Ikalabing-tatlong Kabanata

246 62 85
                                    

Necklace

Burner phone raw ang ginamit ng kung sinong tumawag sa akin ayon kay Bruce na hindi rin maganda ang reaksyon sa nangyari. Hirap silang tukuyin kung sino ang tumawag at ano ang pakay nito.

Napabuntonghininga ako habang nakatanaw sa ilog. Mag-iisang buwan na rin mula nang huli akong nakabalik dito sa Malacañang. Natapos na ang semester ay hirap pa ring tukuyin kung tunay nga ba ang lead na natanggap ni Ama, o 'di kaya'y pain lamang iyon upang luwagan ang mahigpit kong security. Ang huli ay mas kapani-paniwala dahil sa kabila ng galing ng mga kasamahan ko at ni Francis, hirap pa rin kaming hanapin si Prinsesa Elena.

Muntik na nga kaming ilibing nang buhay ni Inang Reyna nang umuwi kaming walang dalang magandang impormasyon. "Sa susunod na lalabas kayo ng palasyo ay huwag na kayong bumalik kung wala pa rin kayong dalang prinsesa!" aniya at halos sinira na ang mga papeles at gamit niya sa opisina.

Si Ama naman ay hindi nagpakita ng dismaya kahit na ramdam kong lalo siyang naging problemado.

"Hahanapin namin ang prinsesa, Nanay, huwag kayong mag-alala. Hindi ko sasayangin ang sakripisyong ginawa mo para sa pamilyang ito." Hinaplos ko ang litrato niya. Kagaya ng nakagawian ay ang tahimik na si Francis lamang ang kasama ko rito sa puntod habang naghihintay naman sa malayo ang apat kong tagasilbi at sina Earl na nadagdag sa entourage ko.

Ilang minuto kong tinitigan ang magandang mukha ng nanay para hanapin ang sinasabi nilang napagmanahan ko mula sa kaniya, hanggang sa napunta ako sa kuwintas na suot niya sa litrato. Hinukay ko ang kahon ng mga alaala niya, ngunit wala akong nahanap na kuwintas. Tiningnan ko ang akin, ngunit magkaiba ang disenyo nito. Ang akin ay may disenyong tala, at ang kay Nanay ay asul na buwan. Pinulot ko sa kahon ang lahat ng inipon kong litrato niya at napansing suot-suot niya ito kahit saan. Pati ang mga kuhang hindi siya nakatingin ay sumisilip ang kuwintas.

"Francis, kailangan kong pumunta kay Ama," utos ko sa kaniya at tumayo na. Dire-diretso akong naglakad papasok ng palasyo na kaagad namang sinundan ng mga tagapagsilbi ko at bodyguard. Sumayaw ang mahaba kong saya sa bilis ng paglalakad ko pagpasok. Naririnig ko pang nagsalita si Francis sa hawak nitong radyo nang malapit na kaming makarating sa opisina ng hari.

"Ang Mahal na Prinsesa Tala!" pag-anunsyo ng tagabantay nang makarating ako. Kaagad na binuksan ang pintuan at diretso kong tinahak ang mesa niya dala-dala ang kahon.

Saglit akong napatigil sa nakita. Tambak ng mga papeles ang mesa nito at nakayuko na si Mr. Quezon, Mr. Harold, at ang isa pang tagapagsilbi ni Ama. "Kung mamarapatin sana ay gusto kong makausap ang hari nang mag-isa," awtorisado kong paalam at kaagad silang nagsilabasan.

Nilapag ko ang kahon at kinuha ang litrato ni Nanay. "Pasensya na ho sa abala, alam kong marami kayong kailangang asikasuhin, pero gusto ko lang hong magtanong tungkol sa kwintas na suot ni Nanay," mahinahon kong saad.

Nagtagal ang tingin niya sa litrato, at parang bumagsak ang puso ko nang biglang lumungkot ang mga mata niya habang hinahaplos ang mukha ni Nanay. Nang alisin niya ang kamay sa litrato ay lumipat iyon sa kaniyang kuwelyo at may binunot sa loob.

Pinigilang kong mapasinghap nang makitang may suot din siyang kwintas, araw naman ang disenyo. Biglang nanlabo ang mga mata ko sa luhang namumuo, ngunit kaagad ko iyong pinahid bago pa mahulog. Ang sakit. Ang sakit isipin na maganda sana ang buhay namin kung buhay pa si Nanay. Siguro ay kahit papaano'y mapawi ang lungkot ni Ama at maibsan ang hirap nito dahil sa trabaho.

"Nang mabawi namin ang bangkay ng iyong ina ay wala na ang kwintas na lagi niyang suot. Regalo ko iyon noong ikalabing-anim niyang kaarawan, kasama nitong suot ko," panimula niya. Iyon pa lang ang sinasabi niya, nanghihina na ang tuhod ko kaya't minarapat kong maupo na lamang. "Sinubukang kong ipahanap iyon sa kotseng sinakyan niya at sa lugar kung saan siya nakita, pati ang dati niyang silid, pero wala akong nahanap. Hanggang ngayon ay hindi ko na iyon nakita. Bakit mo natanong?"

CrownedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon