Chapter 2

1.8K 58 4
                                    


"HERE, isuot mo na," narinig ni Aina na utos ng kaibigang si Carla. Iniabot nito sa kanya ang dark green na masquerade mask. Kanina pa silang nasa loob ng isang cottage sa loob ng Mystic Landia Resort, Laiya, San Juan, Batangas. Pasado alas-siete na ng gabi.

Pinakatitigan ni Aina ang hawak na maskara bago isinuot. Natatakluban niyon ang ibabaw ng kanyang mga kilay hanggang sa tungki ng ilong. The mask was filled with sparkling gems. May feather ding nakakabit sa parteng kanan. Bumagay ang maskara sa emerald satin gown na suot niya. Strapless ang gown na iyon, subalit may nakapatong namang white furred scarf sa kanyang mga balikat. Nakapusod din ang mahaba niyang buhok.

"Wow, you look so beautiful, Aina," papuri pa ni Carla. "Para kang isang royalty diyan."

Naiiling siyang napangiti bago nilingon ang kaibigan. "You look beautiful as well," ganting puri niya. Tunay na napakaganda ng kaibigan sa suot nitong black gown na tinernuhan ng black and white masquerade mask. Nakalugay naman ang mahaba at curly nitong buhok.

Malawak na napangiti si Carla. "Well, pumunta na tayo sa function hall. Magsisimula na ang party mamayang alas-otso," aya nito.

Tumango naman si Aina at sumunod na lamang sa kaibigan. Pina-alalahanan niya ang sarili na subukang i-enjoy ang party. Wala rin namang makakakilala sa kanya dahil sa maskara.

Pagkarating nila sa function hall ay eksaktong nagsisimula na ang event. Pinakinggan lamang nila ang opening speech ng host na nagpakilalang si Lolo Kupido. Napatingin si Aina sa kaibigang si Carla nang magpaalam ito dahil makikipag-kilala lamang daw sa ibang mga guests.

Hinayaan niya na lamang naman ito at nanatiling nakatayo sa isang gilid ng hall habang nakatingin sa platform na kinaroroonan ni Lolo Kupido sa second floor ng function hall. Kumuha siya ng isang baso ng champagne sa waiter na dumaan at marahang ininom iyon.

"Nais kong maging memorable para sa bawat isa sa inyo ang Mystic Landia. Nais kong magkaroon ng katuparan ang pangarap ng bawat isa na naririto sa larangan ng pag-ibig... Muli, maraming salamat at sana ay magawa ninyong i-enjoy ang party," pagtatapos ni Lolo Kupido sa speech nito.

Matapos niyon ay nagkaroon na ng kanya-kanyang gawain ang mga bisitang naroroon. Humakbang si Aina palabas ng function hall para makita ang dagat. Sobrang tagal na simula nang huli siyang magtungo sa isang beach resort. Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya pinagsisisihang magpunta rito.

Tunay na napakaganda ng Mystic Landia Resort. It was like walking in a fantasy land, lalo na at may mga taong naka-maskara at tunay na napakagaganda ng suot. Mahabang sandali siyang naglakad-lakad lamang sa lugar na iyon. May ilang bumabati sa kanya na ginagantihan niya rin ng simpleng pagbati.

Napatigil si Aina sa paghakbang nang mapatapat sa isang parte ng dalampasigan at nakita ang isang lalaking nakaupo doon habang walang tigil sa pagkain sa hawak na plato. Hindi ganoong kaliwanag ang ilaw na nanggagaling sa posteng naroroon at naka-maskara din ito ng puti kaya hindi magawang makita ang mukha.

Mukhang hindi pa siya napapansin ng lalaki kaya pinagmasdan niya lamang at hindi napigilan ang mapangiti. Para bang hindi ito nakakain ng ilang linggo. Nakaupo lang ito sa buhanginan, walang pakialam kung madumihan man ang suot na itim na black suit.

Natigilan si Aina nang makita ang paglingon sa kanya ng lalaki. Akmang hahakbang siya paatras subalit dahil nakabaon na ang heels ng suot na sandals sa buhangin ay naging dahilan iyon ng kanyang pagbagsak ng upo sa buhanginan.

"Aw," napangiwi si Aina dahil sa naramdamang sakit ng pang-upo.

Mabilis namang nakalapit sa kanya ang lalaki. "Miss... a-ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito sa malalim at baritonong tinig.

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon