Sa bahay niya sa Leibnis...
Inabot na siya ng gabi sa pag-uwi at pagpasok niya ng kaniyang bahay ay nakapinta pa rin ang ngiti sa mga labi niya. Inamoy niya pa ang nakabunbon na mga bulaklak na hawak niya na pinitas niya mula sa unahang hardin ng kaniyang bahay at balak niyang ibigay iyon kay Queen kasabay ng kwintas at singsing nito.
Kapag naiisip niya pa lamang kung gaano ito matutuwa lalo na at kulay peach ang mga napitas niyang bulaklak na paboritong kulay nito, umaabot na ng tenga ang mga ngiti niya.
Sa paglalakad niya ay nasalubong niya ang kaniyang mga tagapagsilbi na pinangungunahan ni Hilva. Mura pa ang gabi kaya gising pa ang mga ito.
Nang makita na siya ng mga ito ay babatiin na sana siya ngunit pinigilan niya kaagad. "Shhhh!" pagpapatahimik niya sa mga ito kaya hindi naituloy ang pagbati sa kaniya. "Nasaan si Queen?" mahina niyang tanong.
"Ginoo-"
"Shhh!" pagpapatahimik niya kaagad kay Hilva. Sumenyas siya rito na hinaan ang boses nito at kahit na nangunot ng noo nito sa pagtataka ay tumango-tango ito.
"Naroroon po siya sa kaniyang silid." mahinang-mahinang sabi nito gaya ng nais niya.
Tumango-tango naman siya at ngumiting muli. Naglakad na siya patungo sa silid ni Queen na makakasalubong ang mga ito kaya binigyang daan naman siya ng mga ito habang nakayuko.
Nang makalayo na siya ay napahabol tingin na lamang sa kaniya ang kaniyang mga tagapagsilbi pati na si Hilva. Nabakas ang pag-aalala sa mukha ng huli dahil batid nito na may dinadamdam pa rin si Queen dito... na kahit siya ay gustong-gusto nang malaman kung ano.
Maingat ang mga hakbang na ginawa ni Gani papunta sa tapat ng silid ni Queen at nang makarating na doon ay nakita niyang maliwanag pa sa loob. Ibig sabihin ay gising pa ito dahil may sindi pa ang kandila nito sa silid.
Buong ingat niyang binuksan ang pinto niyon at wala namang nilikhang ingay iyon. Sinilip niya si Queen sa loob at nakita naman niya itong nasa bintana na nakatanaw lang sa madilim na labas. Nasisinagan ito ng liwanag ng buwan at nakapangtulog na rin ito na mahabang kasuotang kulay puti lamang.
Maingat ulit siyang humakbang papasok ng silid nito at naglakad papalapit dito. Hindi naman siya nito napapansin at nanatiling nakatanaw lamang sa malayo.
Nang makalapit na siya nang tuluyan dito ay itinago niya sa likod niya ang mga bulaklak na hawak at ang isang kamay naman niya ay ipinangtakip sa mga mata nito.
Ngiting-ngiti siya at gusto niyang pahulaan muna rito kung sino siya pero...
"Kailan tayo aalis para puntahan 'yung lagusan?" malamig na tanong nito na unti-unti namang nagpawala sa mapaglaro niyang ngiti. Para rin iyung isang hindi nakikitang palaso na tumarak nang malalim sa puso niya na naglilikha ng labis na kirot doon.
Inalis na niya ang kamay niya rito at tulalang napatingin dito.
Hinarap naman siya nito at ang lamig-lamig ng tingin nito sa kaniya... hindi katulad noon na hindi maitago sa mga mata nito ang lubos na pagkatuwa sa tuwing umuuwi na siya mula sa pag-alis ng Leibnis.
"S-sa makalawa. Hapon niyon ay maaari na tayong umalis." Pinilit niyang ngumiti kahit na lumulukob na ang isang masasakit na emosyon sa dibdib niya.
Doon naman ay nasidlan na ng tuwa at buhay ang mga mata nito na ilang araw na niyang hindi nakita rito. "Talaga?! Sige, mag-aayos na ako ng gamit ko sa pagtatravel natin." Nagmadali itong pumunta sa malaking tokador ng mga damit nito upang kumuha ng mga gagamitin nito.
Siya naman ay nanonood lamang sa ginagawa nito.
Batid na naman niya na nais na talaga nitong umuwi sa mundo nito ngunit sa inaakto nitong iyon ay masyado nitong ipinaparamdam sa kaniya na ayaw talaga nito sa lugar na iyon... Sa mundo nilang naiiba sa mga ito kaya paano niya pa mahihiling dito sa hinaharap na bumalik ng Sargus?
BINABASA MO ANG
Queen and the Nine Tailed Fox ✔
FantasySa mundo ninyong mga mortal, ako ang iyong tagasunod ngunit dito sa aming mundo... ...ikaw ay alipin ko. -Isagani Simeon Sa pagsikat nang sobra ni Queenzie Ruiz na kinilala nang Queen sa pagkanta, kinain na siya ng kasikatang iyon at sumama ang ug...