Written: February 02, 2019
Hinaplos ng liwanag ang balat,
Nagliwanag ang kalangitan sa mga ala-alang kumalat,
Tila isang lasong sumusugat,
Sa aking pusong pinintahan ng lamat,
Tayo’y isang alamat,Sa panahon ay isinulat,subalit sa dulo’y mananatiling mayroong wakas,
Nagwakas dahil sa bagong panimula,
Sinimulan para tapusin at lagyan ng gitna,Tayo’y isang alamat,
Parehas ng daang tinatahak
Pinag-isa subalit muling hinati sa dalawa,
Tayo’y isang alamat mahal,
Minahal mo ako’t minahal kita,subalit tayo’y hindi para sa isa’t-isa
Tayo’y isang alamat,
Mga mandirigma ng pag-ibig,
Kung saan hindi lahat ay pinapalad
Kung saan hindi lahat umaabot sa himakas
Kung saan hindi lahat ay malakas,
Tayo’y isang alamat,
Binigyang kulay ng itim na tinta,
Ipininta sa hangin at nawala,
Pinaglayo at nangulila
Pinaglapit para sa katapusan ng kabanata
Nagmahalan para sa wala,
Pero isa tayong alamat mahal ko,
Muling isusulat at irerebisa,
Pupunasan ang kumalat na tinta,
Ikakalat sa kalawakan ang mga ala-ala
Ikakanta ng hangin ang ating istorya,
Kaya’t ako’y samahang sumulat,
Burahin ang bakas ng bawat lamat,
At hilahin ang punyal na tinarak,
Mahal tayo’y isang alamat
Samahan sa aking mga litanya,
Muling isulat ang istoryang minsang sinira ng tadhana,
Muling pagtatagpuin ang mga mata,
At muli ang mga puso ay mag-iisa,
Tayo’y isang alamat,
Mahal ko, kaya’t sana ako’y samahan mo