"APRIL!"
Napatingin si April sa kaibigang si Megan nang makita ang nagmamartsang pagpasok nito sa loob ng bahay ng mga magulang niya sa Quezon City. Ilang araw na rin siyang pansamantalang tumutuloy doon. Ipinatong niya ang hawak na libro sa mesa at nginitian ang kaibigan.
Lumapit ito sa couch na kinauupuan niya at naupo roon. "Kung hindi ko pa kinontak si Tita Rose ay hindi ko pa malalaman kung nasaan ka," may pagkainis na sa tinig nito. "Ilang araw kang hindi pumapasok sa coffee shop at nag-aalala na ang mga staffs doon. Hindi rin kita matawagan."
Iniiwas niya ang tingin dito. "Nasira ang phone ko," sagot niya. "Kumusta na ang café?"
"Ano bang nangyari sa iyo, April? Ikinuwento sa akin ni Raine ang napag-usapan niyo noon," bahagya na namang huminahon ang boses ni Megan. "Dahil ba sa lalaking iyon kaya ka nagkakaganito? Bakit pati kami pinagtataguan mo?"
Sumibol na naman ang mga luha sa mga mata niya pagka-alala sa mga nangyari nitong nakaraang mga linggo. "I'm sorry," bulong niya, tuluyan nang napaiyak. "S-Sobrang sakit kasi, eh."
Inabot siya ni Megan at niyakap ng mahigpit. Tuluyan na siyang napahagulhol. "Kung ganoon, susuko ka na?" pabulong na tanong nito. "Hindi mo na ba ipaglalaban iyang nararamdaman mo?"
Nag-angat siya ng tingin dito, hilam na sa luha ang mukha niya. "Kapag itinaya ko ang puso ko para sa pagmamahal na ito, masasaktan ako. Gusto kong patuloy siyang makita," tumango-tango pa siya. "Gusto ko siyang makasama pero alam kong hindi puwede. Mas lalo lang akong masasaktan kung patuloy akong aasa, kung patuloy akong lalapit sa kanya at ipagpipilitan ang sarili ko gayong alam ko namang wala ring mangyayari," bahagya siyang lumayo kay Megan at pinunasan ang mga luha.
"It was better to let this feeling go. It's hard, yes. Pero mas mahirap naman kung patuloy kong panghahawakan ang pagmamahal na ito. He loves someone else at ikakasal na sila," pagpapatuloy niya. Pinilit niyang patatagin ang sarili kahit na patuloy lang na nadudurog ang puso niya. "Ayoko ng manggulo. Ayokong manira ng relasyon."
Tumango-tango na lamang si Megan. Alam niyang wala rin naman itong magagawa sa magiging desisyon niya.
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila bago siya muling nagsalita. "Can I ask you a favor, Megan?"
Tumingin ito sa kanya, hinihintay siyang magpatuloy.
"Puwede bang ikaw muna ang humawak sa coffee shop?" pagpapatuloy niya.
"B-Bakit?" hindi makapaniwalang tanong nito.
Sumulyap siya dito at malungkot na napabuntong-hininga. "I'm leaving this country next week," she replied. "Sasama ako kina Daddy at Mommy papuntang Japan. Balak na mag-produce ng pelikula doon ni Daddy at magbakasyon na rin. Gusto rin nila na doon ko na ituloy ang pag-aaral ko ng culinary. Kaunting buwan na lang din naman at matatapos na ako," kinagat niya ang pang-ibabang labi. Ayaw niya ng umiyak. Tama na. "Pumayag na rin ako dahil gusto ko na rin makalimot. I want my life back. Iyong wala akong nararamdamang ganito katinding sakit."
Napayuko si Megan. "Hindi ko gustong umalis ka, April. Siguradong mami-miss ka namin, pero..." humugot ito ng malalim na hininga bago nagpatuloy. "Hindi rin naman namin gustong makitang patuloy kang nasasaktan. Kung iyan ang desisyon mo, sige, ako na muna ang bahala sa coffee shop," tumingin ito sa kanya at ngumiti. "Basta siguraduhin mong babalik ka at maayos ka na."
Ginantihan niya ang ngiti nito at tumango. She would try. Gagawin niya ang lahat para makalimot at para maibalik ang masayang takbo ng buhay niya noon. Noong hindi niya pa nakikilala si Andrew at hindi niya pa ito minamahal.
BINABASA MO ANG
[Completed] Sweet Coffee Princesses Book 1: April, The Reluctant Cupid Princess
RomanceHindi alam ni April kung ano ang pumasok sa isipan niya at pumayag siya sa hiling ng lalaking bigla na lang pumasok sa coffee shop nila isang araw. Humihingi ito ng tulong para sa balak nitong panliligaw sa isa sa mga kaibigan niyang si Cheska. Wala...