Kailaliman ng gabi...
Nailumpungatan si Leighnus nang humangin nang malamig. Kahit nakakumot siya ay ramdam na ramdam pa rin niya ang lamig sa paligid.
Tiningnan niya ang malapit sa kaniya na nakahiga ring si Ragel, ang karwahero. Nangangatal din ito sa lamig kahit nakakumot ngunit tulog pa rin.
Tiningnan niya ang siga nilang apoy na nagbibigay ng init sa paligid kanina. Upos na iyon at naging uling na ang mga kahoy roon.
Bumangon siya ng upo at napakamot-kamot pa sa ulo ngunit napatigil nang makitang tumayo ang nagising ding si Isagani. Tahimik na inilipat nito ang latag nito sa tabi ng nilalamig ding Queen at ang sumunod na nangyari ang nakapagpasinghap sa kaniya nang may tunog.
Maraming mga puting-puting buntot ang lumabas mula sa likuran nito.
Napalingon naman ito sa kaniya sa pagkarinig ng pagsinghap niya at nagtama ang tingin nilang dalawa.
Kitang-kita niya ang pagbabago sa mga mata nito. "F-f-fox..." wala sa sarili niyang naiwika habang nanlalaki ang mga mata.
"Shhh..." pagpapatahimik nito sa kaniya kaya napatikom naman siya ng bibig niya.
Humiga na si Gani sa tabi ni Queen at ipinaunan nito sa braso nito ang ulo ng dalaga saka niyakap ito. Ang mga buntot naman ng Gisune ay bumalot sa mga ito na nagmistulang kumot para sa dalawa.
Nakatulala pa rin siya rito na nakatalikod sa kaniyang gawi at napupuno na ang isipan niya ng tanong na kung anong klase ba talaga itong nabubuhay.
Kinaumagahan...
Nagising na ang diwa ni Isagani nang masinagan na ng sikat ng araw ang kaniyang mukha. Nagmulat na siya ng mga mata at pumasok kaagad sa kaniyang isipan na tinabihan niya sa higaan si Queen.
Nanlaki ang mga mata niya at agad na tiningnan ang tabi niya ngunit wala na ito roon.
Agad siyang napabalikwas ng bangon at tumayo saka nagpalinga-linga. Siya na lamang ang naroroon at wala na sila Queen.
Lubusan na sana siyang maaalarma ngunit dumating na si Leighnus na nanggaling sa isang direksyon kasama si Ragel. May dala ang mga ito na mga prutas."Magandang umaga! Gising ka na pala." masiglang bati sa kaniya ni Leigh.
Agad naman niya itong nilapitan saka hinawakan nang mahigpit ang kwelyo nito. "Nasaan.si.Queen?" madidiin ang bawat salita niyang tanong dito at matalim din ang kaniyang tingin. Nagtaasan din ang mga balahibo ng nakalabas pa rin niyang mga buntot.
"Kumalma ka Gani. Naroroon siya sa may batis upang—"
Mas humigpit ang pagkakahawak niya sa kwelyo nito. "Nang mag-isa?!"
Napahawak na ito sa kamay niya sa pagkasakal. "O-oo kasi—"
Binitawan na kaagad niya ito saka tumakbo paalis para tunguhin ang sinabi nitong kinaroroonan ni Queen.
"Gani!" habol na tawag pa sa kaniya ni Leigh ngunit hindi niya ito pinakinggan.
Ang lakas-lakas na ng tibok ng kaniyang puso sa lubos na pag-aalala para sa kaligtasan ni Queen. Hindi sila pamilyar sa lugar na kinatitigilan muna nila kaya hindi pa nila batid ang mga kapahamakang maaaring maranasan nila roon.
Pinagsisisihan niya nang lubos na hinayaan niyang mahimbing sa pagtulog kaya hindi niya namalayang umalis na sa tabi niya si Queen.
Narating niya na ang batis na tinutukoy ni Leigh sa pamamagitan ng matalas niyang pandinig at ang agos ng tubig niyon. Si Queen kaagad ang nais matagpuan ng kaniyang mga mata at nang makita niya ang kasuotan nito na nakapatong sa isang malaking bato, kinain na ng kaba ang kaniyang dibdib. "QUEEN!" malakas na pagtawag niya sa pangalan nito at lumusong pa sa tubig na hanggang dibdib niya ang taas.
BINABASA MO ANG
Queen and the Nine Tailed Fox ✔
FantezieSa mundo ninyong mga mortal, ako ang iyong tagasunod ngunit dito sa aming mundo... ...ikaw ay alipin ko. -Isagani Simeon Sa pagsikat nang sobra ni Queenzie Ruiz na kinilala nang Queen sa pagkanta, kinain na siya ng kasikatang iyon at sumama ang ug...