunog ulit ang pangalawang senyas mula kina Janus. Kahit alam kong hindi naman ako matatamaan ay wala sa isip akong napatakip ng tainga kapag nagpaputok sila, hanggang sa nakita kong nagsilabasan ang mga guwardiya at bumungad roon si Miss Mylene.

"Kamahalan!" sigaw niya at tinakbo ang distansya naming dalawa. Niyakap ko siya at bumulong, "Sina Tatang iyon." Tumango naman siya at may inutusan na dalhin ako sa loob.

Siguro sa pagod ay parang awtomatiko kong nabitiwan ang huling hibla ng lakas ko nang masiguro kong nakapasok na kami sa gate. Sigurado akong ligtas na ako kaya hinayaan ko ang sariling mahila ng antok.

Nagising ako sa maharas na pagbagsak ng malamig na tubig sa mukha ko. Napasinghap ako nang malalim at umubo nang mukhang may nakapasok pang tubig sa ilong ko. Bago ko pa man makita kung sino ang walang hiyang gumawa noon sa akin ay narinig ko na ang matinis na boses ni Inang Reyna at hinila ang buhok ko.

"At ang kapal talaga ng mukha mong matulog na lang pagkauwi mo, ano! Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko para sa iyo! Pinakain kita! Pinatulog sa palasyo ko! Pinag-aral pa kita, walang hiya ka! Tapos itatago mo lang sa amin ang tungkol kay Prinsesa Elena, ingrata ka!"

Nang bitiwan niya ang buhok ko ay nahulog pa ako sa maikling hagdan patungo sa hardin. Namilipit ako sa sakit at agad kong hinawakan ang sugat ko sa tagiliran. Bago ko pa man maisipang bumangon ay inapakan niya ang paa ko. Mabuti na lang at hindi gaanong mataas ang takong ng sapatos niya kaya natitiis ko pa.

"Ano sa tingin mo, maitatago mo sa amin ang katotohanan tungkol kay Lia? Para mapunta sa 'yo ang trono? Ha, masyado yatang malaki para sa 'yo ang pangarap na 'yan."

Gustuhin ko mang sumagot ay nanahimik na lang ako dahil totoo namang may kasalanan ako sa kanila. Totoong hiniling kong itago muna ang nalalaman ko at saka na aamin kapag handa na. Kaya dapat ko lang tanggapin ang parusa ni Inang Reyna, gaano man kasakit iyon.

"Tingnan mo, dahil sa kasakiman mo ay nagdurusa ngayon ang anak ni Carlos na tumatanggap ngayon ng parusa na nakalaan dapat sa 'yo."

Nanlamig ako.

Si Francis? Hindi, hindi puwede! Hindi puwedeng parusahan siya sa kasalanang ginawa ko!

Wala sa isip kong hinila ang paa kong inaapakan ni Inang Reyna at dumiretso sa pagluhod. "Parang awa n'yo na ho, Inang Reyna, pakawalan n'yo ho si Francis!" iyak ko sa kaniya habang nakahawak sa mga paa niya. Inalis niya naman ang isa at unti-unting inapakan ang kanan kong kamay. Palakas nang palakas ang pagdiin. Hinayaan ko lang, kasalanan ko naman. Kailangan kong maialis si Francis sa kung anong parusa ang tinanggap niya para sa akin.

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon