Kinabukasan ng gabi...
Kinatok ni Eirin ang pinto ng silid ni Isagani. "Isagani, papasok ako ng iyong silid." paalam niya at binuksan na ang pinto nito. Naglakad siya palapit dito at ito naman ay nakatalikod ng higa. "Isagani..." tawag niya rito ngunit hindi ito umimik.
Batid niyang hindi ito tulog at halatang nagmumukmok lamang. Umupo siya sa bandang likuran nito at hinawakan ang braso nito. "Isagani batid kong pagiging makasarili ang hihilingin ko sa iyo na ito... ngunit maaari mo ba akong samahan sa may Sentro? May selebrasyong magaganap doon at nais kong matunghayan ang pagtugtog ng mga babaeng Gisune. Isa pa'y napakatagal na rin nang magkasama tayo sa ganoong kaganapan kaya hiling ko ay mapagbigyan mo ako."
Hindi ito gumalaw sa pagkakahiga. Akala niya ay hindi siya nito papansinin ngunit nagsalita rin ito ilang saglit lamang. "Paumanhin Eirin ngunit hindi maganda ang aking pakiramdam." matipid na pagtanggi nito.
Napahinga naman siya nang malalim. "Naiintindihan ko. Kung gayon ay ako na lamang ang mag-isang pupunta roon." malungkot na sabi niya at tatayo na sana nang lingunin siya nito nang kaunti.
"Tumakas ka lamang ba sa inyo?"
Nahihiyang napangiti naman siya. "Ganoon na nga."
Ito naman ang napahinga nang malalim at napilitang bumangon na ng higa. "Ihahatid na kita pauwi." Tumayo na ito kaya napatingala siya rito.
Walang emosyon ang mukha nitong inalok ang kamay sa kaniya para tulungan siyang makatayo. Napangiti naman siya at ibinigay na ang kaniyang kamay rito.
* * *
Naglalakad na sila pabalik ng bahay nila Eirin nang masalubong nila ang ilang mga babae at lalaking batang Gisune na nakasuot ng magaganda at makukulay na kasuotan. Nakapinta ang masasayang ngiti sa mga ito na halatang nasasabik sa kung saan man tutungo.
Napatigil sa paglalakad si Eirin at napasunod ang tingin niya sa mga ito. "Siguradong pupunta sila sa Sentro upang sumali sa selebrasyon doon." bakas ang inggit sa kaniyang tinig. "Masayang-masaya talaga ako na kahit nagkaroon ng magkasunod na pag-atake sa ating bayan ay mabilis naman ang pagbangon at pagiging masigla muli ng mga Gisune. Salamat Isagani dahil sa pagsasakripisyo mo ng iyong kasayahan para lamang protektahan kami. Maraming-maraming salamat talaga." Yumuko pa siya kay Gani sa lubos na pagpapasalamat.
Hindi naman ito kaagad umimik ngunit hinawakan nito ang braso niya kaya napaangat muli ang tingin niya rito. "Saglit lamang tayo sa Sentro tapos ay ihahatid na kita sa inyo." Wala pa ring emosyon sa mukha nito.
Kahit na ganoon ay lubos siyang natuwa dahil napapayag na rin niya ito sa wakas kaya sinsero siyang ngumiti rito. "Salamat Isagani."
Naglakad na sila pareho patungo ng Sentro gaya ng kaniyang hiling.
Pagkarating nila ng Sentro, tila walang nangyaring pagsalakay sa kanilang bayan sa ganda ng pagkakadisensyo sa lugar. Maraming mga Gisune ang nakasuot ng makukulay na kasuotan at mga nakaayos. Marami sa mga ito ay mayroong hawak na pakahon ang hugis na makukulay at nagliliwanag ang loob. Dahil sa mga iyon ay mas lalong gumaganda at sumisigla ang paligid.
"Ang ganda..." namamanghang sabi ni Eirin nang mapagmasdan ang paligid. Nasasabik na naglakad ito palapit sa isang tindahan ng makukulay na kahong maliwanag at agad naman niya itong sinundan dahil nag-aalala siya na baka kung anong mangyari rito.
Napansin niya na sumisigla na ang katawan nito na kinakaya na nitong maglakad nang walang alalay. Lagi na kasi itong naglalakad-lakad sa pagbisita sa kaniya noong wala pa siyang malay at dahil doon ay lumalakas na ang katawan nito.
Nang makalapit na siya rito ay kausap nito ang nagbibili ng makukulay na pailaw. "Kapag humiling kayo nang buong puso sa liwanag na nililikha ng bagay na ito at inyo itong pinalipad sa kalangitan, maaaring magkaroon ng katuparan ang inyong hiniling," wika niyon at labis naman na natuwa si Eirin sa nalaman.
BINABASA MO ANG
Queen and the Nine Tailed Fox ✔
FantasySa mundo ninyong mga mortal, ako ang iyong tagasunod ngunit dito sa aming mundo... ...ikaw ay alipin ko. -Isagani Simeon Sa pagsikat nang sobra ni Queenzie Ruiz na kinilala nang Queen sa pagkanta, kinain na siya ng kasikatang iyon at sumama ang ug...