Chapter 16

1.3K 38 1
                                    

MALALIM na ang gabi nang makarating si Winston sa Bulacan. Napangiti siya habang hawak-hawak ang isang bouquet ng bulaklak na nabili sa nadaanang flower shop, naglalakad na siya patungo sa bahay ni Aina.

Napatigil siya sa paghakbang nang mapansin ang isang lalaki na nakasandal sa gate ng bahay ni Aina na tila may hinihintay. Napatingin din naman ito sa direksyon niya.

"Dito ka ba nakatira?" tanong ng lalaki sa seryosong tinig.

"Bakit?" ganting tanong ni Winston. Anong kailangan ng lalaking ito sa bahay na iyon? May nangyari ba kay Aina kaninang wala siya?

Humakbang palapit sa kanya ang lalaki. Seryoso din ang mukha nito.

Nagulat si Winston nang mabilis na alisin ng lalaki ang cap na nakataklob sa kanyang mukha. Kitang-kita niya ang pagdaan ng galit sa mga mata ng lalaki nang makita ang itsura niya.

Mabilis siya nitong kinuwelyuhan at isinandal sa sementong bakod doon. Naihulog niya na rin ang hawak na bouquet.

"Mapapalampas ko pa sana kung isang matinong lalaki ang kinakasama ni Aina sa lugar na ito," marahas na wika ng lalaking nasa harap. "Pero ang isang katulad mo?" may dinukot itong isang papel sa bulsa at ipinakita sa harapan niya – iyon ay ang flyer kung saan naroroon ang mukha niya bilang isang wanted na kriminal. "Isang takas na kriminal. Right, Mr. Winston Rosales?"

Hindi nagawang itago ni Winston ang pagkagulat dahil sa sinabi ng lalaki. Sino ang lalaking ito? Ang unang instict niya ay itulak ito at tumakbo palayo ng lugar na iyon subalit hindi magawa. Nanghihina na ang katawan niya dahil sa pagod dulot ng pakikipaglaban kay Kenichi kanina. Iniinda niya pa rin ang sugat na nasa kaliwang braso.

Sinagot ng lalaking nasa harap ang tanong sa kanyang isipan. May itinaas itong isang badge – isang police badge, to be exact. "Troy Aguirre, police officer. Isa ako sa mga matalik na kaibigan ng babaeng niloloko mo sa bahay na ito," hinigpitan nito ang pagkakakuwelyo sa kanya. "Noong una ay gusto ko lang malaman kung may karelasyon nga si Aina na itinatago sa akin, hindi ko inaasahan na sa ilang araw kong pagmamasid ay makikita ko ang isang takas na kriminal na matagal na naming hinahanap."

Hindi pa rin alam ni Winston kung ano ang gagawin o sasabihin. Animo'y nawala ang matinong daloy ng kanyang pag-iisip ng mga oras na iyon. Hindi niya inaasahan ang bagay na ito, ang makaharap ang isang pulis na mismong kaibigan ng babaeng minamahal. Hindi niya alam na matatapos na dito ang lahat.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" mariing tanong ni Troy. "Ano'ng ginagawa mo sa lugar ni Aina? Ano'ng balak mong gawin sa kanya?! Balak mo rin ba siyang igaya sa taong pinatay mo?" marahas itong umiling. "Hindi ko 'yon mahahayaan. Bago ka pa makagawa ng masama, kakaladkarin na kita ngayon sa bilangguang dapat mong kalagyan."

Akmang hihilahin siya nito palayo nang mapigilan niya ang isang kamay nito. "No," nawika ni Winston, sa wakas. "W-wala akong balak na masama kay Aina. H-hinding-hindi ko siya sasaktan. Hindi ako masamang tao katulad ng inaakala mo, hindi ako mamamatay-tao."

Ngumisi si Troy. "Hindi ba at iyan naman ang mga sinasabi ng kriminal?" pang-uuyam pa nito subalit hindi pa rin pinapakawalan ang pagkakakuwelyo sa kanya.

"H-hindi ko ginustong tumakas noon," nagmamakaawa na ang tinig ni Winston. "Subalit kahit sinong inosenteng tao ay makakaisip ng ganoong bagay kapag nabigyan ng pagkakataon. Hindi ako ang pumatay kay Charles dela Cruz, sa kapatid ni Aina. I was framed up. Alam kong hindi madaling paniwalaan subalit iyon ang totoo."

"Charles?" hindi makapaniwalang ulit ni Troy.

Tumango si Winston. "Babago ko pa lang nalaman na ang kapatid ni Aina ang lalaking ibinibintang na pinatay ko. Pero hindi ko 'yon ginawa. Kilala mo si Enrique dela Cruz. Pulis ka, imposibleng wala ka man lang kahit na katiting na suspetsa sa mga masasamang ginagawa niya."

[Completed] Party of Destiny Book 12: While We Are Able To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon