Tumili si Imhan at dali-daling bumitaw sa banana boat. Tumama ang katawan niya sa tubig. Inangat agad niya ang ulo at hinaplos ang mukha. Nanginginig ang labi niya sa takot. Pakiramdam niya ay biktima siya ng isang ship wreck. May isandaang metro pa ang layo niya sa banana boat. Madali lang iyong lakarin pero mahirap languyin dahil medyo malaki ang mga alon nang hapong iyon.
"Jayden! Jayden!" sigaw niya.
May mga bisig na humawak sa braso niya. "I am here."
Yumakap siya sa baywang nito at ihinilig ang pisngi sa dibdib nito. "Jayden, natatakot ako. Pakiramdam ko victim ako ng Titanic. Banana boat ride lang ang gusto ko. Hindi naman Shipwreck Survival 101."
Bagamat sanay siya sa dagat, she could only swim at a safe distance. Takot siyang mapapalayo ng langoy dahil baka pulikatin siya o dikitan ng jellyfish at kung anu-ano pang masasamang bagay na pwedeng mangyari sa dagat. Nakatira siya sa coastal community. Alam niya ang kwento ng mga bihasang mangingisda na nawawala sa gitna ng dagat at di na nakikita pa.
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Relax! Nandito na ako. Basta kumapit ka lang sa akin. Lalangoy tayo palapit sa banana boat."
When heard his soothing voice, she became more relaxed. Nang mga oras na iyon, si Jayden na lang ang mapagkakatiwalaan niya. Ito lang din ang nakakaintindi sa takot niya. Makalipas ang ilang minutong pakikihamok sa alon ay nakasampa na sila ng banana boat. Tinulungan nila ni Jayden ang iba pang na-"shipwreck" na nagre-request na naman na magpahagis pa sa dagat.
"Jayden, natatakot talaga ako," usal niya nang naghahanda na namang umandar ang speedboat.
Hinalikan nito ang ibabaw ng buhok niya. "Matakot ka kapag wala ako sa tabi mo. Habang nandito ako, di kita pababayaan."
Kumalma siya sa pangako nito sa kanya. Iyon din ang pangako nito nang isuot nito ang singsing sa kanya pagpasok niya sa Stallion Island. Di na siya natatakot pero kakaibang kaba naman ang nararamdaman niya habang pinakikiramdaman si Jayden na nasa likuran niya. Hangga't naririnig niya na nag-e-enjoy ito sa ride, ibig sabihin ay okay lang ang lahat.
"Bitaw!" sigaw ni Jayden.
Nakabitaw siya agad. Nang bumagsak siya sa tubig ay di na siya masyadong malayo sa banana boat. Kaya na niyang languyin at di na rin siya natatakot sa alon.
Luminga siya at hinanap ng paningin si Jayden. Gusto niyang sabihin dito na nasasanay na siya sa alon. Di na siya gaanong natatakot. Naningkit ang mata niya nang makita si Jayden sa di kalayuan. Isang babae ang nakayakap dito at ayaw bumitaw. "Don't let me go! I am scared," mangiyak-ngiyak na sabi ng babae. Paano itong biglang natakot? Samantalang kanina lang ay enjoy na enjoy ito at isa sa pinakamabilis na nakalangoy palapit sa banana boat.
Halata naman na gusto lang nitong maka-score kay Jayden. At bakit hindi ito itinataboy ni Jayden? Mukhang nag-e-enjoy pa ang damuho sa pagdikit-dikit ng katawan ng babae dito. Nakalimutan na yata siya nito.
"Jayden!" tawag niya dito at pinanlakihan ito ng mata.
Kumaway lang si Jayden sa kanya. "Mauna ka na. Susunod na ako."
Napilitan siyang abutin na ang nakalahad na kamay ng staff ng banana boat ride na siyang tumutulong sa pagsampa ng mga riders. Ayaw na sana niyang tingnan pa si Jayden at ang babae pero di siya makatiis. Umiinit nga lang ang ulo niya tuwing nakikita niya kung paanong akitin ng babae si Jayden. Natatakot man siya kanina, at least genuine iyon. Hindi kaartehan lang.
"Thank you, Jayden," ngiting-ngiting sabi ng babae at hinalikan sa gilid ng labi si Jayden. Saka ito sumampa sa harapan niya.
Umusod naman siya para makaupo si Jayden sa likuran niya. "Are you okay?"
"Okay na okay lang ako," labas sa ilong niyang sagot.
"Sorry. Tumilapon ako sa malayo. Ang sakit ng katawan ko."
Maasim siyang ngumiti dito. "You don't look sorry to me. Mukhang nag-enjoy ka naman, hindi ba?" mariin niyang tanong. At nang humarap ulit siya ay nakita pa niya ang pagpapa-cute ng babae sa harap niya kay Jayden. Bruha!
Hinawakan ni Jayden ang balikat niya. "May masakit ba sa iyo?"
Pumiksi siya. "Don't touch me!"
Di niya ito kinausap hanggang makabalik sila sa pampang. Nakasunod lang si Jayden sa kanya. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito. "Saan mo pa gustong pumunta?" tanong nito. "May jet ski, parasailing at pwede rin tayong mag-bungee jumping pero sa kabilang side pa iyon ng island."
Namaywang siya at tiningnan kung saang direksiyon pumunta ang babaeng may crush kay Jayden. "Kahit saan basta walang jellyfish."
"Wala namang jellyfish, ah!" Hinatak nito ang braso niya at umuklo sa harap niya para tingnan kung saan siya posibleng nadikitan. "May dumikit ba sa iyo."
"Sa akin wala pero sa iyo meron," aniya at nagpatiuna nang maglakad. Isang malaking-malaking jellyfish na naka-swimsuit at magaling mag-inarte.
Kakamot-kamot na sumunod sa kanya si Jayden. "Paano mong malalaman na may jellyfish na dumikit sa akin? Ako nga walang naramdaman."
"Umuwi na nga lang tayo para makapagbanlaw tayo. Gusto kong dalhin mo kami sa may windmill nang makapagpahangin naman."
Kailangang lumamig ang ulo niya. Sa katutukso-tukso nito sa kanya at ilang beses nitong pang-aakit sa kanya, di man lang ito nakakahalata sa kanya ngayon? Na naiinis siya sa babaeng dikya na iyon. At kung titingnan sa dictionary, nagseselos siya. Di niya alam kung dapat siyang matuwa o hindi na walang nahahalata si Jayden.
BINABASA MO ANG
Stallion Island 2: Jayson Alden Arcena Completed
RomanceTwo childhood enemies. One romantic island. Sino ang unang mai-in love. Published under Precious Hearts Romances. First edition 2009