Chapter 19

1.9K 38 4
                                    

Kahit na nagdurusa pa rin ang damdamin ni Clarie sa relasyon nila ni Jayden, sinikap niyang hindi mapabayaan ang trabaho. Hindi rin naman siya nakaiwas sa mga tanong ng katrabahong si Bench dahil sinasabi nito sa kanya kung anong itsurang mayroon siya bawat araw na pumasok siya. Stressed.

Alam nitong hindi trabaho ang dahilan dahil hindi naman talaga siya nito pinahihirapan sa mga tasks niya.

Maging sa bahay ay hindi rin siya nakaligtas sa tiyahin at sa pinsang si Clover. Hindi niya sinabi ang totoong problema nila ni Jayden basta't inamin niya lang na hindi maganda ang takbo ng mga bagay-bagay sa pagitan nila.

Pasalamat naman siya dahil hindi naman balak ng mga ito na makialam sa kanila. Gaya ng dati naroon sila para sumuporta sa mga desisiyon niya. At ang kuya niya, sa wakas hindi pa rin naman nagpaparamdam sa kanya. Mabuti na rin iyon dahil hindi niya pa ito masusurpresa.

Maging kay Ate Ester na tiyahin ni Jayden ay maganda pa rin ang pakikitungo niya. Iyon nga lang nagtaka siya rito dahil minsan itong nagtanong kung dumating na ba ang tatay Mateo niya na sinagot niyang hindi pa kahit nga ang madaan lang ay wala rin. Naalala niya ang sinabi ng ama nang makausap niya ito bago ang graduation niya. Sinabi nito sa kanya na makakauwi rin ito hindi nga lang sa saktong araw ng pagtatapos niya. Pero, halos dalawang buwan na ang matatapos mula noong graduation niya ay hindi pa rin ito dumarating.

At pagdating naman kay Jayden, bihira na lang din niya itong makita. Hindi na niya nakikitang nakabukas ang bintana ng kuwarto nito. Dahil maging ang sarili niyang bintana bahagya na lang ding nakabukas. Ang mga bintanang iyon ang mga naging saksi sa mga pinagsamahan nila mula pa noong una silang magkakilala. Para itong mga puso nila, laging nakabukas para sa isa't-isa. Ngunit ngayon... unti-unti na ring nagsasara. At gaya ng puso niya, bahagya pa rin iyong nakabukas para kay Jayden kaya nga siya patuloy na nahihirapan. Pero ang puso ni Jayden nang mabisto ito sa mga panloloko, lagi na lang nakasarado gaya ng bintana nito. Naiintindihan niya iyon. Ang hindi niya lang maintindihan kung bakit nag-iwan pa iyon ng mensahe sa kanya sa audio diary niya.

Mula nang mapakinggan niya iyon, kahit paano ay nabuhayan siya ng kaunting tiwala sa lalaki. Totoong nasaktan siya ng sobra pero hindi na gaya ng dati nang marinig niya ang mensahe nito. Hindi lang dahil sa mga laman ng sinabi nito ang nakagaan ng kaunti, kundi ang sinseridad ng boses nito nang narinig niya iyon. Gusto niyang maniwala, pero paano? Hindi niya alam. Hindi niya inasahan na ang magandang simula nila ay mauuwi sa ganitong pagsubok. Kung dati napag-uusapan nila iyong panloloko, ngayon hinarap na sila nito sa totoong sitwasyon.

"Paano kong niloko mo ko kapag naging tayo na?" sabi ni Clarie na pinapanuod si Jayden.

"Ah, hindi mangyayari yan!" proud na sagot ni Jayden matapos hanguin ang mga naluto niyang cup cakes.

"Imposible! Paano kung makakita ka ng mas maganda sa akin? Mas higit sa akin?" tanong niya ulit.

"Pipikit kaagad ako para hindi ko siya makita."

"Hay... eto na naman siya, pilosopo."

"Eto naman si miss gorgeous," sabay kurot ni Jayden sa pisngi ni Clarie. "Kung mangyayari man 'yun, suntukin mo ko! O kaya bugbugin mo ako! Balewala sa'kin 'yun kasi alam kong hindi kita lo-lo-ko-hin. Sa halip, bibigyan kita ng mga cup cakes ko pagkatapos mo akong saktan! 'Di ba ang sweet ko?"

"Talaga? Buti kung madadala ako ng ka-sweetan mo?"

"Oo naman! Gaya nito... Say Ah," sabay subo ni Jayden ng cup cake kay Clarie.

"Hm... Ang sarap ah!"

"'Di ba? Imposibleng di mo magustuhan yang cup cakes ko!"

Nanghinayang si Clarie sa naalalang iyon. Pumayag pala itong suntukin niya at bugbugin sa oras na lokohin siya nito pero hindi man lang niya nagawa. Hindi niya alam kung maaayos pa rin ba ng cup cakes ang gusot na nangyari sa kanila. Sa tingin niya, higit pa sa cup cakes ang kailangan niya para mapatawad niya ito.

Habang pauwi na siya galing sa opisinang pinapasukan may biglang tumawag sa kanya kaya't napalingon kaagad siya sa gawing kanan niya. Nang makita niyang si Lance pala ang tumawag, isa sa kaibigan ni Jayden at isa rin sa mga nagpasimuno ng pagpaplanong panloloko, sana'y hindi na lang siya lumingon. Gusto na sana niyang tumalikod at lumakad ng mabilis palayo pero hindi na niya nagawa dahil nakalapit na agad ito sa kanya.

"Kamusta? Anong ginagawa mo dito?" tanong nito kaagad sa kanya na napakalaki ng pagkakangiti.

"Pauwi na ako galing trabaho," tipid niya lang na sagot at yumuko.

"Ganoon ba? Kamusta naman kayo ni Jayden? Hindi ka naman ba binibigyan ng sakit ng ulo ng kaibigan naming 'yun?" pagtatanong pa ulit nito. Ito talaga ang iniiwasan niya kaya gusto niyang umalis na lang kaagad.

"Wala na kami," diretsang sagot niya sa kausap. Sa ekspresyon nito, nalaman ni Clarie na wala pang kaalam-alam ang mga kaibigan nito sa mga nangyayari sa kanila.

"Ha?! Bakit naman? Nung huling kita natin, masaya pa kayo 'nun at nagkaayos na kayo about Karla and your songs. 'Di ba?"

"Noon 'yun, bago ko narinig mula mismo sa inyo na pinagplanuhan niyo lang akong gamitin at lokohin," mataray niyang sabi. "Sad to say... Tapos na lahat ng mga kalokohan niyo!"

Aalis na siya noon at iiwanan na si Lance pero hinarang siya nito sa daan na kaagad rin naman niyang ikinagulat.

"Nandoon ka? Hindi mo narinig lahat ng pinag-usapan namin," seryosong sabi ni Lance sa kanya. "Part ng plano lang ang narinig mo. Paano ka naman nakasigurong niloko ka nga lang ni Jayden?"

Parang isang malakas na alarm ang narinig niya nang sabihin ni Lance iyon. Napaisip siya. Hindi nga niya narinig ang simula at wakas ng pag-uusap nilang iyon. Hindi na niya naipagpatuloy pang makinig doon dahil pinangunahan na siya ng emosyon niya nang malaman ang tungkol sa plano ng mga ito.

"Kita mo?" sabi pa ulit nito sabay pamewang. "Unfair 'yun Clarie! Wala na 'yung planong 'yun. Hindi na tinuloy ni Jayden dahil rin sa'yo!"

Hindi na nakapagsalita pa si Clarie. Pakiramdam niya bigla siyang tinamaan ng kidlat ng realization lalo pa nang ikuwento ni Lance ang parteng hindi na narinig ni Clarie sa pag-uusap ng mga ito sa sanktuwaryo noon.

A Bittersweet RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon