Six months later...
ITINIGIL ni April ang mga paa at tumingala para makita ang purple flowering trees na nakahilera sa itaas para mapaganda ang garden na iyon. Naroroon siya ngayon sa pinaka-paborito niyang tourist spot na Wisteria Tunnel na nasa Kawachi Fuji Gardens, Kitakyushu, Japan. This place never failed to make her feel at peace. Palagi niyang dinaraanan ang lugar na ito tuwing pauwi na siya mula sa culinary class niya.
Napangiti siya at napabuntong-hininga. Matagal-tagal na rin siyang nananatili sa bansang ito at masaya siya dahil mukhang unti-unti na naman siyang nakakalimot. Hindi magtatagal ay matatapos na rin siya sa kursong kinukuha at makakabalik na siya sa Pilipinas. Sisiguraduhin niyang maayos na siyang makakabalik sa bansang iyon.
Ilang minuto pa siyang nagtagal sa lugar na iyon hanggang sa mapagpasiyahan niyang umuwi na. Malimit ay nilalakad niya na lamang ang daan pauwi sa apartment na tinutuluyan niya dahil hindi na naman kalayuan iyon. Ikinuha siya ng apartment sa lugar na ito ng mga magulang niya simula nang umuwi na ang mga ito sa Pilipinas tatlong buwan na ang nakararaan dahil sa mga trabahong naiwan doon.
Madalas ay tumatawag ang mga ito sa kanya para mangumusta, ganoon din ang mga kaibigan niyang sina Megan at Raine. Kung anu-anong mga balita ang ikinu-kuwento ng mga ito tuwing tumatawag at masaya naman siyang makausap ang mga ito. She missed them so much. Marami naman siyang naging kaibigan sa bansang ito pero hindi pa rin talaga mapapantayan ang samahan nilang tatlo. Miss niya na rin ang paghawak ng coffee shop nila at maging ang mga empleyado niya doon.
Pagkarating niya sa apartment na tinutuluyan ay nagtaka pa siya nang may makitang bouquet ng purple tulips sa paanan ng pinto. Kinuha niya iyon at nagpalinga-linga sa paligid. Wala naman siyang napansing kakaiba roon maliban sa mga taong dumadaan. Sino kaya sa mga iyon ang nag-iwan ng mga bulaklak na ito dito?
Tinitigan niya ang hawak na mga bulaklak at napangiti. They were so beautiful. Hindi niya alam na makakakita siya ng ganitong bulaklak dito.
Muli niyang iginala ang paningin sa paligid para alamin kung may nagmamasid sa kanya subalit wala talaga. Nagkibit-balikat na lamang siya at pumasok na sa loob ng apartment. Siguro ay may secret admirer na siya ngayon.
Napatawa siya at napailing sa naisip. Sino naman kaya sa mga kaklase at kakilala niya ang taong iyon?
BINABASA MO ANG
[Completed] Sweet Coffee Princesses Book 1: April, The Reluctant Cupid Princess
RomansHindi alam ni April kung ano ang pumasok sa isipan niya at pumayag siya sa hiling ng lalaking bigla na lang pumasok sa coffee shop nila isang araw. Humihingi ito ng tulong para sa balak nitong panliligaw sa isa sa mga kaibigan niyang si Cheska. Wala...