Chapter 24 - Queen?

86 10 0
                                    

~Tagapagsalaysay~

"Q-queen... hintayin mo ako. M-magkikita na rin tayong muli." Nanghihinang naglalakad si Gani palabas ng kaniyang bahay at ang tanging pumupuno lamang sa isip niya ay ang pagpunta sa lagusan sa Sphynx. Kumakapit lamang siya sa mga pader bilang suporta sa kaniyang paglalakad at kahit na hindi pa siya ganoong magaling ay wala nang makapipigil sa kaniya na maglakbay papuntang lagusan upang tuparin ang pangako niya kay Queen na pupuntahan niya ito sa mundo ng mga mortal.

"Ginoo!" tawag sa kaniya ng nakahanap sa kaniya na si Hilva, ang pinuno ng kaniyang mga tagapagsilbi ngunit hindi niya ito pinansin. Kasunod din nito ang iba pa niyang mga tagapagsilbi na lubos na nag-alala sa kaniya nang bigla siyang mawala sa kaniyang silid.

Nang maabutan siya ng mga ito ay kaagad na hinarang ang daraanan niya at dumipa pa si Hilva upang mapigilan lamang siya. "Ginoo! Hindi pa kayo maaaring magkikikilos lalo na at maglakbay dahil hindi pa ganoong nakababawi ang inyong katawan!" determinadong sabi sa kaniya nito.

Matalim naman niya itong tiningnan. "WALA AKONG PAKIALAM! TUMABI KAYO!" malakas na sigaw niya rito at pilit na nilagpasan ang mga ito ngunit hinaharang pa rin siya ng mga ito.

"Ngunit ginoo—"

"Sinabi nang wala akong pakialam! Batid ko na ilang araw na lamang mula ngayon ay magbubukas na ang lagusan papunta sa mundo nila Queen! Umalis na nga rin si Leighnus upang magtungo roon! Ang isang iyon! Nangako siya sa akin ngunit iniwan niya ako rito!" Nagtatagis na ang mga bagang niya dahil hindi tinupad ni Leigh ang pangako nito sa kaniya na isasama siya nito sa lagusan kahit pa nasa ganoon siyang kalagayan.

Alam niyang nakaalis na ito dahil nang magising siya, kahit hinang-hina ay hinanap niya ito sa silid kung saan muna ito tumutuloy ngunit wala na ang mga gamit nito roon. Natanto niya kaagad na umalis na ito para maglakbay patungong lagusan. "Kung hindi ako aalis ngayon, hindi ko na maaabutan ang daan patungong mundo ng mga mortal. Iyon ang hinding-hindi ko hahayaang mangyari!"

Sinubukan niya pa ring lagpasan sila Hilva ngunit hindi pa rin siya nagtagumpay. "Kung ipipilit mo na maglakbay sa gan'yang kalagayan ginoo, maaaring mawalan ka lamang ng buhay! Hindi naman nanaisin ni binibining Queen iyon dahil tuluyan ka na talaga niyang hindi makikita kahit na kailan!"

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito na tila siya natauhan ngunit biglang kumirot ang dibdib niya dahil sa hindi pa hilom na sugat doon kaya napangiwi siya at nawalan ng lakas ang mga tuhod niya kaya napakapit siya sa balikat nito. Kung hindi ay matutumba siya sa sahig.

"Ginoo!" nag-aalalang inalalayan kaagad siya ng mga ito. Iniakbay naman kaagad ni Hilva ang braso niya sa balikat nito upang masuportahan ang pagtayo niya at ang iba ring mga tagapagsilbi ay nakaalalay sa kanila. "Kailangan na nating bumalik sa iyong silid upang ipagpahinga muli ang iyong katawan. Kailangan mo pa ng ilan pang mga araw upang magawa mo na muling makalakad nang maayos ginoo."

Kahit gusto niyang kumawala sa mga ito ay wala namang lakas ang katawan niya para magawa iyon kaya hindi niya na napigilang maluha sa pagkadesperado. "N-ngunit Hilva... Pakiusap. Dalhin n'yo ako sa lagusan..." humihikbi na niyang sabi. "Labis na akong nangungulila kay Queen. Gustong-gusto ko na siyang makita... at nangako rin ako sa kaniya na pupuntahan ko siya sa kanilang mundo pagkabukas ng lagusan. Mag-aalala siya nang lubos kung hindi ko matutupad ang pangako ko sa kaniya... at maaaring maisip niya rin na baka... baka wala na ako." Napapikit siya nang mariin sa pagluha habang naiisip ang labis na pagluha ni Queen dahil sa hindi niya pagpapakita rito gaya ng kaniyang pangako.

Bilang pagpapalakas ng kaniyang loob ay nginitian siya ni Hilva. "Sa bagay na iyon ginoo, siguradong kapag nagkita sila ginoong Liegnus at binibining Queen, ipararating naman nito kung ano ang dahilan kung bakit hindi mo siya kaagad siya napuntahan doon. Sa pagbubukas muli ng lagusan, hinding-hindi ka na namin pipigilan ginoo dahil batid namin na kaya mo nang maglakbay muli."

Queen and the Nine Tailed Fox ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon