Chapter 11 - Eirin Cygnus
"MGA LAPASTANGAN!" malakas ng sigaw ng isang napakapamilyar na boses kaya napamulat kaagad ako.
Biglang namang naalis ang taong nakaupo sa'kin saka isang malakas na galabog sa gilid kong puno ang narinig ko. Isa pa muling pagdaing ng isang tao na tumama sa puno ang narinig ko pa.
Gusto kong bumangon ng upo para makita kung ano ang nangyayari pero ang sakit-sakit pa rin talaga ng sikmura ko nang hindi ko inaasahan nang may tumulong sa'kin para makaupo ako.
Napadaing naman ako sa sakit ng sikmura ko.
"Ayos ka lamang ba Queen?" Mabilis na tinanggal ni Gani ang busal sa bibig ko at nakayanan kong umupo na hindi niya na inaalalayan.
Napatingin ako sa mukha niya na puno ng pag-aalala para sa'kin. Abalang-abala siya sa pagtatanggal sa mga itinali sa'kin habang ako, nakatitig lang sa kaniya.
"Nahihibang ka na. Tinrato lamang kita nang maganda kumpara sa iba ay espesyal na kaagad ang tingin mo sa iyong sarili sa aking buhay."
Nanlabo na ang paningin ko sa pamumuo muli ng mga luha ro'n.
Nang tapos na niyang kalagan ang mga tali sa'kin, napatingin siya sa mga mata ko na wala nang tigil sa pagluha. Mas lalong nabakas ang galit sa mga mata niya kaya tumayo na siya. Lumabas na naman ang siyam niyang mga buntot at nagliwanag ang dalawa niyang kamay sa mga puting apoy ro'n.
Lumabas ang ugat sa gitna ng noo niya sa galit at nagtatagis din nang sobra ang mga bagang niya habang nakatingin sa dalawang kidnapper ko na mga nagbabalak nang tumakas kahit may marami nang pinsala ang katawan. "HINDI KO KAYO MAPATATAWAD SA PANANAKIT N'YO KAY QUEEN!" Pinagbabato niya ang mga 'yon ng mga apoy niya at gumamit naman ang dalawa ng magic para makalipad na sila palayo habang takot na takot na mga nagsisigawan.
Kahit nakalayo na sila, pilit pa rin silang hinahagisan ni Gani ng mga apoy niya at natakot ako na baka masunog niya 'tong kagubatan na 'to kaya naman kinapitan ko siya sa sleeve niya. "G-gani... T-tama na." Hirap na hirap pa rin akong magsalita at napatingin naman siya sa'kin.
Ilang sandali siyang nakatitig lang nang ganoon sa'kin pero lumambot na rin ang expression niya saka umupo na muli sa harapan ko para mapantayan ako. "Patawarin mo ako Queen dahil hindi kaagad kita nahanap. Kung hindi ako nahuli sa aking pagliligtas sa iyo ay hindi ka sana nila nagawang masaktan." Bakas na bakas ang guilt sa mga mata niya na para namang mga karayom na tumutusok sabay-sabay sa puso ko.
Doon na ako tuluyang napaiyak na parang bata at niyakap siya.
Sobrang sakit ng nararamdaman ko... hindi lang dahil sa pagkakasuntok sa sikmura ko kanina kundi dahil sa lalaking 'to na walang pakundangang ni-reject ang confession ko.
Siya lang ang naisip ko kanina na makakapagligtas sa'kin... at dumating nga siya.
Iyak pa rin ako nang iyak at doon na pumatak ang malalaking butil ng ulan na nagtago sa mga luha ko na walang paawat sa pag-alpas. Yumakap na siya pabalik sa'kin at hinagod ang likod ko nang masuyo.
Lalong naninikip ang dibdib ko dahil umaasa na naman ako ngayon... na baka pwede pa.
Nag-aassume na naman ako na baka mahalaga naman talaga ako para sa'yo.
Pero promise, last na 'to na mag-aassume ako nang ganito.
Last na 'to na kakapalan ko ang mukha kong yakapin ka nang ganito at iparamdam sa'yo na masayang-masaya ako sa sa tuwing nililigtas mo ako.
Huling-huli na talaga 'to na paaapawin ko sa puso ko ang nararamdaman ko para sa'yo... dahil malinaw na malinaw naman ang sagot mo sa'kin kanina.
Na hinding-hindi mo ako magugustuhan.
BINABASA MO ANG
Queen and the Nine Tailed Fox ✔
FantasySa mundo ninyong mga mortal, ako ang iyong tagasunod ngunit dito sa aming mundo... ...ikaw ay alipin ko. -Isagani Simeon Sa pagsikat nang sobra ni Queenzie Ruiz na kinilala nang Queen sa pagkanta, kinain na siya ng kasikatang iyon at sumama ang ug...