Book 1: Moments of Love - Chapter 1

2.7K 54 0
                                    


INILAPAG ni Aina ang palette at brush na hawak sa table na nasa tabi at pinagmasdan ang katatapos lamang na panibagong obra. Pinagmasdan niya ang pinintang larawan ng dalawang batang naglalaro sa ilalim ng malaking puno. Ang batang babae ay hawak-hawak ang tali ng saranggola na gawa sa plastik, kasunod lamang nito ang batang lalaki. Parehong masaya ang mga ito habang tumatakbo.

Marahan niyang hinaplos ang ipinintang larawan ng batang lalaki. "Jerome," sambit ni Aina sa pangalan ng batang lalaki. Malungkot siyang napangiti bago itinutok ang paningin sa malaking puno na ipininta...

"Ang tagal naman," nakangusong reklamo ni Aina habang nakatingin sa ginagawang plastik na saranggola ng kaibigang si Jerome. Nakilala niya ito nang maisipan ng pamilya nilang mag-bakasyon sa isang lugar dito sa Zambales. Simula noon ay ang lalaki na ang malimit niyang makalaro.

"Sandali na lang, lalagyan ko na lang ng tansi," natatawang tugon ni Jerome.

Lumabi si Aina at sumandal na lamang sa malaking puno na nasa likod. Kinuha niya sa damuhan ang coloring book at inabala ang sarili sa pagkulay. Ilang sandali lang naman ay narinig na niya ang pagtawag ni Jerome.

"Tapos ko na!" masayang wika nito bago iniabot sa kanya ang ginawang saranggola.

Nagtatalon si Aina at kinuha ang tansi niyon. Tinulungan siya ni Jerome na mapalipad iyon subalit hindi naman ganoon kataas. Patuloy lamang sila sa masayang pagtakbo paikot sa malaking puno.

"Dahan-dahan," narinig pa niyang wika ni Jerome. "Baka madapa ka..."

Natigil ang pagdaloy ng mga alaalang iyon sa isipan ni Aina nang marinig ang tunog ng doorbell mula sa labas. Bumuntong-hininga siya at lumabas ng painting room ng kanyang bahay para magtungo sa front door.

Binuksan niya iyon at agad na nakita ang dalawang matalik na kaibigan na sina Troy Aguirre at Carla Torres. Agad niyang pinapasok ang mga ito. Ang dalawang ito lamang ang itinuturing niyang tunay na kaibigan dahil sa tagal na nilang magkakakilala. At sa kabila ng lahat ng mga pangyayari sa kanyang buhay ay palagi pa ring nakagabay ang mga ito.

"Maupo muna kayo," aya ni Aina nang makarating sila sa living area. "Maghuhugas lang ako ng kamay at magpapalit ng damit."

Ngumiti si Troy. "Abala ka na naman sa bago mong nililikhang obra?" tanong nito.

Tumango siya. "Kailangan ko nang matapos ang mga pinipinta ko dahil malapit na naman ang annual grand exhibit ng Banks Gallery," tukoy niya sa painting gallery kung saan siya naka-kontrata.

"Pero hindi ka rin naman a-attend," naiiling na wika ni Carla. Ito ang anak ng may-ari ng Banks Gallery. Ito na rin ang nagma-manage ng lahat ng events na nagaganap doon. "Hindi mo ba alam na napakarami ang gustong makilala ng personal si Viene Grace?" Tinutukoy nito ang pangalang gamit niya sa lahat ng obra.

Napangiti si Aina. "Alam mo namang hindi ko gusto ang mga social events na 'yan. Masaya na akong mag-stay dito sa bahay kahit na mag-isa lang ako," aniya. "Kumuha na lang kayo ng makakain at maiinom sa kusina. Mag-aayos lang ako."

Tumango na lang ang mga kaibigan at nagpatuloy na naman siya sa loob ng sariling silid. Dumeretso siya sa loob ng banyo para sandaling mag-shower.

Napabuntong-hininga siya habang nakatitig sa mga halamang nasa gitna ng buong banyo. Naisipan niyang magpagawa ng interior courtyard sa loob niyon dahil nakakatulong ang nature sa pagpapakalma ng damdamin. The color palette of the whole bathroom is a calming beach scene. Pinasadya niya iyon para magmukha namang may buhay ang buong bahay kahit na mag-isa lamang.

Ibinalik niya ang isipan sa ipinintang larawan kanina. Siya iyon at ang kaibigang si Jerome noong bata pa sila. Ilang taon na rin simula nang huli niyang makita ang lalaki. Hindi niya nga alam kung naaalala pa ba siya nito. Apat na buwan lang naman silang naging magkakilala noon subalit naging malapit na sa kanyang puso ang lalaki. Hindi niya alam kung bakit. Siguro dahil napakabata niya pa noon at tanging si Jerome lamang ang nagpakita ng labis-labis na atensyon sa kanya.

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon