PASADO alas-siete na ng gabi nang matapos ang culinary class ni April nang araw na iyon ng Sabado. Dumeretso muna siya sa coffee shop nila sa Ortigas dahil hindi pa naman niya gustong umuwi. Pagkapasok niya sa loob ng shop ay agad siyang sinalubong ng isa sa mga staffs na naroroon.
"Ma'am, mabuti naman po at dumaan kayo dito," ani staff, tila nakahinga pa ito ng maluwag sa pagkakita sa kanya.
Kumunot ang noo niya. "Bakit? May problema ba?"
"Wala naman po," umiling pa ito. "Kanina pa po kasing hapon may naghihintay sa inyo. Sinabi ko na po sa kanya na nasa culinary class niyo kayo at malamang na hindi dumaan dito pero hindi pa rin po siya umaalis," pagkasabi niyon ay itinuro nito ang isang table sa pinakasulok na bahagi ng shop.
Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makita ang pagkaway sa kanya ni Andrew. Bakit ito naririto? Humugot muna siya ng malalim na hininga bago nagpasalamat sa staff at lumakad palapit sa table ng lalaki.
Kani-kanina lang habang nasa klase siya ay ito ang iniisip niya dahil naalala niyang kaarawan ngayon nito. Gusto niya itong batiin sa text pero hindi niya nagawa dahil nahihiya siya. Hindi niya inaasahan na makakaharap niya ito ngayon.
Umupo siya sa katapat nitong silya. "Anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat nagse-celebrate ka ngayong kaarawan mo?" tanong niya.
Napangiti si Andrew. "Naaalala mo pa pala," masayang wika nito. "Kagagaling ko lang sa trabaho kanina kaya naisipan kong dumaan dito. Katatapos lang ba ng klase mo?"
Tumango siya. "Pasalamat ka at dumaan ako dito bago umuwi sa bahay."
Napakamot ito sa ulo. "Hindi kita nagawang padalhan ng mensahe dahil baka makaabala ako sa klase mo kaya naghintay na lang ako dito. Mabuti na lang talaga at naisipan mong dumaan," tumawa pa ito.
Sinabayan niya ang pagtawa nito. "Bakit mo naman ako hinihintay? Huwag mo sabihing balak mong mag-celebrate ng birthday dito sa shop ko?"
Umiling ito. "Gusto sana kitang imbitahin sa pad ko, kung ayos lang sa'yo?" tila nag-aalangang alok nito.
Sa pad nito? Animo'y tumigil sa paggana ang utak niya ng ilang saglit. Bakit siya nito iniimbita sa mismong pad nito?
"W-Wala akong balak na masama, April," biglaang dugtong nito nang mapansin ang pagkatigil niya.
Ipinilig niya ang ulo at sinubukang ngumiti. "H-Hindi ko naman iniisip na may balak kang masama, Andrew," pagpapakalma niya dito. "Medyo nagulat lang ako," huminto siya para humugot ng malalim na hininga. "So, you want us to celebrate your birthday there?" she guessed. Kahit pigilan niya ay hindi pa rin matigil sa mabilis na pagtibok ang puso niya dahil sa bagay na iyon.
Tumango ito at nahihiyang tumingin sa kanya. "I don't want to celebrate alone," sabi nito. "May mga binili akong lulutuing dinner pero hindi ko naman gustong kumain doon ng mag-isa. Hindi ko rin alam kung paano lulutuin iyon."
Nagdududa siyang tumingin sa lalaki. "You want me to cook for you?"
Malawak itong ngumiti. "Gusto kong malaman kung gaano ka kahusay na chef," sagot nito.
"I'm not a chef yet," she retorted.
"Soon-to-be chef," hirit pa nito.
April chuckled. "Fine," pagsuko niya. Wala rin naman siyang masyadong gagawin sa bahay at hindi pa rin naman siya nakakapag-dinner. At ayaw niya rin naman na malungkot ang lalaking ito sa kaarawan nito.
Hindi maitatanggi sa mukha ni Andrew ang saya sa pagpayag niya. Tumayo na ito at niyaya na siyang lumabas. Kinuha pa nito sa kanya ang bag na hawak para ipagdala siya. Nagpasalamat siya dito at nagtungo muna sa counter para magpaalam sa mga empleyado.
Malapit na sila sa sasakyan nila nang bigla siyang may maalala. "Hindi pa ba bumabalik si Cheska?" tanong niya.
Napatigil ito sa paglalakad at humarap sa kanya. "Hindi pa," sagot nito. "Pero nagpadala siya ng message kaninang umaga. Binati niya ako."
Tumango siya at ngumiti. "Mabuti naman kung ganoon."
Ngumiti ito at muling nagpatuloy sa paglalakad. "Susundan mo na lang ba ang sasakyan ko?" tanong nito.
"Oo," maikling tugon niya. Kinagat niya ang pang-ibabang labi nang makapasok siya sa loob ng sariling sasakyan. Hindi niya pa rin magawang paniwalaan na pumayag siyang magpunta sa pad ng isang lalaki. Ipinikit niya ang mga mata at pilit kinakalma ang nagwawalang puso. It's okay, April. There's nothing wrong with it. Kaibigan niya naman ito at sigurado namang wala itong gagawing masama sa kanya.
BINABASA MO ANG
[Completed] Sweet Coffee Princesses Book 1: April, The Reluctant Cupid Princess
RomanceHindi alam ni April kung ano ang pumasok sa isipan niya at pumayag siya sa hiling ng lalaking bigla na lang pumasok sa coffee shop nila isang araw. Humihingi ito ng tulong para sa balak nitong panliligaw sa isa sa mga kaibigan niyang si Cheska. Wala...