Ikalabing-apat na Kabanata

218 62 69
                                    

Secret

"Kamahalan . . . kumain na ho kayo," naiiyak na pakiusap ni Ruth. "Tatlong araw n'yo na hong hindi ginagalaw ang pagkain n'yo, nag-aalala na ho kami."

Tumango ako kahit nakatalukbong sa kumot. Mukha namang nakita niya ang pagtango ko kaya siya nakahinga nang maluwag. Hindi ko alam kung anong oras na, pero matagal din siyang nakatayo sa gilid ng kama ko. Tatlong araw na pala ang nakalipas. Ganoon na pala ako katagal na nagkukulong dito sa silid.

"Iwan mo lang diyan, Ruth. Mamaya na ako kakain."

"Po?!" Napataas ang boses niya sa gulat. Hindi ko na naintindihan ang iba pa niyang sinabi. Pinikit ko na lamang ang mga mata ko. Masyado akong nanghihina para intindihin pa ang mga nangyayari sa paligid ko.

Sa ngayon, gusto ko munang maging makasarili. Gusto ko munang gawin ang mga gusto kong gawin nang hindi sinisermunan o dinidiktahan ng iba. Kahit ngayong araw lang.

Kahit ako ay hindi maintindihan ang mga nangyari. Mula nang makitang suot ni Lia ang kwintas ni Nanay ay parang tinakasan ako ng kaluluwa at lakas. Ni hindi ko kayang magsalita. Kaya mula nang makauwi kami, nagkulong na ako sa silid at ipinagpaalam kay Ama na may sakit ako. Sa sobrang abala niya ay ni hindi siya nagtaka at bumisita para kumustahin ako. Kahit na bihira akong magkasakit.

Siguro kung si Lia . . . .

Kung si Lia ang magkakasakit, agad na tatakbo si Ama sa kaniya sa bigat ng pag-aalala. Kapag nalaman niya ang toto . . . Ang natuklasan ko . . . .

Kinagat ko ang labi nang muntik nang lumabas ang pinipigilang kong hikbi. Agad nagsitakbuhan ang luha sa mga mata ko patungo sa tungki ng ilong hanggang sa nahulog ito sa unan ko. Iniisip ko pa lang ang mga mangyayari sa susunod na mga araw ay parang nababasag ang puso ko.

At ang mas masakit ay hindi ko alam kung bakit.

Kahit mas malapit sila ni Anya ay napamahal na rin siya sa akin. Silang dalawa. Pati na si Janus na hindi masyadong nakikihalubilo sa amin, maliban na lang kapag nare-review kami. Napamahal na sila sa akin. Mabait si Lia at sigurado akong mapapamahal din sa kaniya ang lahat ng tao rito sa palasyo. Siguro pati si Inang Reyna. Magkakilala na kami ni Lia at madali lang ipaliwanag sa kaniya ang mga nangyayari, pagkatapos noon ay malaya ko na siyang ite-train bago siya ipapakilala sa mundo. Sigurado rin ako na matalino siya kaya mabilis siyang matututo sa kahit na anong ituro ko sa kaniya . . . pero bakit parang ang hirap na makita siyang gumagawa noon?

At saka . . . .

Paano na ako?

Ayan, Tala! Lumabas din! Ayaw mong makuha ni Lia ang nararapat sa kaniya, kaya mahirap sa iyo ang tanggaping siya nga si Prinsesa Elena! Na kapag naibalik na sa tamang lugar si Lia, ay ikaw naman ang mawawalan!

Mali ba? Mali bang maghangad na ako na muna ang pahalagahan nila, bago ang iba?

Ah, oo nga naman. Anak nga naman pala ako sa labas. Hindi ako ang tunay na prinsesa, kaya bakit ako hihingi ng higit pa sa natatanggap ko ngayon?

Natigil ako sa iniisip nang may maramdamang kamay sa balikat ko. Kahit may kumot ay ramdam ko pa rin ang init na nanggagaling sa kamay na iyon. Amoy pa lang ay alam ko na kung sino ang kasama ko ngayon.

"Ako na ang bahala rito, Ruth. Iwan mo na lang kami, at maghintay na lang ng tawag ko." Si Francis.

Biglang kumabog ang dibdib ko, at umagos na naman ang panibagong mga luha. Nang marinig ko ang pagsara ng pinto ay agad akong umalis sa ilalim ng kumot at pinulupot ang mga braso sa baywang niya. Naramdaman kong saglit siyang natigilan sa ginawa ko, pero niyakap na rin niya ako pabalik.

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon