Chapter 17 - Leighnus Welhart

111 14 0
                                    

Chapter 17 - Leighnus Welhart

"Sino ka?" tanong ko sa lalaking sakay ng tumigil na karwahe na nakakaalam ng pangalan ko.

Inabot niya naman ang dalawang kamay niya para makipagkamay. "Ako si Leighnus Welhart at pwede mo akong tawaging Leigh. Isa akong avid fan mo sa mortal world at lahat ng kanta mo, alam ko!" katulad na katulad ng reaksyon niya ang sa mga fans ko noon. "Grabe! Hindi ko inakalang makikita kita sa malapitan ni makakausap nang ganito Queen!"

Nanlaki naman nang kaunti ang mga mata ko nang sa wakas, makarinig na rin ako ng way ng pagsasalita sa mundo namin at bukod pa ro'n, fan ko rin siya. Nakipagkamay na ako sa kaniya at ngumiti. "Talaga? Pero bakit ka nandito sa mundong 'to? Tagarito ka ba?"

"Oo, dito ako pinanganak. Kabilang ako sa lahi ng mga maheya o Mage pero sa mundo ng mga mortal na ako nakatira ngayon. Ikaw? Bakit ka nandito? 'Wag mong sabihing dito ka rin sa mundong 'to nagmula?" hindi pa rin siya bumibitaw sa kamay ko.

"Hindi ah. Mahabang kwento pero pabalik na rin naman ako sa mortal world."

"Talaga?! Saktong-sakto! Papunta na rin ako sa lagusan ng Sphynx pabalik do—"

Biglang kinuha ni Gani ang kamay ko sa kaniya kaya napatigil siya sa pagsasalita. Napatingin naman kami rito pareho.

Seryosong-seryoso na ang mukha nito at ang lamig ng tingin kay Leigh. "Hindi namin kailangan ng tulong kaya maaari ka nang magpatuloy sa iyong paglalakbay."

Nangunot naman ang noo ko. "Eh 'di ba, sabi mo, makikisakay na lang tayo kapag may dumaan na sasakyan? Sakto rin at makakalibre na tayo sa lakad dahil doon din sila papunta."

Pinanlakihan naman niya ako ng mga mata. "Ibang sasakyan ang aking tinutukoy." Halatang gusto niya na tanggihan ko rin si Leigh.

Napasimangot naman ako. Gusto niya pang maglakad kami eh inaalok na nga kami nito na makisabay. Kainis!

"Hindi rin kaagad tayo maaaring magtiwala nang basta-basta lalo na sa mga maheya at hindi ko rin nanaisin na magkautang na loob tayo sa isa sa kanilang lahi," dagdag niya pa at matiim pa ring nakatingin kay Leigh. "Isa pa, sinabi mong kabilang ka sa lahi ng mga gumagamit ng mahika ngunit ni hindi mo man lamang magawang makabukas ng portal patungo sa mundong iyon?"

Akala ko, ma-o-offend ito pero napakamot lang 'to ng batok saka nahihiyang ngumiti. "Tama ka naman doon ngunit aking aaminin. Hindi ako isang purong maheya kaya mahina lamang ako at hindi ko nagawang mapagtutunan ang pagbubukas ng portal. Dahil doon ay nakaasa lamang ako sa lagusan ng Sphynx at sa kwintas naman na ito na naipagawa ko sa kapwa ko maheya upang makabalik dito sa Sargus." Ipinakita niya ang suot niyang kwintas na may transparent na bilog na pendant.

Napahigpit naman ang hawak ni Gani sa kamay ko pero seryoso pa rin ang mukha niya.

"Kaya lamang naman ako bumalik dito sa Sargus ay upang kumuha ng mga bagay na ito." Binuksan niya ang sling bag niya at ipinakita ang laman n'on sa'min. Nanlaki naman ang mga mata namin pareho ni Gani nang makita ang maraming gold at silvers doon na kumikinang pa sa pagtama ng sikat ng araw. Nakabar shape din ang mga 'yon.

"Waaahh..." namamangha kong sabi at hindi ko magawang maisara ang bibig ko. Kung ipapalit niya 'yon ng pera sa mortal world, yayaman na kaagad siya!

"Kailangan ko itong mga ito para makapamuhay kami nang maayos sa mundo ng mga mortal," dagdag niya pa.

Napansin ko lang, kapag kay Gani siya nakikipag-usap, malalim siya managalog katulad nito pero kapag sa'kin, modern way na siya magsalita.

Tiningnan ko si Gani kung nakumbinsi na siya sa paliwanag nito ni Leigh pero halatang hindi pa rin dahil ang seryo-seryoso niya pa rin. "Naniniwala na ako na patungo ka rin sa lagusan ng Sphynx ngunit dadaan pa kami ng bayan ng Frayam bago pumunta roon." pagtanggi niya pa rin.

Queen and the Nine Tailed Fox ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon