Chapter 13

1.2K 33 3
                                    

PAGKAPASOK ni Aina sa loob ng kusina ay agad na bumilis ang tibok ng kanyang puso nang masalubong si Winston. Kanina pa siyang gising subalit hindi naman magawang lumabas. Magta-tanghali na ng mga oras na iyon. Kung hindi lang dahil sa kumukulo niyang sikmura ay baka hindi na talaga siya tuluyang lumabas ng kuwarto.

Mabilis niyang iniiwas ang tingin sa binata at dali-daling lumapit sa refrigerator para maghanap ng makakain, subalit wala namang pumapasok sa kanyang isipan. Hanggang ngayon kasi ay bumubuhos pa rin sa kanyang utak ang lahat ng pangyayari nang nagdaang gabi.

"May niluto akong agahan at pang-tanghalian," narinig niyang wika ni Winston mula sa likod na nakapagpagitla sa kanya.

Tumuwid ng tayo si Aina at isinara ang refrigerator. Sumulyap siya sa kitchen table na naroroon at nakita nga ang mga nakataklob na pagkain. "S-Salamat," iyon lang ang nasabi niya bago lumapit sa mesa.

Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil sa nararamdamang awkwardness sa harapan ng lalaki ngayon. Hindi dapat siya nagkakaganito. Subalit ano ba ang gagawin niya? Hindi pa rin siya maka-recover sa nangyari kagabi. Halos dalawang oras nga lang 'ata ang itinulog niya dahil sa kakaiisip doon.

Narinig niya ang pagtikhim ni Winston. "S-Sige, may ginagawa rin ako sa labas kanina, kumain ka na muna," pagkasabi niyon ay naglakad na ito palabas ng kusina.

Tiningnan ni Aina ang dinaanan ng lalaki. Hindi niya alam kung umiiwas din ba ito sa kanya. Napabuntong-hininga siya. Hindi niya gustong masira ang relasyon nila dahil sa pangyayaring iyon.

Ipinilig niya ang ulo at sinubukang alisin ang bagay na iyon sa isipan. Itinuon niya na lamang muna ang lahat ng atensyon sa pagkain. Mamaya ay mag-iisip siya ng paraan para maayos ang lahat hangga't maaari.

Pagkatapos kumain ay nagtungo naman si Aina sa living area para sandaling magpahinga. Hindi niya magawang magpunta sa painting room at tapusin ang ginagawang canvas dahil sa nangyari doon.

Napatingin siya sa front door nang makita ang pagpasok doon ni Winston, basang-basa ito ng pawis at tinatanggal ang gloves na suot. Agad na nagtama ang kanilang mga mata nang mapatingin ito sa kinauupuan niya. And Aina's heart went tumbling in her chest once more because of that stare. Ganoong-ganoon din ang natatandaan niyang titig na nagmula sa lalaki kagabi bago siya nito... bago siya nito halikan.

Napatayo si Aina nang makita ang paglapit ng lalaki, bigla ay nakaramdam siya ng pagkataranta. Iniiwas niya ang tingin kay Winston at humakbang palayo para sana magtungo sa sariling silid.

Subalit napatigil si Aina sa paglalakad nang maramdaman ang pagpigil sa kanyang braso. "Aina..." narinig pa niyang sambit ni Winston sa kanyang pangalan. "G-galit ka ba sa akin?"

Napalingon siya sa lalaki at nakita ang kalungkutang nasa itim na mga mata nito. Mabilis niyang ini-iling ang ulo. "N-no... h-hindi ako galit sa'yo. I-I'm just—" napabuntong-hininga siya. "I just feel awkward? I... I don't know. H-hindi dapat nangyari 'yong—" Hindi niya magawang ituloy ang sinasabi kaya minabuting yumuko na lamang.

Inilipat ni Winston ang mga kamay nito patungo sa kamay niya para hawakan iyon at marahang pinisil. "I'm sorry for what I did last night," puno ng sinseridad na wika nito. "Sabihin mo sa akin kung ano'ng gusto mong gawin ko, Aina. Gagawin ko 'yon para hindi ka mahirapan."

Nag-aalangang ini-angat ni Aina ang tingin sa lalaki. There was seriousness in his eyes now. Alam niya na gagawin talaga nito kung ano ang gusto niya, ilang beses na iyong naipakita sa kanya ng binata sa loob ng panahong magkasama sila dito.

Bumuntong-hininga siya bago sumagot. "K-kalimutan na lang natin ang nangyari," bulong niya. Though, alam ni Aina sa puso na hindi iyon magagawa. "I-isipin na lang natin na hindi nangyari 'yon para hindi na tayo magkailangan."

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon