Chapter 35

2.9K 77 12
                                    

Present day...

INABOT ni Maita Lasquite ang naghihintay na kamay ni Leandro Sandoval. Pinagsiklop ng lalaki ang kanilang mga palad, papasok na sila ngayon sa loob ng resort na pag-aari nito sa Laiya, San Juan, Batangas – ang Mystic Landia.

Hindi na naman napigilan ni Maita ang pangingilid ng mga luha habang pinagmamasdan ang buong paligid. Napakaganda ng lugar. Ganitong-ganito ang lugar na pinlano niya kasama si Leandro noon.

Nagpatangay lamang siya sa lalaki hanggang makarating sila sa dalampasigan. Naupo sa buhanginan si Leandro at sumunod naman siya, katabi nito.

Isang mahabang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila, tanging ang mabining alon lamang ng dagat ang naririnig.

Tumikhim si Leandro bilang pagbasag sa katahimikang iyon. "Para sa'yo ang lugar na 'to, Maita," anito sa seryoso at baritonong tinig tulad pa rin noon. "Akala ko... akala ko hindi ko na magagawang maipakita sa'yo ang lugar na ito. Pangarap mo 'to, hindi ba?"

Tiningnan ni Maita ang lalaki at nakita ang mga luha sa pisngi nito. Itinaas niya ang isang kamay para marahang pahirin ang mga luhang iyon. Pagkatapos ay inihilig niya ang ulo sa balikat ni Leandro habang pinagmamasdan ang napakagandang sunset sa harapan.

"Salamat, Leandro," humihikbing bulong niya. "Salamat dahil buhay ka. Salamat dahil hindi mo ako kinalimutan sa kabila ng lahat."

Hindi nagawang maipaliwanag ni Maita ang naramdaman noong muling makita si Leandro sa ospital na pinagdalhan sa anak na si Winston. Kahit hindi ito nagsalita, agad niya itong nakilala. Tumanda man ito ng ilang taon, hinding-hindi niya naman makakalimutan ang itsura nito, ang mga mata nito.

"A-alam ko na buhay ka pa," pagpapatuloy niya. "Dahil iyon ang ibinubulong ng puso ko. Alam ko na magkakasama uli tayo."

Inabot siya ni Leandro at niyakap ng mahigpit. "P-patawarin mo ako, Maita," garalgal na wika nito. "K-kung hindi ko kayo hinanap. H-hindi ka na sana nakaranas ng paghihirap. Patawarin mo ako."

Ini-iling ni Maita ang ulo at pinakatitigan ang lalaking ni minsan ay hindi nawaglit sa kanyang puso at isipan. "Wala kang kasalanan, Leandro. Wala." Naiintindihan niya na ang lahat. Naikuwento na sa kanya ni Winston ang lahat. Pareho lamang silang naging biktima ng panloloko ng kanyang ama. "G-gustuhin ko mang magalit kay Papa, wala na rin naman akong mapapala. Pero si Mama, tinulungan n'ya ako hanggang sa huli niyang hininga." Namatay ang kanyang Mama limang taon matapos niyang maipanganak si Jerome o Winston.

"S-si Papa naman ay namatay matapos kaming ikasal ni... ni Gregorio," pagpapatuloy ni Maita. "Alam kong si Gregorio ang nasa likod ng pagkamatay ni Papa, d-dahil gusto niyang makuha ang lupang ipapamana sa akin."

"I'm sorry," ikinulong ni Leandro ang kanyang mukha sa magkabila nitong palad, kitang-kita ang kalungkutan sa itim na mga mata. "I'm sorry to hear that."

Pinilit ni Maita ang ngumiti. "That was the past," aniya. "Ang mahalaga ay ngayon. Kasama na uli kita ngayon." Sobra-sobra ang kasiyahang kanyang nararamdaman dahil kasama na muli ang lalaki. Napakatagal na panahon niyang hinintay na dumating ang oras na ito.

"Mahal na mahal kita, Maita," puno ng pagmamahal na wika ni Leandro. "Simula noon hanggang ngayon, hindi ka napalitan sa puso ko."

Tumulo na ang mga luha sa kanyang mukha. "At ganoon din ako, Leandro. Mahal na mahal na mahal kita. Ikaw lang ang lalaking nais kong makasama simula noon hanggang ngayon."

Nakita niya ang pagngiti ni Leandro – ngiti na sobrang tagal niya nang hinintay na muling masilayan. Maya-maya ay may kinuha sa bulsa ng pantalon nito ang lalaki.

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon