Book 4: Genesis Chapter 31

1.4K 26 1
                                    

April1982

PALIHIM na sumilip si Maita Lasquite sa bintana ng kuwarto niya kung saan nakatapat ang malaking hardin ng mansion nila sa Zambales. Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang matanaw ang lalaking kanina pa gustong-gustong makita.

Sa pagkakaalam niya ay Leandro Sandoval ang pangalan ng binata. Ilang taon na simula nang magsimula itong maging hardinero para sa pamilya nila. Sa pagkakaalam niya ay isa rin itong magsasaka sa bukirin ng mga Lasquite, kasabay niyon ay ang pagiging hardinero sa kanilang mansiyon. At hindi maintindihan ni Maita kung bakit simula nang unang makita ang lalaki, hindi na ito mawala-wala sa kanyang isipan. Iyon ang dahilan kaya araw-araw ay palihim niya itong sinisilip mula sa bintana ng kuwarto. Masaya na siya na makita itong nagta-trabaho kahit sandali.

Bumuntong-hininga si Maita. Gusto niyang makipagkilala sa lalaki subalit hindi naman magawang makakuha ng lakas ng loob. Ni minsan ay hindi pa siya nakaramdam ng ganitong klase ng atraksiyon sa isang lalaki, kahit sa mga lalaking ipinapakilala sa kanya ng amang si Juancho Lasquite. Mga lalaking puro may sinasabi sa buhay subalit hindi niya naman magustuhan.

Napalingon siya sa may pinto nang makarinig ng pagkatok. Nakita niyang pumasok sa loob ang isa sa kanilang mga katulong. Bumati ito sa kanya at sinabing papalitan lamang ang mga bulaklak na nasa vase ng mesitang malapit sa kanyang kama.

"S-saan ka kukuha ng mga bulaklak?" tanong ni Maita habang inaalis ng katulong ang mga nalanta ng bulaklak sa vase na naroroon.

"Sa hardin po, Señorita Maita," magalang na sagot ng katulong.

Tumikhim si Maita at itinuwid ang likod. "P-puwedeng... puwedeng ako na lang ang kumuha ng mga bulaklak sa hardin," nauutal na pag-ako niya. "G-gusto kong mamili ng sarili kong mga bulaklak."

May dumaang pagkagulat sa mga mata ng katulong. "Sigurado po ba kayo? Medyo mainit po sa labas, Señorita."

"Ayos lang sa akin 'yon." Ngumiti si Maita. "Gusto ko ring makapagpahangin kahit sandali," pagdadahilan niya pa.

Tumango naman ang katulong at magalang na nagpaalam sa kanya. Nang mapag-isa sa kuwarto ay hindi na napigilan ni Maita ang mapangiti. Inayos niya muna ang suot na damit at buhok bago humakbang palabas ng silid.

Pagkalabas niya ng mansion ay agad na nasalubong ni Maita si Erwin Salazar, isang binatilyo na nagtatrabaho para sa pamilya niya. Ito ang nakatokang sumama sa kanya tuwing may kailangan siyang puntahan.

"Ate Maita, may pupuntahan ka ba?" tanong ni Erwin.

"W-wala naman, mamimitas lang ako ng mga bulaklak sa... sa hardin," sagot niya.

Tumango-tango si Erwin. "Pupuntahan ko muna si Inay, Ate. Hindi pa kasi siya kumakain ng tanghalian. Ayos lang ba? Nandoon naman sa may hardin si Kuya Leandro kaya may magbabantay din sa'yo. Siya 'yong hardinero dito kung naaalala mo."

Iniiwas ni Maita ang tingin at tumango na lamang. Nagpaalam na sa kanya si Erwin at siya naman ay nagpatuloy na sa paglalakad patungo sa hardin. Sobrang lakas ng kabog ng puso niya at hindi magawang pigilan iyon.

Pagkarating sa hardin, agad niyang natanaw si Leandro Sandoval na abala pa rin sa pagtatanim ng mga bagong halaman doon. Hindi alam ni Maita kung ano ang gagawin. Inuutusan siya ng isipan na tumalikod na lamang at bumalik sa sariling silid. Bigla ay nakaramdam siya ng hiya na makaharap ang lalaki.

Nakapag-desisyon na siyang tumalikod nang bigla ay lumingon sa kinatatayuan niya si Leandro. Agad na nagtama ang mga mata nila ng lalaki. Ang itim na itim na mga mata na yata nito ang pinakamagandang mga mata na nakita ni Maita sa buong buhay, pakiramdam niya ay nalulunod siya sa simpleng titig na nagmula dito.

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon