Chapter 32

1.3K 29 1
                                    

HINDI mawala-wala ang ngiti sa mga labi ni Maita habang sumusunod sa paglakad ni Leandro papasok sa loob ng kagubatan kung saan naroroon ang kubong itinayo nito. Hawak-hawak ng binata ang isa niyang kamay para raw hindi siya mawala sa tabi nito.

"Mabuti na lang talaga at nagawa kong makatakas sa tulong ni Erwin," wika niya. "Napakarami ko nang utang na loob sa batang 'yon."

"Natin," pagtatama ni Leandro, may saya sa tinig. "Ililibre ko siya ng mga pagkaing gusto niya kapag naka-suweldo na ako sa katapusan."

"Ibibili ko naman siya ng mga bagong damit kapag nakapunta kami sa bayan," pagpaplano rin niya. "Ganoon din ang kanyang ina. Siguradong matutuwa ang mga 'yon."

Ilang minuto pa siguro silang naglakad-lakad bago niya natanaw ang isang maliit na kubo na tinutukoy ni Leandro. Maliit lamang iyon, siguro ay isang silid lamang ang laki.

Binitawan lamang ni Leandro ang kanyang kamay nang makalapit sila sa pinto ng kubo para buksan ang lock niyon. "Pasok ka," aya nito. Pinauna muna siya nitong pinapasok sa loob.

Kahit maliit lamang ang kubo, malinis naman iyon at maaliwalas. Napatingin siya sa isang papag na nasa gitnang parte, sa tabi noon ay isang kahoy na mesa at upuan. May nakapatong ding de-bateryang radyo sa mesa. Iyon marahil ang pinaglilibangan ni Leandro tuwing nagpupunta dito.

"Kahit maliit ito, ipinagmamalaki ko pa rin dahil pinaghirapan kong itayo," narinig niyang wika ni Leandro mula sa likod. Lumapit ito sa papag at naupo doon.

Tiningnan ni Maita ang lalaki. "Gusto ko dito," seryosong wika niya. "Mas tahimik, mas nakakapag-isip ng maayos."

Nakita niya ang pagngiti ni Leandro. "Masaya ako dahil nagustuhan mo."

Lumapit siya sa papag at naupo sa tabi ng binata. "Masaya ako na isinama mo ako dito, Leandro," bulong niya.

Ilang sandaling nakatitig lamang sa kanya si Leandro, lumamlam na ang mga mata nito. Itinaas nito ang isang kamay para marahang haplusin ang kaliwang pisngi niya. "Ikaw na ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa buong buhay ko, Maita. Hindi mo alam kung gaano katagal na kitang pinagmamasdan simula nang mag-trabaho ako sa lugar na ito. Masaya na ako na makita ka kahit saglit lamang. Hindi ko inaakala na makakaharap kita ng ganito ngayon, mahahawakan, makakausap."

Hindi na napigilan ni Maita ang pangingilid ng mga luha, sobrang bilis na rin ng tibok ng kanyang puso sa lahat ng mga naririnig. Gusto niyang sabihin na ganoon din siya noon subalit tila wala na siyang lakas para ibuka pa ang bibig.

Nanatili lamang siyang nakatitig sa lalaki. Hindi alam ni Maita kung ano ang nakita ni Leandro sa kanyang mga mata kaya dahan-dahang bumaba ang mukha nito para mahalikan siya sa mga labi. Mas higit na tumindi ang pagkabog ng kanyang puso nang malasahan ang kauna-unahang halik sa buong buhay.

Ipinikit ni Maita ang mga mata at hinayaan lamang ang binata na halikan siya. Napaungol siya nang magsimulang gumalaw ang mga labi ni Leandro sa mga labi niya. Ninamnam niya ang sensasyon na ipinagkakaloob ng halik na iyon.

Hanggang sa hindi niya namamalayan na tinutugon niya na pala ang halik ng binata, nakayakap na ang kanyang mga kamay sa katawan nito at ganoon din naman si Leandro sa kanya. Pareho silang naghahabol ng hininga nang sa wakas ay maglayo ang kanilang mga labi.

Hindi pa rin natitigil ang malakas na kabog ng puso ni Maita. Ramdam na ramdam niya na ang init na nagmumula sa katawan ng lalaki na nakadikit sa kanya. Animo'y naririnig niya na rin ang lakas ng tibok ng puso nito.

"Mahal kita, Maita," magaspang na wika ni Leandro. "Hindi lang bilang isang kaibigan. Ikaw ang babaeng pinangarap kong makasama habang-buhay. P-patawarin mo ako kung ganito ang nararamdaman ko. Pinilit kong itago pero... pero hindi na magawang ikimkim pa ng puso ko."

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon