Ikadalawampu't-isang Kabanata

234 52 78
                                    

Found

Nagising ako sa matinis na tunog ng alarm clock at kaagad akong bumangon. Pinatigil ko ang pag-iingay at dumiretso sa banyo para maghilamos. Madilim pa dahil alas-kwatro pa lang naman, pero dahil sanay na akong bumangon ng ganitong oras, nagbihis na ako at bumaba.

Malinis naman na ang kainan ng shop, pero pinulot ko pa rin ang disinfectant at pamunas saka sinimulang punasan ang mga mesa pati upuan. Nilinis ko rin ang malaking salamin at tiningnan ang sarili, baka may naiwan pang bakas ng bagong gising sa mukha ko. Ngumiti ako nang wala namang akong nakita at nagpatuloy sa paglilinis.

Inayos ko na rin ang case ng softdrinks at inipon ang may parehong label. Mamayang alas-singko pa ang dating ng delivery ng mga softdrink, pero maganda na ring handa na ang isasauling cases pagdating nila. Pumunta rin ako sa refrigerator ng softdrinks para bilangin kung ilan ang natira at sinulat ko iyon sa papel sa may counter. Doon naman ako naglinis at isinalang na sa rack oven ang mga dough. Ang mga hindi naman nabentang tinapay ay nilagay ko sa mga supot, ipinasok sa malaking cardboard box at dinala sa labas. Naglagay ako ng upuan sa harap ng counter at pinagpag ang handwritten sign na nakadikit sa box.

"Libreng tinapay para sa lahat!" Iyon ang nakasulat sa sign. Kalalapag ko lang ng box ay may mga lumapit nang mga bata at kumuha ng tig-iisang supot.

"O, isa-isa lang, ah! Baka pagalitan na naman kayo ng mama kapag naubusan siya," babala ko sa kanila. Tumango naman sila at natatawang nagpapasalamat bago umalis.

Napatingin ako sa batang babae na nakatitig sa akin. Siguro ay nasa anim o limang taong gulang. "Ate, p'wede po bang kumuha pa ako ng isa? May kapatid pa po kasi akong dalawa, maliit."

Kumuha ako ng mas malaking supot at naglagay ng tatlong tinapay sa loob. Nilahad ko naman sa kaniya iyon at nilagay niya ang kinuha niya kanina. "Balik ka pa rito bukas, ah? Lagi kasi kaming may ganito."

Tumango siya. "Salamat, Ate! Ang ganda n'yo po!"

Natawa naman ako sa pahirit niya. "Ikaw, ang liit-liit mo pa, marunong ka nang mambola!" Kinurot ko pa ang mataba niyang pisngi.

"Totoo naman po kasi! 'Yong isang ate kasi rito, laging nakasimangot. Ikaw po laging nakangiti!"

Lalo tuloy lumaki ang ngiti sa labi ko dahil sa sinabi niya. "Nasaan ba ang mga magulang mo?" tanong ko nang tinitigan niya ang mga tinapay at binibilang. Siguro ay iniisip niya kung papaano hahatiin ang mga iyon.

"Si Mama po, nasa ospital, may sakit. Kasner ba 'yon? Ewan hindi ko alam. Bawal naman daw kasi kami roon kasi mahahawa raw kami. Si Papa naman po, nagtatrabaho sa umaga tapos sa gabi binabantayan si Mama. Malaki raw po kasi ang bayad kaya umuuwi lang si Papa sa bahay kapag madaling araw para kumain. Ito po, oh." May kinuha siya mula sa bulsa niya at pinakita ang singkwenta pesos. "Bigay po 'yan ni Papa, pangkain namin buong araw. Pero hindi namin ginagasta para ipunin pambayad sa kasner ni Mama para umalis na siya."

Para namang may mainit na kamay na humaplos sa puso ko. Batang-bata pa sila, pero naisip na nila ang mga ganitong bagay. Kung ako ay lumaki nang walang ibang iniisip kung hindi ang mga assignment ko at si Inang Reyna, may mga batang sinasakripisyo ang ginhawa makatulong lang sa mga mahal nila sa buhay. At may mga magulang na isinasakripisyo ang oras nila para sa mga anak dahil kinakailangan nilang maghanap ng mapagkakakitaan.

Pumasok ako sa loob para kumuha ng pera at binalikan ang batang inosenteng naghihintay sa akin.

"Ito, oh. Itago mo, ha? Ibigay mo sa papa mo kasama sa mga inipon ninyo. Para tantanan na ng cancer ang mama ninyo." Iniabot ko sa kaniya ang isang libong galing sa natira kong pera at sa pasweldo sa akin dito. Lumiwanag naman ang mukha ng bata nang makita ito. "Ano'ng pangalan ng mama mo?"

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon