Chapter 24

1.3K 46 3
                                    

GALIT na galit na inihilamos ni Winston ang kamay sa mukha at muling hinarap si Kenichi. "Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?!" hindi na niya napigilang bulyaw.

"Kahapon ko lang nalaman," tugon ni Kenichi. "Nagtaka ako nang makitang walang nakuhang recordings ngayong linggo. Doon ko lang napagtanto na natuklasan na ni Rosales ang mga audio bugs na ipinalagay natin sa lugar niya." Napahawak ito sa ulo. "Damn it!"

Kitang-kita ni Winston na gustong magwala ni Kenichi ng mga oras na iyon subalit dahil naroroon ang kanyang Papa Leandro ay nagtitimpi lamang ito, maging siya ay ganoon din ang ginagawa. "K-kailangan... kailangan kong pumunta kina Monica. Kailangan kong malaman kung ayos lang sila. Sigurado ako na si Monica ang unang-unang pagbibintangan sa bagay na iyon." Matinding pag-aalala ang kanyang nararamdaman sa kaiisip sa maaaring nangyari sa kapatid nang matuklasan ni Gregorio ang patungkol sa mga audio bugging device na iyon. Damn it, why was he so foolish?! Inilagay niya sa kapahamakan ang kapatid at ina!

Ilang beses na humugot ng malalim na hininga si Kenichi, marahil ay para kalmahin ang sarili. "Tinawagan ko na si Troy kaninang umaga," anito. "Maya-maya lang ay nandito na siya. Sasamahan ka niya sa lugar nina Rosales." Lumapit sa kanya ang lalaki at hinawakan ang dalawang balikat niya. "Kailangan mong malaman kung ano'ng nangyari kina Monica, Winston. Tawagan mo ako once na makita mo siya, naiintindihan mo ba?"

Hindi napalampas ni Winston ang takot na bumahid sa mga mata ni Kenichi. "Puwede na akong mauna doon," aniya. "Tawagan mo na lang si Troy na—"

"Hindi." Marahas na umiling si Kenichi. "You can't risk going there alone. Sigurado akong alam na ni Gregorio na may plano ka na gantihan siya kaya sigurado rin na mas mahigpit na ang pagpapahanap na ginagawa niya para sa'yo. Si Troy lamang ang maaaring mahingan natin ng tulong. Right now, ang police car na gamit niya ang pinakaligtas na sasakyan na maaari mong sakyan."

Naiinis na napabuntong-hininga si Winston at pabagsak na naupo sa sofa. Gusto niya nang sumuko sa lahat ng problemang kanyang kinakaharap.

"Anak," narinig niyang wika ng amang si Leandro. Lumapit ito sa kanyang kinauupuan. "S-sa tingin mo ba ay maayos lang ang kalagayan nina Maita at ng kapatid ni Kenichi?"

Tiningnan niya ang ama at nakita ang matinding pag-aalala sa mukha nito. Marahan niyang ini-iling ang ulo. "Hindi po ako sigurado," pag-amin niya. "Hindi ko alam kung ano ang iniisip ni Gregorio. Pero... pero umaasa ako... umaasa ako na wala siyang ginawa kina Mama at Monica, dahil kung hindi... dahil kung hindi..." Ipinikit niya ang mga mata, nanginginig na sa galit. Hindi niya gustong mag-isip ng kung ano.

"Papatayin ko siya." Narinig nilang wika ni Kenichi, puno ng poot. "Pinipigilan ko lang sarili ko, gustong-gusto ko nang patayin ang hayup na 'yon. Kayang-kaya kong gawin 'yon."

Ipinikit ni Winston ang mga mata at ipinagdasal ang kaligtasan ng ina at kapatid. Alam niyang tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam ng lahat. Ang Diyos lamang ang higit na makakapag-protekta sa mga mahal niya sa buhay sa bawat araw.

Ilang minuto pa siguro ang hinintay nila bago dumating si Troy Aguirre. Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Winston at agad nang inaya ang lalaki na umalis. Sinabi niya sa lalaki ang lugar na pupuntahan – ang bahay ni Rosales sa Batangas City.

"Siguradong maraming bantay sa bahay na iyon," wika ni Winston habang nasa biyahe, may panlulumo na sa tinig. "Ito na ang simula ng laban namin ni Rosales at alam kong gagawin niya ang lahat para mahuli ako at mapatahimik."

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Troy. "Sa tingin mo ba ay makikita natin doon ang kapatid mo at iyong ina?" tanong nito.

"Hindi ako sigurado. Hindi ko ma-kontak si Monica nitong nakaraang mga araw kaya nag-aalala ako."

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon