Chapter 02

4.8K 189 11
                                    

"SIGURADO ako na bubuti na ang pakiramdam ko," nakangiting binalingan ni Sanria ang kaibigang si Gray na abala rin sa pagkain nito ng lugaw.

"Dapat lang dahil marami ka ng na-miss na subject sa school mo. At," pambibitin pa nito bago nag-angat ng mukha para titigan siya. "Bilisan mo na ring kainin 'yang lugaw mo dahil sigurado akong lagot tayo sa Papa mo."

"Okay lang mapagalitan. Nakakain naman ako ng lugaw dito. Thanks to you, Gray," nginitian pa niya ito ng ubod tamis.

Hindi agad inalis ni Gray ang tingin sa kanya, partikular na sa nakangiti niyang labi.

"Bakit?" untag ni Sanria dahil hindi ito kumukurap.

Tumikhim si Gray bago umiling. "Wala. Bilisan mo na," anito na itinuon na muli ang atensiyon sa pagkain.

"Alam mo kanina mo pa ako pinagmamadali. Biruin mo, hindi pa na-i-i-serve ang lugaw ay bilin mo na 'yan. Kapag hindi ako natunawan ay kasalanan mo."

Napapalatak pa si Gray. "Kumain ka na lang."

"Pero salamat pa rin for making this lugaw possible."

"Isa," warning na ni Gray kaya itinikom na ni Sanria ang labi habang nangingiti.

"Bibilisan na po," nangingiti pa rin niyang sabi.

Isa pang sulyap kay Gray bago itinuon na sa pagkain ang atensiyon. Kapag kasama niya si Gray parang lahat ay posibleng mangyari. Walang imposible. Napangiti siyang lalo.

Nang matapos kumain si Sanria ay inabutan siya ni Gray ng gamot at kalahating baso ng tubig.

"Inumin mo 'yan para tuluyan ka ng gumaling.

Kinuha niya sa palad nito ang gamot matapos magpasalamat at pikit matang nilunok ang gamot. Kasunod niyon ay deretso niyang ininom ang kalahating basong tubig. Ayaw niya ng lasa ng gamot. Pero sa harap ni Gray ay bawal siyang mag-inarte lalo na at ito ang nagdala sa kanya roon para makakain ng paborito niyang lugaw.

"Okay ka na? Kailangan na nating bumalik sa inyo."

Bumilang muna si Sanria ng hanggang lima sa isip bago iminulat ang mga mata. Tumutok agad ang kanyang tingin sa guwapong mukha ni Gray na nakaupo sa tapat niya.

Pakiramdam niya ay lumakas na kahit paano ang kanyang nanghihinang katawan. Palibhasa ay nakakain na siya ng kanyang gusto. Nag-thumbs up pa siya kay Gray.

"Mas okay na ako kaysa kanina."

"Hindi ka na rin kasing putla nang puntahan kita sa bahay ninyo kanina," sang-ayon din nito.

"Dahil sa lugaw," nakangiti pa siyang nag-finger heart. "Thank you."

Tumayo na si Gray nang maibigay rito ng waitress ang isang supot na naglalaman ng lugaw. Hindi nakalampas sa paningin ni Sanria ang kilig na lumarawan sa mukha ng babae dahil kay Gray. At hayon ang kaibigan niya, deadma sa gesture ng babae.

Naiiling na tumayo na siya nang alalayan siya ng binata.

Nang makasakay sila sa kotse ay naupo pa siya paharap kay Gray. "Thank you, Gray. Na-miss ko ang lugaw nila rito."

"Nabibingi na ako sa kaka-thank you mo," ani Gray na pinasibad na ang sasakyan nito.

Tinawanan lang ni Sanria ang sinabi nito. Pagkuwan ay sumeryoso nang may maisip. "Naisip ko, kung paano na lang ako kung wala ka?"

Mula sa daan ay sandaling napasulyap sa kanya si Gray. "Kawawa ka naman," ngumisi pa ito.

Isinandal niya sa head rest ng inuupuan ang kanyang ulo at deretso ang tingin sa kalsada. "Ang boring siguro ng buhay ko."

"Nag-drama ka na naman, Sanria. Natural lang naman sa magulang ang maghigpit sa kanilang anak. Lalo na sa babaeng anak."

Alam naman niya ang bagay na iyon. Kaya nga nagpapasalamat pa rin siya dahil may isang Gray Samaniego sa buhay niya na handa siyang ipagpaalam sa mga magulang niya para marating ang mga lugar na gusto niyang marating.

"At dahil lalaki ka kaya hindi ka pinaghihigpitan?"

Umiling si Gray. "Hindi sa ganoon. Pinaghihigpitan din naman ako. Lalo na ni Mommy Chello."

Tumango-tango siya. Pagkuwan ay pumikit. Inaantok ang pakiramdam niya dahil sa kabusugan.


PAGKALABAS NI Gray sa study room na pinanggalingan ay sandali pa siyang sumandal sa kasasara lang na pinto. Katatapos lang niyang makausap ang ama ni Sanria.

Naabutan kasi sila ni Tito Sanji kanina na paakyat sa hagdanan noong dumating sila galing sa bayan. Tulog si Sanria kaya pangko-pangko niya ito. Nang tanungin siya ng ama ni Sanria kung saan ba sila galing ay hindi na siya nagsinungaling pa. Pinahatid lang nito si Sanria sa silid nito bago siya pinasunod sa study room...

"Marami ba siyang nakain?" bungad agad ni Sanji Marquez.

Tumango si Gray. "Nakadalawang order po siya ng lugaw."

"Hindi ka naman ba naabala ni Sanria?"

Sinulyapan niya ito bago umiling. "Hindi po. I'm sorry, Tito Sanji, kung hindi ko natiis si Sanria nang tawagan niya ako kanina kahit na nakapangako ako sa inyo na hindi muna pagbibigyan si Sanria sa mga gusto niya."

"Palalampasin ko 'yong nangyari ngayon. Pero 'yong susunod, 'wag mo na munang pagbigyan. Hindi naman ako kontra kung ikaw ang nakakasama ni Sanria. Mas palagay ang loob ko kung ikaw ang nakakasama niya pero hindi naman habang buhay ay kayo ang magkasama. Malalaki na kayo. At ayaw ko na palagi na lang dedepende sa iyo si Sanria. Baka nga pati personal mong buhay ay hindi mo na maasikaso dahil kay Sanria. Bigyan mo rin ng oras mo ang sarili mo."

"Tito-"

"Don't get me wrong, Gray," agap nito sa akmang pagtutol niya.

Napabuntong-hininga si Gray. Sa huli ay wala na rin siyang nagawa kundi ang tanguan ang sinabi nito. Bagaman at labag iyon sa loob niya. Kung may nag-iisang tao man siyang hindi kayang tiisin, walang iba iyon kundi si Sanria.

Mula nang magkaisip siya ay si Sanria na ang kasama niya. At bago pa sila magkaroon ng sari-sariling kapatid ay sila na ang naunang nagturingan na magkapatid...

Napabuntong-hininga si Gray matapos alalahanin ang pag-uusap nila ni Tito Sanji.

Bago tuluyang umuwi ay dumiretso muna siya sa silid ni Sanria. Himbing na himbing pa rin ito sa pagtulog.

Naglakad siya palapit sa kama ni Sanria at naupo sa gilid niyon. Ilang sandali rin niyang tinitigan lang ang maganda at maamo nitong mukha.

"I'm sorry," mahina niyang anas.

Simula ngayon ay magiging limitado na lamang ang mga bagay na pagbibigyan niya sa kaibigan. Hindi kagaya noon na lahat ay pagbibigyan niya anumang hilingin nito sa kanya.

Tama rin naman si Tito Sanji, si Sanria rin ang mahihirapang mag-adjust pagdating ng araw kung nakadepende lang ito sa kanya.

Makalipas ang ilan pang sandali ay ipinasya na rin niyang umuwi sa kanila.


A Princess In Disguise 2: A Princess PromiseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon