Chapter 18

1.8K 45 0
                                    

Buti na lang at bakante ang gabing ito para kay Jayden. Wala ring naka-schedule na guest band kaya’t may katahimikan ang paligid. Habang karamay ang isang bote ng alak sa mesa, may biglang sumalo sa mesa niyang isang lalaki. May kalakihan ang katawan lalo na ang tiyan, may kataasan rin, at may tikas pa rin ang itsura kahit na may katandaan na rin ito kumpara sa kanya. Ang akala nga niya’y nakita na niya ito dati pero nang titigan niya’y mali pala siya. Hindi niya pinansin ang lalaking umupo pa sa tapat niya na hindi niya malaman kung bakit sa kanya pa ito sumalo ng mesa gayong madami pa namang bakante sa paligid. Hinayaan na lang niya kahit pa narinig niyang umorder ito ng dalawang boteng beer.

“Hulaan kong problema mo, babae ‘yan no?” sabi nang lalaki sa kanya nang ilang sandali ring tinutungga ang order nitong beer.

Bahagyang nagulat naman si Jayden nang kausapin siya nito at tumama pa ang hula nito.

Ganoon na ba siya ka-obvious sa itsura niyang iyon?

Alam naman niyang mahal pa nga siya ni Clarie bukod sa narinig niya iyon sa audio diary nito. Ngunit nang malaman niyang ang importante palang sasabihin nito sa kanya ay ipinagpapalit na siya na nito kay Bench. Hindi niya iyon nagustuhan kaya naman gusto niyang malaman kung totoo ba ang sinasabi sa kanya ni Clarie. At sa hamong ginawa niya, aminado siyang nagustuhan niya iyon.

Masaya siya dahil nagsinungaling ito sa kanya dahil ang totoo’y siya pa rin ang mahal nito. Ngunit hindi rin niya maintindihan kung bakit dito siya sa Colser dinala ng mga paa. Sa isip-isip din niya’y, parang naging komplikado lang lalo ang lahat...

Parehas ang nararamdaman nila sa isa’t-isa ngunit may napakalaking pumapagitan na alam niyang siya lang ang makagagapi roon.

Ang iniwang recording niya kay Clarie ang inaasahan niyang makapagpapalambot sa sitwasyon nila at muling makapagpanumbalik ng tamis at sigla ng relasyon nila. Pero aminado din siyang hindi niya hawak ang pagtitiwala ni Clarie sa lahat ng sinabi niya doon.

“Sa tingin ko, ‘yun talaga ang kadalasang rason ng mga lalaki kaya pumupunta sila sa mga bar,” sagot naman niya dito.

“Siguro. Kahit dati pa naman. Ang mga bidang lalaki sa mga palabas, nobela, maging mga totoong tao, at lalo na ako, ay talagang pumupunta sa mga bar kasama ang mga kaibigan para mag-saya o damayan ang isang may problema. Pero kadalasan... kung mag-isang lalaki lang ang naglalasing, babae ang pinoproblema  ‘di ba?” paliwanag ng lalaki sabay tawa.

Napangiti din naman siya sa sinabi nito. Sa tingin niya’y kagigiliwan niyang kausapin ito.

“So, ibig sabihin babae rin ang problema mo kaya nandito ka.”

“Hm... Pwede na rin. Kagaya mo?” sabay tawa ng lalaki at uminom sandali ng beer.

“Ang mga babae talaga kung minsan hirap intindihin,” sabi ni Jayden na komportable na ring nakikipag-usap sa lalaki na matiim namang nakikinig sa kanya at pinagmamasdan rin.

“Masyadong mag-react sa mga bagay-bagay, hindi naman nila alam lahat. Kung paandarin ang emosyon kung minsan nakakahawa rin. At ang mga simpleng bagay mas lalong pinapalaki pa. Hay... Ewan ko ba naman dun kay Clarie. Nagpakatotoo ako sa kanya, sa lahat ng mga ginawa ko pero parang hirap siyang paniwalaan ngayon.”

“Sinabi mo pa! Alam mo ba, ‘yung dati kong girlfriend lagi akong pinaghihinalaang may iba. Kahit wala naman, sige pa rin siya. Kaya naman para lang matahimik na siya, nagpropose na ako sa kanya. Kaya ayun, tumigil na rin siya! Pero, talagang pinaghandaan ko rin iyon hindi basta lang naisip ko na lang para tumigil siya. At sa blessing ng panginoon, masaya at maayos naman ang naging pagsasama namin ng aking asawang iyon.”

“Kung ganun na lang din kaya ang gawin ko sa girlfriend ko? Asawahin ko na lang.”

Bigla namang nasamid ang lalaki sa sinabi niyang iyon.

May masama ba siyang nasabi?

“Ayos lang ho kayo?” tanong naman niya kaagad dito.

“Oo... Nagulat lang ako sa sinabi mo. Wala kang originality, brad.”

“Biro lang naman ho ‘yun,” sabay tawa ni Jayden. “Ayoko pa rin naman ho. Kapag stable na ako at marami na akong ipapalamon sa kanya, siguro pwede na.”

“Tama! Kailangan talaga may mga naipon at naipundar na. Huwag iyong puro papairalin lang ang gusto ng katawan kaya pakakasalan ang babae. Nariyan lang ‘yang pag-ibig na yan kung nahanap na, pero alam nating hindi tayo mabubuhay ng puro damdamin lang. Kung ayaw mong mauwi sa hiwalayan ang lahat dapat ring magsumikap.”

Pakiramdam ni Jayden bukod sa usapan nila, sinisermonan na rin yata siya. Kung magsalita dinaig pa ang sarili niyang ama at lalo na ang tatay ni Clarie. Hindi pa naman siya mag-aasawa, pero  ganoon pa man tinanggap naman niya iyon dahil sa tingin niya’y nagmamalasakit lang ang lalaki sa kanya. Siguro’y hindi naging maganda ang ibang mga karanasan nito kaya nais nitong sa iba bumawi at makatulong kahit sa payo niya lang na iyon.

Madami silang napagkwentuhan na umabot rin ng mahigit isang oras. Bukambibig kasi ng lalaki ang asawa nito sa kanya kaya maging siya kahit na hindi pa naman niya asawa si Clarie ay ito rin ang ibinibida niya. Natutuwa sila sa tuwing nababanggit nilang may pagkakapareho ang mga babae ng buhay nila. Ang pagiging matapang pero iyakin naman kung minsan, pagkahilig kumanta, pagiging selosa, at syempre ang pagiging maganda, ang ilan lang sa mga iyon.

“Basta iho, kung alam mong may laban ka pa huwag kang susuko. Lalo kung alam mo ring hindi pa rin naman sumusuko iyong babae. Patunayan mong naging totoo ka sa kanya kung iyon talaga ang katotohanan. Kung kailangan mo ng kaunting tulong, tawagan mo ako. Pero... kaunting tulong lang talaga!”

Tinanggap naman ni Jayden ang maliit na papel na inabot nito sa kanya. Nakipagkamay siya rito dahil bihira ang ganitong klaseng tao na nakikilala niya. At masasabi niyang nabuhayan siya ng pag-asa kaya’t may plano na siya para maging maayos na sila ni Clarie.

Nang tingnan na niya ang binigay ng lalaki, nakasulat roon ang contact number at pati ang pangalan nito.

Nanlaki ang mata niya sa nabasa kaya’t nilingon niya ulit ang lalaking iyon na iniwan na siya.

Pero wala na iyon sa Colser kahit saan siya lumingon. Binalikan niya ulit ng tingin ang papel na may kahalong kaba.

Umasa siyang nagkamali lang siya ng basa, pero inulit-ulit niya iyon.
Mateo Eguia...

Mateo Eguia...

Sa pagkakatanda niya, sinabi ni Clarie na Mateo ang pangalan ng tatay nito. At alam na alam niyang Eguia rin ang apelyido.

At ang pamilyar na itsura, iyon nga ang tatay nito. Nag-iba ng kaunti kaya’t hindi niya talaga namukhaan pero tama pa lang pamilyar nga ito sa kanya noong una niya itong nakita. At noong makipag-usap ito sa kanya at makapag-sermon ay kaya pala ganoon na lang. Para sa kanya talaga ang lahat ng mga sinabi nito.

Isa lang ang malinaw, nagtitiwala ang tatay ni Clarie sa kanya. Ang tungkol naman sa alok nitong tulong?

“Kailangang kailangan talaga kita, future father-in-law.”

A Bittersweet RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon