Chapter 7

8.8K 164 14
                                    

Hinawakan ni Jayden ang balikat ni Imhan at sinenyasan siyang tumayo. Sumunod naman siya. At tinawag nito si Mang Arnaldo. "Manong, dito na po kayo."

Saka niya naintindihan na ino-offer ni Jayden ang upuan sa matandang mag-asawa. Isinusuko nito ang pag-asang inisin siya at akitin siya para sa iba.

Yumakap dito ang pamangkin niyang si Ella. "Tito Jayden, talo po kayo?"

"Hindi na dapat ibigay ang upuan sa nakakatanda?" anang si Jayden at pinisil ang ilong nito. "Saka di naman importante na nanalo kami ni Tita Imhan. Ang importante nakapagpasaya kami ng ibang tao. Di ba, Tita Imhan?"

"Oo naman," sang-ayon niya at iniwan ang mga ito. Tumuloy siya sa buffet table at ikinuha ito ng cake at brownies. Nilagyan din niya ng chocolate sprinkle at marshmallow ang brownies.

It was a good side of Jayden. Mukha na naman itong bida sa paningin ng marami pero di siya naiinggit. In fact, she was glad of what he did. Nasanay kasi siya na makita si Jayden na ang alam lang na paligayahin ay ang sarili nito. Palibhasa ay nag-iisa itong anak mula sa isang may kayang pamilya. But he definitely cares. Tulad ng ginawa nitong pag-aalala kanina nang hatakin siya nito.

Nilapitan niya si Jayden na nakikipagkulitan sa mga pamangkin niya. Masarap itong titigan. Di naman pala masama na matuwa siya kay Jayden paminsan-minsan. "O! Bakit di mo pa kinakain ang cake mo?" untag ni Jayden sa kanya.

"Para talaga sa iyo iyan. Di ka halos nakakain kanina sa dami ng mga fans mo."

"Thank you!" anito at sumubo agad ng cake. Mukhang gutom na gutom nga ito. "Ang bigat mo kasi kanina. Napagod tuloy ako."

Pinanlakihan niya ito ng mata. "Anong mabigat ako?" Nagiging mabait na nga siya dito, iniinis na naman siya nito.

Pinisil nito ang braso niya. "Totoo namang bumibilog ka."

Bigla tuloy siyang na-conscious. Medyo nadagdagan nga ang timbang niya. Di naman kasi diet ang priority niya. Masarap kasing magluto at kumain. Bakit kailangan pa niyang problemahin? Ito lang namang si Jayden ang pumupuna. Asar!

"Kung wala kang masabing matino, manahimik ka na lang at kumain diyan." Isang malaking pagkakamali na dinalhan pa niya ito ng pagkain. Dapat ay di na lang siya na-touch sa kabaitan nito. Patay-malisya na lang sana siya. Tutal mas sanay naman siyang mainis dito.

"Unti-unti kang bumibilog at nagiging mundo ko."

Pinigilan niyang matawa sa corny na pagpapa-cute nito. "Gutom ka lang, Jayden. Kapag di ka nagtigil, papatingnan kita sa psychiatrist namin."

"Oo na. Di ka maniniwala kapag sinabi kong maganda ka," malungkot nitong usal at matamlay na sumubo. "Sayang talaga iyong romantic date. Kung tayo siguro ang nanalo, di mo ako masyadong susungitan."

Nakonsensiya naman siya nang maisip niya kung ano ang isinuko nito para sa iba. "Oo na. Huwag ka nang magdrama. Thank you rin dahil di mo hinayaang ma-out sila Manang. Sobra na ang pagod nila dito. Di na sila nakakapag-relax."

"Gusto ko lang maging masaya lahat. Tulad ng mga parents natin. Kahit na matanda na sila, di pa rin sila naghihiwalay. Gusto ko rin kasi ganoon kapag na-in love ako. Habambuhay kaming magkakasama ng babaeng mamahalin ko."

Parang sinibat ang puso niya sa deklarasyon nito. Karamihan kasi ng kilala niyang lalaki ay di interesado sa pangmatagalang relasyon. Pero kaya naman kayang pangatawanan ni Jayden ang babaeng mamahalin nito?

"Magtino ka naman kaya kapag in love ka na talaga?" tanong niya.

"Malalaman mo iyon kapag nakipag-date ka sa akin. Sumama ka na kaya sa akin sa Stallion Island ngayon?"

"Sabi na nga ba, diyan din ang balik natin!" Pinaiikot lang siya nito.

Tumayo ito. "Sige di na ako magtatagal. Baka kasi di ko na mahabol pa ang flight pabalik ng isla. Kailangan kasi nila ako sa isla. Magpapaalam na ako."

"Aalis ka na agad?" Ang akala niya ay magpapa-cute pa ito sa mga tao doon.

"Nagpunta lang naman ako para makita ka." Tipid itong ngumiti pero mas maganda ang ngiti ng mga mata nito. "Thank you! I had a great time with you."

"Ako din," mahina niyang usal habang tanaw ang kotse nitong papalayo. Nag-enjoy din siya kahit sa ilang sandali kasama si Jayden.

Sa ngayon lang iyon. Sa susunod ay di na iyon pwede. Di pa rin siya makikipag-date dito. At di niya ito bibigyan ng espesyal na bahagi sa puso niya. 

Stallion Island 2: Jayson Alden Arcena CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon