Hindi ko masabi kung kanina pa siya nakatayo at nakikinig sa tugtog o kararating lang niya. Nakatingin lang kasi siya sa amin ng tahimik na parang nag-oobserba.
Narinig ko ang malakas na palakpakan ng mga nasa paligid ko pagkatapos.
"Joaquin, naparito ka?" Tanong ni señor Juancho sa heneral.
Sabay-sabay namang bumati ang mga kasamahan namin at nagbigay pugay sa presensya ng heneral. Nang mapansin kong nakatingin sila sa gawi ko ay alinlangan ko silang nginitian at bumati sa lalaking nasa harapan ng hindi tumitingin sa kanya. "Magandang tanghali, mahal na heneral." Kita ko naman ang pagtango nito kahit hindi ako nakatingin ng diretso.
Tumikhim muna ito bago nagsalita. "Naparaan lamang ako upang personal na ibigay ang imbitasyon galing sa gobernador-heneral." Sabi nito kasabay ng pag-abot ng isang maliit na envelope sa señor.
Ito na nga marahil ang imbitasyon para sa pagbabalik ng gobernador-heneral galing sa Espanya. Base sa ala-ala ni Aurora ay magaganap ang pagdiriwang na ito dalawang araw mula ngayon.
Nakita ko ang pagkunot noo ng señor. Hindi ko malaman kung nagpapapansin ba itong si heneral (which is alam ko namang imposible) o sadyang inoobserbahan niya lang ang galaw ng pamilya namin dahil alam ko sa mga araw na ito ay nagdududa siya sa ikinikilos ng pamilya ko. Kung hindi ito nagdududa ay pwede niya naman iutos sa kartero ang pagpapadala ng sulat pero imbes na ipadala iyon ay siya na mismo ang nag-abala.
"Halina sa terasa at doo'y mag-usap." Paanyaya ni señora Constancia sa aking ama at sa heneral. Tahimik lang itong tumango. Bago pa man sila umalis ay saglit na nabaling ang paningin nito sa akin atsaka dumiretso ng lakad pagkatapos.
"Naku Aurora, huwag ka nang umasa na iibigin ka ng heneral." Tawag pansin ni señora Luisita sa gilid ko. Mangha akong napatingin sa kanya dahil sa isang sulyap ko lang ay nakikilala ko agad siya maging ang mga tao kanina. Siya ang matalik na kaibigan ni señora Constancia, ng aking ina.
"Paano ninyo nalamang-" Hinampas ako nito sa balikat. Aray ha?
"Ikaw talagang bata ka. Hindi ba't bali-balita na ikaw ay may pagsinta sa heneral? Hindi ba iyon totoo?" Pabulong nitong sabi sa akin habang nakatago ang bibig sa hawak na pamaypay nitong yari sa abaniko.
Pagkasabi niyang iyon ay awtomatikong napatingin ako sa gawi ng aking ama at ng heneral na ngayon ay seryosong nag-uusap sa terasa habang ang aking ina ay abala sa paghahain ng panghimagas sa mesang yari sa puno ng narra.
Malalim na tingin ang ipinukaw ko sa heneral. Para akong nabigyan ng pagkakataon para matitigan ng maigi ang kakisigan ng kanyang ayos suot lamang ang uniporme nitong puti na napupunuan halos ng mga tsapa.
Akala ko lang noon ay walang gwapo na nag-eexist sa panahong ito pero mukhang nagkamali ako. Marahan kong sinipat ang kabuuan niya mula sa makapal at salubong nitong kilay, matangos na ilong, mapula nitong mga labi, hanggang sa perpekto nitong panga.
Napakuyom ako ng kamao.
Hindi na dapat pinapansin pa ang mga ganitong bagay, Aurora. Hindi ka marupok!
Marahan kong ipinilig ang ulo kasabay ng huling sulyap dito.
Para bang napansin nito na may tumitingin sa kanya kaya't napatingin din ito pabalik sa akin. Awtomatikong napaiwas ang tingin ko pabalik sa gawi ni señora Luisita na taas-kilay din nagmamasid sa galaw ko.
Mariin akong napalunok sa sariling laway at kaagad na sumagot.
"Hindi po! Maling balita po yata ang mga narinig ninyo." Nayayamot kong sagot dito.
"Marahil." usal nito na halatang hindi naniniwala base sa mapang-asar nitong ngiti.
"Hindi mo ba nabalitaan?" Tanong muli nito. Hindi talaga ito nauubusan ng mga chismis sa katawan dahil kilala ito sa buong bayan bilang chismosa. Pinipigilan ko ang sarili na h'wag mairita dahil magiging sanhi lang ito ng away lalo na at conservative ang mga matatanda sa panahong ito.
BINABASA MO ANG
Heneral, Iniibig Kita
Ficção HistóricaPaano kung mula sa modernong henerasyon kung saan nauuso ang teknolohiya ay mapupunta si Aurora sa ika-18 siglo sa ilalim ng pamumuno ng bansang España, makabalik pa kaya siya lalo na kung makikilala niya ang malupit na binatang heneral ng San Carlo...