Chapter 12

1.6K 35 0
                                    

Binalikan niya si Jayden sa kuwarto. Tulog pa rin iyon at napansin niyang namamaluktot sa ginaw. Kaya’t pinatay niya ang bentilador na nakatutok sa higaan. Hinawakan niya ang noo nito. Mainit nga iyon, nilalagnat.

Naiinis naman siya sa sarili dahil kinuha niya pa ang kumot. Natigilan siya kung ano ba itong ginagawa niya. Isang lagnat lang ni Jayden, naghilom na ang sakit niya sa mga ginawa nito? Kaya’t binato niya ang kumot sa mukha ni Jayden at saka tumalikod  para lumabas ng kuwarto. Pero kaagad namang nagkamalay si Jayden sa ginawa niyang iyon kaya’t tinawag siya.

“Saan ka pupunta?” malamyang tanong ni Jayden sa kanya.

“Kukuha ng makakain,” sagot niya na hindi ito hinaharap at nagpatuloy nang pumunta sa kusina.

Naghanda siya ng pagkain, para lang sa sarili niya. Wala naman siyang pakialam sa lalaking kinakarma na sa lagnat doon sa kuwarto. Galit siya dito. Pero hindi naman siya ganoon ka-manhid para hindi maalala na dati din siyang inalagaan nito noong nagkasakit siya.

Gabi-gabi ring nasa bahay nila si Jayden para ipagluto siya. At isa rin iyon sa dahilan kung bakit niya lalong nagustuhan ito, dahil naging maalaga din ito sa panahong may sakit siya. Pero ngayon, alam niyang kasama lang iyon sa plano upang makuha nito ang loob niya.

Marahil nga nagwagi na si Jayden sa plano dahil hindi pa man siya nito iniiwan ay abot-abot na ang sakit na nararamdaman niya. Nasasaktan pa rin siya.

Simula sa una, siya lang pala ang nagmamahal. Siya lang ang totoong nakaramdam ng kilig. At alam niyang siya lang ang umasa sa magandang future nila.

Pero, hindi na niya mababago ang damage na dinulot ni Jayden. Ang kaya na lang niyang gawin ay saktan na lang din ito. Kung natalo siya nito, hindi niya hahayaang hindi rin ito makaramdam ng pagkatalo at pagkabigo. Kumuha ulit siya ng ready-to-eat na soup sa kusina.

“Kain na,” pag-aalay niya kay Jayden na sumunod naman sa kanyang bumangon at umupo. Sinubuan niya din ito. Iniiwas niya ang tingin kay Jayden kahit pa alam niyang titig na titig ito sa kanya. Kaya’t nang hindi na ibinuka ni Jayden ang bibig nito sa pagsubo niya, hindi niya naiwasang tingnan ang mga mata nito.

“Salamat my gorgeous nurse,” ngiti nito sa kanya. Kaagad naman siyang yumuko at naibalik ang hawak na kutsara sa mangkok.

“Ikaw,” pingot niya sa tenga ni Jayden. “Ano bang pumasok sa isip mo at pumunta ka pa dito? Nagpapakitang gilas ka ba talaga?”

“Alam mo namang hindi kita matiis.”

“Talaga?” plastick niyang ngiti. “Pwes, hindi ka water proof. Walang exempted sa sakit, pati sa karma! ‘Di ba? Kung ako sa’yo magpapagaling talaga ako para mas mapagpatuloy ko pa ‘yung mga plano ko sa buhay.”

“Ano naman ‘yung mga plano mo?”

“Marami! Ikaw, ano bang plano mo... sa’kin?” pasimple niyang pag-uungkat kahit na alam niyang hindi naman nito sasabihin ang mga narinig niya.

“Marami din!” tipid lang na sagot naman ni Jayden.

“Of course, yan naman talaga ang sasabihin mo.”

Nagpatuloy lang si Clarie sa ginagawa niyang pag-aalaga kay Jayden kahit pa sa likod noon ay gusto niyang baligtarin ito. Iyon ang plano niya. Sisikapin niyang makuha din ng totoo ang loob nito at mahulog para sa kanya. Papaibigin niya ito at sa huli ay sasaktan. Wala na siyang pakialam kung maging isang palabas na lang ang relasyon nila dahil sa mata ng ibang tao at pamilya nila, nagmamahalan sila kahit na ang totoo they’re just both busy capturing each of their hearts for win.



“O? Iba na naman ang password mo?” gulat na tanong ni Jayden kay Clarie nang hiramin nito ang cell phone ng girlfriend. Dinalaw siya nito saglit sa pinapasukan niyang kompanya. Inaya siyang mag-lunch malapit lang din sa kinakainan nila ng mga katrabaho niya. Bumalik na naman ang energy nito dahil humupa na ang lagnat. Kaya si Clarie mas dapat pa niyang galingan ang pag-arte.

A Bittersweet RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon