Pagtimbang sa bigat ng kaniyang kalayaan

42 8 2
                                    

Niyayakap na ng kaniyang balat ang mga palo't lapnos,
Ang dilim sa anino na dulot ng pagtatago niya sa araw,
Ang pagpapatangay sa duyan na naging kaniyang kanlungan,
Naroon siya't nawawala sa kaniyang sariling pag-iisip

Sumisigaw siya sa sakit ng kaniyang pagiging sanay,
Sa mga palo na kaya namang pagtakpan ng kaniyang pagtawa,
At pagsigaw upang pakawalan ang nananatiling sakit ng kaniyang pagiging sumpa,
Sa habang-buhay na kakitiran ng kaniyang mundo

Ngunit isa lang ang nasisigurado ko,
Inosente siya sa pagbigat ng timbangan sa kaniyang mga kamay,
Wala siyang kasalanan sa pagkasilang nang walang tinig sa pag-intindi,
At maunawaan ang pawalan niya ng pang-unawa

Simple lang siyang bata kung titingnan sa malayuan,
Kung tutuusin pa nga'y mapalad mula sa epidemya ng lipunan,
At bilang taga-masid ng sarili niyang problema,
Hindi siya malas sa pananatili sa hugis kahon niyang mga paa,

Ngunit maswerte nga ba siya sa parte ng kaniyang pagiging mangmang?
Habang tumatagos sa mga rehas ng kawayan ang kawalan niya ng katatagan?
Ang paghiga sa malamig na kahoy,
Habang pinagdudusahan ang kaniyang pagiging buhay,

Sa totoo'y wala siyang kasalanan sa kaniyang pagiging hindi malaya,
At pagpapabigat sa timbangan ng mga patuloy sa kaniyang bumubuhat,
Biktima lang din siya ng katotohanan at takot sa pagkitil,
Biktimang nakakulong sa bigat sa timbangan ng kaniyang kalayaan.

#MgaArte

Mga ArteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon