Chapter 14

1.7K 40 3
                                    

Hindi alam ni Clarie kung sisipot pa ba siya sa usapan nila ni Jayden. Kahit na hindi maganda ang mga binitawan niya dito noong nakaraang gabi ay nakuha pa rin siyang suyuin nito. Kaya naman lalo lang niyang napatanuyan na sa ginawa niyang iyon ay desidido talaga si Jayden na paglaruan lang siya at patuloy na kuhain ang loob niya. Ngunit umasa din siya ng kaunti na totoong selos ang naramdaman nito sa ginawa nila ni Bench. Kung ang pagbabasehan niya ay ang mga mata nito, nagselos iyon. Pero kung sa utak nito ay puro panggap lang, hindi niya alam.

Hindi niya lubos maisip kung paanong hindi niya nalaman at nahalata ang mga pagpapanggap ng lalaki noong una. Magmula sa kung paano siya nito nabighani sa pagtugtog at pagkanta, sa mga panunuyo at pagpapatawa, maging sa mga pinagsaluhan nila bilang magkasintahan.

Naisip niyang hindi lang basta isang rocker si Jayden, isa rin itong magaling na aktor na dapat bigyan ng best actor award. Pero sa tuwing maaalala niya ang mga sinabi ni Jayden na paiibigin lang siya at sasaktan sa huli, halo-halong masasakit na emosyon ang nag-uunahan para maramdaman niya. Kung dati’y walang mapaglagyan ang saya niya, ngayo’y unti-unti siyang pinapahirapan ng sakit ng mga alaala.

“Napakasama mo Jayden,” nasabi niya habang hawak ang cell phone. Muli siyang nagsimulang mag-record sa recorder ng cell phone. Mula nang sagutin niya na si Jayden at maging opisyal na ang relasyon nila ay ginawa niyang magkaroon ng sariling diary, an audio diary actually. Tinatamad siyang magsulat noon at nang makita niya ang cell phone ng mga oras na iyon ay naisipan niyang i-record na lang. Mas makatotohanan pa para maiparamdam ang feelings niya.

“Napakasakit...” iba na ang garalgal ng boses niya. Kahit anong sandali iiyak na naman siya. Wala naman siyang pakialam dahil mag-isa lang naman siya sa sanktuwaryo niya. “Bakit ako pa? Bakit? Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon. Niloko mo lang pala ako. Pinaglaruan. Ginamit. Ginantihan! Nang marinig ko kayo ng mga walang hiya mong kaibigan gusto kitang sugurin, suntukin, hanggang sa maibuhos ko lahat ng galit sa’yo. Pero hindi eh! Nakakapanghina ang mga sinabi mo.”

Gusto niyang tawagan ang kuya Caloy niya o kaya sabihin na lang lahat sa Tita Melly niya at kay Clover ang mga dinadala niya. Pero hindi niya kaya. Ayaw niyang mag-alala pa sila. Sapat nang nariyan si Jessie at Bench na nakakaintindi sa kanya. Ipagpapatuloy pa rin niya ang plano nila ni Bench anuman ang mangyari. Kahit pa ang totoo’y hindi niya alam kung paano nga ba niya ito masasaktan dahil mukhang tinraydor din siya ng sarili niyang damdamin.

Wala naman siyang ibang ginusto kundi si Jayden lang kaya siya sobrang nasasaktan. Sariwa pa rin ang sugat sa puso niya kahit ilang araw na ang nagdaan. Ngunit sa kabila ng lahat ng sakit at lungkot, nanghinayang siya ng labis sa relasyong nabuo nila. Kahit na sa likod noon ay kasama ang motibo ni Jayden na maghiganti lang at manakit ng inosenteng babae.

“Minahal kita... At napakasakit dahil mahal na mahal pa rin kita... Ang tanga ko di’ba? Sana hindi na lang totoo ang mga sinabi mo. Sana hindi ko na lang nalaman. Kung mas naiparamdam ko pa siguro nang mas maaga ang nararamdaman ko, baka sakaling suklian mo din ‘yun ng totoo. Wala nang panloloko.”

May isang oras pa bago ang oras na pinagkasunduan nila ni Jayden. Nagpaalam siyang mag-undertime sa opisina dahil wala talaga siya sa kondisyon na magtrabaho. Pinayagan naman siya ni Bench kahit na iba ang dinahilan niya rito.

Nagdesisyon siyang pumunta sa isang park na malapit sa dating university niya. Ito ang tagpuan nila ngayon ni Jayden. Nakarating siya kaagad ng mas maaga ng bente minutos sa oras ng pagkikita. Maya-maya nga’y natanaw niya ang isang itim na kotse na pumarada sa may unahan ng park. Nagulat siya nang makitang si Jayden ang bumaba mula sa kotseng iyon.

Magmamayabang lang siguro kaya nakipagkita.
Nainis siya sa naisip. Kaya naman habang hindi pa siya nakikita ni Jayden na pumuwesto sa gawing unahan ng park ay nagpadala siya ng text message dito na hindi na siya makakapunta dahil sa biglaang meeting sa office. Dahilan lang niya iyon upang inisin ang lalaki. Mabuti na lamang at nasa may bandang dulo siya kaya’t hindi siya napansin nito.

A Bittersweet RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon