Chapter 25

1.4K 51 0
                                    

HINDI pa rin mawala-wala ang ngiti ni Aina nang makapasok sila sa loob ng cottage na tinutuluyan ni Winston sa Mystic Landia. Pagkatapos nilang mag-usap kanina ay ipinakilala siya ng nobyo sa ama nitong si Leandro Sandoval, ganoon din sa kaibigan nitong si Kenichi Fujirama. Halos isang oras din ang itinagal ng pakikipag-usap nila sa mga ito hanggang sa ayain na siya ni Winston na magpahinga.

"Dito ako pansamantalang tumutuloy," wika ni Winston, hindi pa rin inaalis ang pagkakahawak sa kamay niya. "Gusto sana ni Papa na sa main house na ako tumuloy pero mas gusto ko naman ang mapag-isa." Ngumiti ito.

Sandaling iginala ni Aina ang paningin sa kabuuan ng cottage. Maliit lamang iyon, simple pero moderno naman ang pagkakadisenyo. Natuon ang kanyang pansin sa isang queen-sized bed na nasa gitnang parte, kulay puti ang bedsheet at mga unan na naroroon.

Bumalik ang tingin niya kay Winston nang marinig ang pagtikhim nito, noon lamang napansin na napatagal na pala ang pagkakatitig niya sa kama.

"P-puwede ka nang magpahinga dito, d-doon na lamang muna ako sa main house matutulog para—"

"No," putol ni Aina sa sinasabi ng lalaki at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay nito. Hindi niya gustong isipin na mapapag-isa na naman siya sa gabing ito. "Stay here. Sleep here," lakas-loob na dagdag niya. Sigurado siya na matingkad na pula na ang kanyang mukha ng mga oras na iyon.

Ilang sandaling nakatitig lamang sa kanya si Winston. Pero maya-maya lang ay sumilay na naman ang isang magandang ngiti sa mga labi ng lalaki. "May... may maipapalit ka bang damit?" tanong nito.

Tiningnan ni Aina ang suot na pantalon at simpleng light blue shirt. "W-wala," nahihiyang tugon niya. Hindi siya nakapagdala ng kahit na anong gamit dahil ang tanging nasa isip lamang kanina ay ang pagnanais na makapiling muli ang binata.

Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Winston. "Gamitin mo muna ang damit ko, ayos lang ba sa'yo?"

Tumango siya at pinagmasdan na lamang ang nobyo nang lumapit ito sa isang maliit na wooden cabinet para kumuha ng mga damit na maaari niyang pantulog.

Hindi naman nagtagal at lumapit na muli sa kanya si Winston para iabot ang isang white long-sleeved polo at khaki shorts. "Pasensiya ka na, iyan lang kasi ang mga naibili sa aking damit ni Papa." Napakamot pa ito sa ulo.

"Ayos na ang mga 'to," tugon niya.

Itinuro sa kanya ni Winston ang isa pang pinto kung saan naroroon ang banyo. Pagkapasok sa loob ay agad nang inabala ni Aina ang sarili sa pag-aayos ng sarili. Pagkatapos mag-shower ay nagbihis na siya ng mga damit na ipinahiram ni Winston ngunit dahil hindi nagkasya ang khaki shorts ay napilitan siyang ang long-sleeved polo na lamang ang isuot. Mahaba naman iyon kaya umabot hanggang sa kanyang hita.

Pinakatitigan muna ni Aina ang sarili sa salamin na naroroon. Napangiti siya nang mapansin ang kakaibang kislap na nasa kanyang mga mata. Nitong nakaraang mga linggo ay tanging kalungkutan lamang ang nakikita niya doon. She was so happy to be with Winston once again. Hinding-hindi niya na hahayaang mapalayo pang muli sa lalaki at makaramdam ng matinding pangungulila.

Inayos niya muna ang sariling buhok bago nagpasyang lumabas na ng banyo. Ang agad na hinagilap ng mga mata ni Aina ay si Winston. Nakita niya itong nakaupo sa ibabaw ng kama, nakatingin na rin sa kanya.

His eyes widened at the sight of her. Sinuyod pa ng tingin ng nobyo ang kabuuan niya na naging dahilan ng matinding pagwawala ng puso ni Aina sa loob ng dibdib. Bigla ay nakaramdam din siya ng hindi maipaliwanag na pag-iinit sa buong katawan.

Nang magtama ang mga mata nilang dalawa ng nobyo, hindi napalampas ni Aina ang pagsiklab ng apoy sa itim na mga mata nito. Mabilis namang iniiwas ni Winston ang tingin at tumayo para lumapit sa kinatatayuan niya.

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon