Chapter 1 - Goodbye Queen Ruiz

477 19 1
                                    

Chapter 1
Title : Goodbye Queen Ruiz

* * *

3 years ago...

🎶 Sa hindi inaasahang
Pagtatagpo ng mga mundo 🎶

Napatigil ang isang lalaki sa paglalakad nang marinig ang napakalamyos na tinig na iyon ng isang babae.

Napalingon siya sa direksyon kung saan iyon nagmumula at natanaw niya ang isang babaeng kumakanta habang tinitipa ang nakasabit na gitara sa katawan nito sa gilid ng daan na iyon. Nalagpasan niya ito kanina sa kaniyang paglalakad.

🎶Mayro'ng minsan lang na nagdugtong
Damang-dama na ang ugong nito 🎶

Bumalik siya sa paglalakad at tumigil sa harapan nito upang mapanood ito nang maayos. Nakapikit ito sa pagkanta at halatang kinakabahan dahil tuod ang pagkakatayo.

Siya lang ang nanonood dito dahil ang hina ng boses nito sa pagkanta. Marami namang tao ang dumadaan doon ngunit kahit nakakapukaw naman ng atensyon ang tinig nito'y walang lumalapit dito sa hina niyon. Ni wala itong microphone na gamit para mapalakas ang boses.

🎶'Di pa ba sapat ang
Sakit na dinanas
Na hinding-hindi ko ipararanas sa'yo?
Ibinubunyag ka ng iyong mga mata
Sumisigaw ng pagsinta 🎶

Doon ay nagmulat na ito ng mga mata at sakto namang natagpo ng tingin nito ang sa kaniya. Hindi niya naman inalis ang titig niya rito na mayroong hindi maitatagong paghangang mababakas.

Nanlaki nang kaunti ang mga mata nito habang nakatingin pa rin sa kaniya at doon ay unti-unti nang umayos ang pagkakatayo nito. Naging kumportable na ito sa pagkanta at halatang nabura ang kaba... na hindi maipagkakailang dahil sa kaniya.

🎶Ba't di papatulan
Ang pagsuyong nagkulang?
Tayong umaasang
Hilaga't kanluran
Ikaw ang hantungan at bilang kanlungan mo 🎶

Dahil lumakas na ang boses nito sa pagkakaroon ng kumpyansa sa sarili ay nakakuha na ito ng atensyon at hindi na lang siya ang nanonood dito ngayon. May mga nangvivideo na rito at maraming nagkokomentong kasing ganda nito ang boses nito.

Tama naman ang mga ito. Napakaganda nga nitong babae kahit na simpleng T-shirt at jeans lang ang suot. Hanggang baywang ang itim na itim nitong buhok na nakalugay, morena ang kulay ng balat nito na lalong nagdagdag sa maamo nitong karisma ang ang liit ng mukha na nagtataglay ng kahanga-hangang features. Ang kapal din ng pilikmata nito na halatang tunay at hindi ikinabit lang na false eyelashes.

Kahit na dumami na ang mga taong nakapalibot dito, ang tingin pa rin nila sa isa't isa ay hindi naaalis. Tila ba sila lang ang taong naroroon sa mga oras na 'yon.

🎶Ako ang sasagip sa'yo 🎶

Napangiti sila pareho sa isa't isa at isang hindi nakikitang bond na ang nabuo sa kanila ng araw na 'yon.

* * *
~Queen~

Katulad ng iba, nagsimula rin ako sa wala sa pangarap ko na maging isang sikat na singer.

Walang umakalang mararating ko ang tuktok ng pangarap kong 'yon dahil sa pagiging mahiyain ko at hindi pa nila alam kung ano ang kaya kong gawin.

"Ms. Queen! Bakit ka kumakain ng ice cream?! Bawal po 'yan sa boses mo lalo na at kagagaling n'yo lang po sa rehearsals!"

Pero dahil desidido ako na may marating sa isang bagay kung saan ako magaling, hinabol ko ang pangarap kong 'yon. Sumubok akong ipaalam sa marami na nagmamay-ari ako ng isang napakagandang boses na magbibigay payapa sa puso at isipan nila.

Queen and the Nine Tailed Fox ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon