Chapter 10

1.4K 41 1
                                    


NAPANGITI si Aina habang pinagmamasdan si Winston na naghuhulma ng dough na gagamitin nila para sa gagawing mga cookies. Kanina ay humiling ito na turuan niyang mag-bake. Hindi naman mahirap turuan ang lalaki kaya agad itong nakasunod.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin na kaarawan mo pala ngayong araw?" tanong niya sa lalaki. Kaninang hapunan ay nabanggit nito sa kanya na espesyal na araw pala nito ngayon. "Itong cookies na ito lang tuloy ang maaari nating gawin para sa handa mo," napalabi pa siya.

Sa loob ng ilang linggo na dumaan, hindi napigilan ni Aina na mas lalong mapalapit ang kalooban kay Winston. Pakiramdam niya ay naging parte na ito ng kanyang pang-araw-araw na buhay. Sinisimulan niya at tinatapos ang isang araw na kasama ito. Kahit silang dalawa lamang ang nasa loob ng bahay na ito ay naging masaya naman siya sa presensiya ng lalaki.

Winston was a very kind and caring man. Simula nang dumating ito ay halos hindi na nito nais na pagawain siya sa loob ng bahay. Hindi nito gustong makitang napapagod siya o ano. And Aina was very touched with that. No one had cared about her before like that, lalo na nang magsimula siyang magsarili.

"Hindi naman mahalaga sa akin ang handa," tugon ni Winston. "At nakalimutan ko rin ang araw ngayon, naalala ko lang nang tumingin ako sa kalendaryo," tumawa pa ito.

Tumawa rin si Aina. "Gabi na rin kaya wala naman tayong maaaring puntahang restaurant. Wala ka bang gustong puntahan bukas?"

Umiling ang lalaki. "Sapat na sa akin ang ganito. At least, may kasama ako. Hindi rin naman ako naghahanda noon sa mga kaarawan ko. Masaya na akong makasama ang mga mahahalagang tao sa buhay ko."

"Sayang hindi mo kasama ang pamilya mo ngayon," bulong niya. Nakaramdam siya ng lungkot dahil siguradong mahirap para dito ang mag-celebrate ng kaarawan na walang kasamang kapamilya. Nitong nakaraang tatlong taon ay ganoon ang nangyari sa kanya. Nakakatanggap naman siya ng mga pagbati mula sa ina at kapatid na si Julia.

"Kasama naman kita," maya-maya ay narinig na wika ni Winston.

Hindi napigilan ni Aina ang mabilis na pagkabog ng sariling puso dahil sa narinig. Hindi rin niya magawang i-angat ang tingin sa lalaki. Ayaw man niyang bigyan ng ibang kahulugan ang sinabi ni Winston subalit hindi naman mapigilan ang sarili.

Narinig niya ang pagtikhim ng lalaki. "Masaya na akong may kasama akong isang tao ngayong kaarawan ko," anito. "Naging mahalaga ka na rin sa akin, Aina. Gusto kong protektahan ka habang naririto ako."

Pinilit ni Aina na tingnan ang lalaking katabi. Nakatitig lamang ito sa kanya, puno ng kaseryosohan ang mga mata. Animo'y may nais pa itong sabihin subalit ngumiti na lamang at ibinalik ang tingin sa hinuhulmang dough.

"Tama ba ang ginagawa ko?" tanong ni Winston.

Inilipat niya rin ang tingin sa ginagawa ng lalaki bago pinilit na mag-focus sa ginagawa. Lumapit siya dito. "Yes, tama na 'yan. Puwede ka nang gumawa ng iba't ibang shapes sa cookie boards na narito."

Inabot ni Winston ang isang board. "Gusto ko ang heart-shaped," sumulyap ito sa kanya. "Ano sa tingin mo?"

"Ikaw ang bahala, ikaw naman ang kakain niyan," naiiling siyang napangiti.

"Hindi mo ba gustong kainin ang gagawin kong cookies? Puso ko pa naman ang balak kong gawin," nasa tono nito ang pagbibiro.

"Gusto mong kainin ko ang puso mo?" ganting biro niya.

Sabay pa silang napatawa. Subalit hanggang sa maipasok nila ang mga cookies sa oven ay hindi pa rin nagagawang tumigil ng mabilis na pagtibok ng puso ni Aina. Alam niya na nagbibiro lamang si Winston sa lahat ng mga sinabi nito kanina kaya nais niyang pagalitan ang sarili sa pagre-react ng ganoon. Ano na lang ang sasabihin ng lalaki kapag nalaman na tinatablan siya ng mga magagandang salita na nagmumula dito?

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon